SA miting ng mga delegasyon ng mga miyembrong ekonomiya ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) kamakailan naglabas ng pahayag ang kinatawan ng South Korea, ang punong abalang ekonomiya ngayong taon, na ang kalakalang global ay humaharap sa matinding hamon. Ito ay isang diplomatikong pahayag na nagpapahiwatig na halos naguguho na ang matatag na pundasyong nagpatakbo ng sistema ng kalakalang internasyonal sa loob ng walong dekada. Marahil ito rin ay kritisismo sa isinasagawang pagpapataw ng matataas na taripa ng Estados Unidos sa halos kalahati ng 21 ekonomiyang kasapi ng APEC. Kasama rin dito ang pahiwatig na humihina na ang World Trade Organization (WTO)/ General Agreement on Tariffs and Trade (GATT). Lumalabas na ang matinding hamon ay ang pagyanig ng mga haligi ng sistema ng pandaigdigang kalakalan sa ilalim ng WTO/GATT kasama na ang mga patakaran ni Pangulong Trump na naghihigpit sa kalakalang internasyonal.
Ang pundasyong tinutukoy ay mga prinsipyong ginagamit ng WTO/GATT upang maging magaan ang kalakalan sa pagitan ng mga bansa. Kahit na ang WTO ay itinatag lamang noong 1995 ito ay nakaugat at pagpapatuloy ng mga prinsipyong nakapaloob sa naunang General Agreement on Tariffs and Trade. Ang GATT ay isang tratado ng mga bansa na itinatag noong 1947 upang bawasan ang mga hadlang sa kalakalan sa mga produkto sa pagitan ng mga bansa sa pamamagitan ng pagbabawas ng taripaat iba pang hadlang sa kalakalan. Masasabi natin na ang WTO ay pinalawak na GATT bunga ng pagdagdag ng kasunduan sa kalakalan ng mga serbisyo o General Agreement on Trade in Services (GATS) at ang kasunduan sa paggamit ng yamang intelektwal sa pagitan ng mga bansa o Trade Related Aspects of Intellectual Property Rights (TRIPS).
Ang tradatong GATT ay isinagawa bilang tugon sa malawakang digmaan sa kalakalan na naranasan noong dekada 1930 na naging sanhi ng pagkitid ng kalakalang global at mga pambansang kita na tuluyang nauwi sa malawakang resesyon sa buong mundo. May ilang manunuri na naniniwala na isa sa mga dahilan sa pag-usbong ng Ikalawang Digmaan Pandaigdig (WWII) ay ang malawakang resesyon sa buong mundo na nagtulak sa mga malalaking bansa na sakupin ang mga kalapit bansa upang magkaroon ng maasahan at patuloy na akses sa mga yamang ginagamit bilang mga sangkap sa produksiyon.
Sa harap ng malawakang problemang global, ang mga nanalong bansa sa WWII ay nagtatag ng mga pundasyon tungo sa pandaigdigang kapayapaan kasama ang pagpapatupad ng malaya at magaan na kalakalang internasyonal. Kaya’t mula noong dekada 1950 hanggang sa kasalukuyan ay naranasan ng buong mundo hindi lamang ang kapayapaan ngunit ang kasaganaan sa pagtaas ng pambansa kita ng maraming bansa bunga ng malaya at magaan na kalakalan.
Dalawang pangunahing prinsipyo ang kinatitirikan ng GATT/WTO. Ang una ay ang prinsipyo na walang pagtatangi o non-discrimination at ang ikalawa ay prinsipyo na pagbibigayan o reciprocity. Ayon sa prinsipyo ng walang pagtatangi, ang pagbibigay ng magaan na akses sa kalakalan o most favored nation (MFN) sa isang bansang miyembro ng GATT/WTO ay dapat ibigay rin sa lahat ng miyembro ng GATT/WTO.
Samantala, ang prinsipyo ng pagbibigayan ay nagsasaad na ang tinanggap na magaan na akses sa kalakalan ng isang bansa ay dapat pantayan ng pagbibigay din ng magaan ng akses sa mga bansang tumanggap nito.
Mula dekada 1940 hanggang dekada 2000 patuloy ang diskusyon o negosasyon ng mga bansa upang lalo pang mapagaan ang kalakalan sa pagitan ng mga bansa sa pamamagitan ng pagbabawas ng taripa at pagtatanggal ng mga kota. Ngunit mula noong 2007 ay natigil na ang mga negosasiyon sa patuloy na liberalisasyon tungo sa malayang kalakalan. Ang negosasiyon sa ilalim ng Doha Round na sinimulan noong 2001 ay hindi natapos dahil sa iba’t ibang dahilan.
Kasama sa pagtatalo ng mga mauunlad na bansa tulad ng Estados Unidos, EU at Japan, isang banda, at mga malalaking papaunlad na bansa tulad ng India at Brazil, sa kabilang banda, ay ang isyu sa kalakalan sa mga produktong agricultural at ang isyu sa paggamit ng mga yamang intelektwal.
Dahil hindi na maaasahan ang WTO/GATT sa patuloy na liberalisasyon ng kalakalan, umusbong ang maraming regional trading arrangement (RTA) upang mapagaan ang kalakalan sa pagitan mas kaunting mga ekonomiya. Isa sa mga mahahalagang RTA ay ang North American Free Trade Agreement (NAFTA), ASEAN Free Trade Agreement (AFTA), Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at marami pang iba.
Sa kasalukuyan, ang kahinaan ng WTO/GATT ay lalong tumitingkad sa walang pakundangang patakaran ni Pangulong Trump na patawan ng matataas na taripa ang mga kakalakalang ekonomiya. Ang iniaasal ni Pangulong Trump ay para bang hindi miyembro ang Estados Unidos ng WTO/GATT gayong ito ang pangunahing bansa na nagsulong sa pagtatatag ng WTO/GATT.
Ngayon nating kailangan ang mga disiplina ng WTO/GATT upang pigilin ng mga ekonomiyang lumalabag sa prinsipyo ng walang pagkiling at prinsipyo ng pagbibigayan na nag-aanyaya ng malawakang resesyon sa pamamagitan ng paghihigpit sa kalakalang global.