30 C
Manila
Biyernes, Mayo 23, 2025

Taripa at pagbagsak ng presyo ng mga stock

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NITONG mga nakaraang linggo ay patuloy na bumababa ang presyo ng mga stock sa Wall Street sa Estados Unidos. Marami ang nagsasabi na ito bunga ng patakaran ni Pangulong Donald Trump na nagpapataw ng malalawak na taripa sa mga inaangkat na produkto mula sa iba’t ibang bansa. Ngunit ayon kay Pangulong Trump walang kinalaman ang kanyang patakaran sa kalakalan sa pagbaba ng halaga ng mga stock. Sa kanyang pananaw ito ay pagpapatuloy lamang ng pagbaba ng presyo mga stock na naranasan sa mga huling buwan ng administrasyon ni Pangulong Joe Biden.

Upang malaman natin ang kung aling pananaw ang mas makatotohanan tignan natin ang mga dahilan kung bakit bumababa ang presyo ng mga stock, sa isang dako, at ang mga epekto ng taripa sa ekonomiya, sa kabilang dako. Mula sa mga epektong ito ay susuriin natin kung may potensyal na ugnayan ang pagpapataw ng taripa sa pagbaba ng presyo ng mga stock.

Ang presyo ng isang produkto at serbisyo sa bilihan ay bumababa dahil makitid ang demand sa mga bilihing ito. Ang presyo ng stock ay hindi lumilihis sa pananaw na ito. Bakit matamlay ang demand sa mga stock na inisyu ng mga korporasyon? Ang katamlayan ng demand sa mga stock ay dahil inaasahan ng mga mamimili ng mga stock na hihina ang benta, kita, at tubo ng mga korporasyon. Bakit naniniwala silang hihina ang benta, kita at tubo ng mga korporasyon? Maraming kasagutan sa tanong na ito kasama na ang paghina ng demand sa produktong ipinagbibili nila, di matatag na ekonomiya ng Estados Unidos, matamlay na bilihang global at panganib sa pagnenegosyo.

Ang paghina ng demand sa produktong ipinagbibili ng mga korporasyon ay bunga ng pagtaas ng presyo ng kanilang produkto, pagbaba ng kita ng mamimili, pagsulpot ng maraming kahaliling produkto, at pagbabago ng panlasa ng mga mamimili.

Samantala, ang benta, kita at tubo ng mga korporasyon ay naaapektuhan din ng lagay ng makroekonomiya. Ang di matatag na ekonomiya na ipikikita ng mataas na inflation rate at malawakang desempleyo ay nagpapatamlay sa lagay ng mga korporasyon. Ang mabilis na inflation rate nagpapababa sa demand sa kanilang produkto at nagpapataas din sa kanilang gastos sa produksiyon. Samantala, ang  desempleyo ng mga manggagawa at iba pang produktibong sangkap ay nagpapababa sa demand sa mga bilihin bunga ng pagbaba ng kita ng mga mamimili.


Ang matamlay na bilihang global ay nagpapahiwatig rin ng pagbaba ng kakayahan ng mga dayuhang mamimili na bilhin ang mga produktong gawa sa Estados Unidos. Ang mga dahilang tinalakay sa itaas ay nagbabadya ng panganib na bumaba ang benta, kita at tubo ng mga korporasyon. Dahil dito tatamlay ang demand sa mga stock na inisyu ng mga korporasyon at sanhi ito ng pagbagsak ng presyo sa bilihan ng mga stock.

Samantala, ang pagpapataw ng taripa ng Estados Unidos ay may dalawang pangunahing epekto, ang pagtaas ng presyo ng mga inaangkat na produkto at ang pagbaba ng pambansang kita ng mga ekonomiya. Kung titignan natin ang mga epekto ng taripa, may kinalaman ito sa mga salik na nagpapatamlay sa demand sa mga stock. Tulad ng nabanggit natin sa itaas ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunga ng taripa ay magpapababa sa demand sa mga bilihin at magpapataas sa gastos sa produksiyon ng mga kompanya. Ang pagpapataw ng taripa ng Estados Unidos ay maaaring magpabilis sa inflation rate. Alam natin ang mabilis na inflation ay nagpapababa sa pagiging kompetitibo ng mga produktong gawa sa Estados Unidos.  Ang pagtaas ng presyo ng mga hilaw na sangkap na ginagamit ng mga kompanya sa Estados Unidoa ay nagpapataas ng mga presyo nito. Ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunga ng pagpapataw ng taripa ay isa sa mga sanhi ng kahinaan ng katatagan ng ekonomiya ng Estados Unidos.

Samantala, ang pagbaba ng pambansang kita ng mga bansa bunga ng makitid na kalakalan sa buong mundo dahil sa pagpapataw ng mga taripa ay magdudulot ng pagliit ng mga produktong inaangkat at iniluluwas ng mga bansa. Ito ay nagbabadya ng resesyon sa buong mundo.

Ang pagtaas ng gastos sa mga produktong gawa sa Estados Unidos bunga ng pagpapataw ng taripa ng Estados Unidos at ang pagtamlay ng mga ekonomiya sa buong mundo bunga ng digmaan sa kalakalan sa pagpapataw ng mga taripa ay magpapababa sa demand sa mga produktong gawa sa Estados Unidos. Ang dalawang pangunahing epekto ng taripa ay nagpapababa sa benta, kita at tubo ng mga korporasyong Amerikano na nagpapababa naman sa demand sa mga stock nito na inihahayag sa pagbaba ng presyo ng mga ito.

- Advertisement -

Sa maikling sanaysay na ito ay naipakita natin na malaki ang posibilidad na ang pagbagsak ng mga presyo ng mga stock sa Wall Street ay bunga ng pagpapataw ng taripa ng Estados Unidos.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -