Alisin ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang pagmumulan ng pondo para sa panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) bill. Ito ang mariing sinabi ni Senador Win Gatchalian sa gitna ng lumalalang global financial shock.
Ang rekomendasyong ito ni Gatchalian ay kasunod ng apat na pahinang liham para kay Senador Mark Villar, chair ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, habang kasalukuyang tinatalakay ang bersyon ng Senado hinggil sa panukalang batas na lumilikha ng MIF.
Ayon kay Gatchalian, dapat tanggalin ang idineklarang dibidendo ng BSP bilang pagkukunan ng pondo para sa capitalization ng MIF at ng Maharlika Investment Corporation (MIC), na inaasahang magiging isang independent body na mamamahala sa pondo ng estado.
“Sa pamamagitan ng pag-apruba sa panukala na isama ang BSP bilang pagmumulan ng MIF, ilalantad natin ang ating sistema ng ating pananalapi sa mga sitwasyong walang katiyakan. Hahadlangan natin ang BSP na tugunan ang mga hamon sa ekonomiya dahil marami ang pwedeng mangyari sa loob ng 17 taon,” sabi ni Gatchalian, na tinukoy na aabutin ng 17 taon para ganap na maisakatuparan ng institusyon ang mga kinakailangan sa capitalization kung ito mismo ay inatasan na mag-ambag ng mga dibidendo para sa MIF.
Binanggit niya bilang isang halimbawa ang kasalukuyang liquidity crunch na kinakaharap ng banking sector sa Estados Unidos kasunod ng pagbagsak ng Silicon Valley Bank (SVB) at Signature Bank, na nagdulot ng pagkawala ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa buong mundo. Ayon sa mga ulat, ang pagsasara ng SVB ay sanhi ng lumalalang pag-aalala hinggil sa financial capability ng bangko na nagdulot ng malawakang sell-off sa mga stock na siyang nag-udyok sa mga kliyente nito na ilabas na ang kanilang mga deposito sa bangko.
Ang naturang sitwasyon ay pinalala pa ng sell-off ng Credit Suisse na lalong nagpapalala sa lagay ng financial system sa America at Europe. Matatandaang noong 2008 ay ganito rin ang nangyari sa Lehman Brothers na nag-udyok ng pagbagsak ng merkado na humantong sa mga central banks sa buong mundo na magsagawa ng pagbabawas ng monetary policy rates, ayon kay Gatchalian.
Sa halip na patibayin at ihanda ang BSP sa mga krisis na kinakaharap ng sektor ng pagbabangko, ang panukalang MIF bill ay magpapahina sa mismong institusyong may kakayahang mabilis na kumilos sa panahon ng banking crisis, sabi ni Gatchalian. Malalagay, aniya, sa alanganin ang BSP sa ganitong sitwasyon.
Sinabi pa ni Gatchalian na ang pagsang-ayon sa kasalukuyang panukala na gawing fund source ang mga idineklarang dibidendo ng BSP ay mangangahulugan ng pagsalungat sa boto ng Senado sa 18th Congress noong aprubahan nito ang Republic Act 11211, na kilala rin bilang The New Central Bank Act.
“Sa pagpasa ng RA 11211, inaprubahan natin ang pagtaas ng capitalization ng BSP mula P50 bilyon hanggang P200 bilyon. Ipinaunawa sa atin na kailangang pabilisin ang capitalization ng BSP upang matiyak ang lakas ng pananalapi ng institusyon dahil sa paglago ng industriya ng pagbabangko sa paglipas ng mga taon,” sabi ni Gatchalian.
“Sa pamamagitan ng pagdedeklara ng mga dibidendo upang mag-ambag sa capitalization ng Maharlika, ang BSP ay magkakaroon ng mas kaunting pondo para ganap na kumilos laban sa mga inflationary pressure na nangangailangan ng malaking gastos sa mga pamilihan sa pananalapi at maaaring magresulta sa pagkawala ng produksyon at ng trabaho at sa huli ay makakaapekto sa track record ng BSP sa pagkontrol ng inflation expectations,” pagwawakas ni Gatchalian.