30 C
Manila
Biyernes, Mayo 23, 2025

Bumabasa pero hindi nakakabasa? Ay!

- Advertisement -
- Advertisement -

18 milyong high school graduates, hindi nakakabasa?

Kamakailan, ginimbal tayo ng balita tungkol sa sarbey ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsasabing mahigit 18 milyong Pilipino na gradweyt ng hayskul ang “functionally illiterate” o hindi nakakabasa, hindi nakakaintindi ng tekstong binabasa nila. Ibig sabihin, marunong silang bumasa, nababasa ang mga salita, pero hindi nauunawaan ang nilalaman nito. Walang paglilipat ng kaalaman, kung gayon. Kung hindi naiintindihan ang binabasa, apektado rin ang kaalaman tungkol sa iba pang mga sabjek, tulad ng pagbilang, siyensiya at iba pa.

Mga titser at estudyante, unang sinisi

Sino ang may kasalanan? Mga titser, sino pa! Kaya ang unang reaksyon ng mismong Kalihim ng Edukasyon, training at re-training ng mga titser. Kailangan pa ng mga guro ng mas intensibong mga pagsasanay. Kulang pa sila sa mga kakayahan at kasanayang angkop para maging mahusay na mga guro.

Ang naninising mga daliri, isa man ay hindi nakaisip na ang mga titser, tulad ng kanilang mga estudyante, ay biktima – biktima ng sistema ng edukasyon, biktima ng lumalalang kalagayang sosyo-politikal-ekonomiko. Sa publikong mga paaralan, sobra sa trabaho pero kulang sa sweldo. Hindi nakapagtataka na tuberkulosis ang karaniwang sakit ng mga guro. Walumpu hanggang sandaang estudyante sa bawat klasrum. Sa roll call pa lamang, ubos na ang oras. Hindi makapagtuon ng isip sa aralin ang mga estudyante dahil bukod sa umaapaw sila sa loob ng klasrum, kumakalam din sa gutom ang kanilang mga sikmura. Paano ipapasok sa ulo ang mga leksyon kung kailangan munang pakalmahin ang nag-aalburotong tiyan?


Kulang ang mga klasrum, kulang ang mga guro, kulang ang badyet. Ano ang solusyon? Retraining ng mga guro. Sino ang magbibigay ng training sa kanila? Ang Kalihim ba ng Edukasyon?

May kasalanan din daw ang mga magulang. Hindi raw kasi sinusubaybayan ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Hindi ginagabayan. Hindi sinusuhayan sa bahay ang mga leksyon sa mga klasrum. Paano nila gagawin ito kung sila mismo ay kulang ng kaalaman, at wala na ring oras at lakas dahil abala sa paghahanapbuhay?

Mga tanong sa sarbey ng PSA  

Ayon kay Dr. Ramon Guillermo ng Unibersidad ng Pilipinas – Diliman, kung “factual” ang mga tanong, o batay sa kung alin ang pinaniniwalaang dapat alam ng mga estudyante, maaaari ngang hindi makasagot ng tama ang mga ito. Halimbawa raw, kung ang tanong ay kung si Franz Kafka o si Franz Arcellana ba ang awtor ng maikling kwentong “Metamorphosis,” o kung si Amado Hernandez, Allan Derain, o JRC ang sumulat ng “Utos ng Hari,” kung hindi makasagot ng tama ang estudyante, ibig sabihin ay maaaring kulang ang edukasyon niya sa panitikan, pero hindi siya tanga, o “tinanga ng ating sistemang pang-edukasyon.” Dagdag ni Dr. Guillermo, “dapat nakatuon ang tanong sa semantika at lohika ng pag-unawa at hindi sa kung alinmang fact na ipinapalagay nating dapat nilang nalalaman.”

- Advertisement -

Iba pang pananaw

Ayon naman kina Drs. Allen Espinosa at Arlynne Marasigan sa kanilang “What’s Failing Philippine Education: Learning or Leadership?,” (Philstar, Mayo 3, 2025), “Poor learning outcomes are not accidental. They are the predictable logical result of decades of policy mismanagement, bureaucratic inertia and leadership. Failure at the highest levels.”

Matagal na, kung gayon, ang krisis sa edukasyon. May sandaang taon na ang nakararaan nang isagawa ang Monroe Survey (1925) na nagtaya sa antas ng pagkatuto ng mga kabataang Pilipino. Panahon ito ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas. Lumabas sa pag-aaral na kumpara sa mga kabataang Amerikano, mas mababa ang antas ng pagkatuto ng mga Pilipino. Iminungkahi ng nasabing survey na gamitin ang Ingles bilang panturo pero gamitin din ang mga lokal na lenggwahe. Pinansin din sa pag-aaral na ang mga materyales na panturo ay gawang dayuhan at hindi sumasalamin sa lokal na kultura. At dahil nga Ingles ang panturo, hindi kataka-taka na lumitaw na mas mataas ang pagkatuto ng mga Amerikano kaysa sa mga Pilipino.

Nalunasan na ang ilan sa mga problema sa edukasyon na nakaharap noon. Marami nang lokal na materyal sa pagtuturo ngayon. Naging bilinggwal ang patakaran – wikang P/Filipino ang panturo sa araling panlipunan at iba pang kaugnay, samantalang Ingles sa matematika at siyensya. Ang mga wikang rehiyonal ay pantulong na wika sa pagtuturo, ayon sa Konstitusyong 1987. Tinanggal ang patakarang bilinggwal at ipinatupad ang Mother Tongue Based Multi-level Education (MTB-MLE) sa unang tatlong taon (Baitang 1-3) ngunit agad din itong binawi pagkaraan lamang ng 10 taon.

Samantala, naitala ng EDCOM na ang Tawi-Tawi ang may pinakamababang literacy (67%) samantalang Benguet ang may pinakamataas (12%). Maiuugnay ang antas ng literacy sa antas ng ekonomikong kalagayan ng lugar. Mas mahirap ang isang lugar, mas mababa ang literacy.

Para malunasan ang krisis sa edukasyon, mungkahi ng ating mga mambabatas ang mga ito: dagdag na teacher training, rebisyon ng kurikulum, at iba pang mga interbensyon – dagdag na oras sa pagtuturo ng Ingles, pagtanggal sa MTB-MLE, pagpapatupad ng English only policy, pagdaragdag ng 2 taon sa hayskul, pagbabawas/pag-alis ng wikang Filipino, panitikan, at kasaysayan. Lahat ng ito ay inaasahang matutugunan ang kakulangan ng mga guro at estudyante.

- Advertisement -

Hindi sila tumitingin sa mga sarili nila bilang pangunahing problema sa edukasyon.

Ang wikang panturo sa panimulang pag-aaral

Sa lahat ng mga pag-uusap tungkol sa krisis sa edukasyon, natingnan na kaya ng mga awtoridad ang papel ng wikang panturo? Sa mauunlad na bansa, tulad ng ating mga kapit-bansang South Korea, Japan, Malaysia, Indonesia, at iba pa, sariling wika ang gamit sa edukasyon. Matagumpay ang pagkatutong nagsisimula sa alam na ng mga bata, at ito ay magaganap, kung ang wikang gamit sa loob ng klasrum ay iyong wikang gamit din nila sa bahay. Madali nilang maiintindihan ang mga konsepto, madali rin silang makapagpapahayag ng alam at hindi alam, nang may tiwala sa sarili, at may pagmamalaki sa katutubong kaalaman, sa sarili nilang mga wika. Madali silang makakabasa – may pag-unawa sa binabasa, may functional literacy – kung wikang alam na nila, hindi dayuhang wika, ang gamit sa pagkatuto, lalong-lalo na sa panimulang pag-aaral.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -