UMUUSAD ang ginagawang pakikipag-usap ng Pilipinas sa China tungkol sa mga mangingisdang Pinoy dahil patuloy din ang dayalogong nagaganap sa dalawang bansa, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Marcos sa isang panayam sa mga reporters pagkatapos dumalo sa ika-125 anibersaryo ng Department of Agriculture sa Quezon City nang tanungin siya sa update ng pakikipag-usap sa China tungkol sa pangingisda ng mga Pilipino sa Pag-asa Island.
“Iyong latest na report ay sinundan na lang. Hindi na kagaya nang dati na talagang hinaharang. So there’s a little progress there,” paliwanag ni Pangulong Marcos tungkol sa mga nakaraang ulat na hinaharangan ang mga Pilipinong mangingisda ng mga Chinese vessels sa Pag-asa Island.
Dahil dito, may projection aniya ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na madadagdagan ang huli ng mga Pilipino dahil pinapayagan na silang mangisda sa lugar bilang resulta ng patuloy na pakikipag-usap ng Pilipinas sa China.
“That is because we are continuing to talk to the Chinese government, in every way para nga ang inuna ko talaga noong kami’y nagkita ay sinabi ko unahin na lang natin ‘yung fisheries,” kuwento ni Pangulong Marcos.
Inamin din ni Pangulong Marcos na hindi na nila pinag-usapan ni Pangulong Xi Jinping ng China ang tungkol sa West Philippine Sea dahil hindi naman sila kagyat na makakapag-desisyon tungkol dito. Ang tungkol sa mga nangingisdang Pilipino ang kanilang pinag-usapan.
“So that slowly, slowly… Alam mo na, these things do not come very quickly. Slowly, slowly… But we are slowly making progress because the key to that was really the improved communication between the Philippine government and the Chinese government,” dagdag ng Pangulo.
Ayon kay Pangulong Marcos nang bumisita siya sa China noong Enero, nagkasundo sila ni Pangulong Xi Jinping magkasundo sila na magsagawa ng nga paraan kung paano makakatulong sa mga mangingisdang Pilipino.