Isang linggo mula nang tumaas ang singil sa toll sa North Luzon Expressway (NLEX), patuloy pa rin ang reklamo ng maraming gumagamit dito sa lumalalang sitwasyon ng trapiko sa kahabaan ng expressway, lalo na kapag peak hours na mas maraming sasakyan ang dumadaan.
Ayon kay Senador Win Gatchalian, dapat inudyok na muna ng Toll Regulatory Board (TRB) ang operator ng NLEX na tugunan ang problema sa trapiko sa kahabaan ng toll road bago ito pumayag na magtaas ng toll.

“Imbes na magtaas ng toll sa NLEX, dapat inobliga ng TRB ang NLEX Corporation na ayusin ang problema sa choke points sa kahabaan ng toll road. Dapat sinukat muna ng TRB ang performance ng expressway,” ani Gatchalian.
Sinabi pa ng senador na ang pumapalpak na electronic toll collection system ng NLEX Corporation ay isang sanhi din ng pagsisikip ng trapiko sa mga toll booth. Dapat ding tiyakin, aniya, ng NLEX ang regular na pagpapanatili ng isang maayos at ligtas na expressway para sa kaginhawaan ng mga gumagamit ng daan.
Sinabi niya na ang sitwasyon ng trapiko sa kahabaan ng NLEX ay inaasahang lalala pa kapag nagbukas na sa 2027 ang bagong international airport na itatayo sa Bulacan.
“Ang dahilan kung bakit dumadaan ang mga tao sa NLEX ay dahil gusto nilang makarating nang mabilis sa kanilang mga destinasyon. Kung hindi nakakamit ang layuning ito dahil naiipit sila sa trapiko, ibig sabihin ay hindi nagsisilbi nang maayos ang NLEX sa mga motorista at hindi dapat pinapayagan ng TRB ang anumang pagtaas sa toll,” giit ng senador.
Ipinatupad kamakailan ng NLEX ang provisional toll adjustment na karagdagang P7 sa “open system” nito para sa Class 1 na sasakyan tulad ng mga kotse, jeepney, van, o pickup mula Balintawak hanggang Marilao sa Bulacan. May karagdagang toll fee naman na P17 para sa Class 2 na sasakyan tulad ng mga bus at light truck at karagdagang P19 para sa Class 3 na sasakyan tulad ng mga malalaki at mabibigat na trailer truck.
Sa “closed system” naman, nagbabayad na ngayon ang mga motorista ng karagdagang P26 para sa Class 1, P65 para sa Class 2, at P77 para sa Class 3 mula Marilao hanggang Sta. Ines sa Mabalacat, Pampanga.
Batay sa Consolidated Resolution ng TRB Case Nos. 2018-02 at 2020-07 ng TRB, staggered basis ang pagpapatupad ng toll increase sa 2023 at 2024. Ibig sabihin, bukod sa pagtaas ng toll ngayong taon, magkakaroon pa ng karagdagang pagtaas ng toll sa susunod na taon, sabi ni Gatchalian.