HULYO 6, 2026 ang naitakdang petsa ng pagsisimula ng paglilitis ng Senate Impeachment Trial Court kay Bise Presidente Sara Duterte. Subalit sa Biyernes pa lang, Hunyo 18, 2026, maituturing nang nabuo ang Impeachment Trial Court, sapagkat sa isang closed door conference, tatanggapin ng Korte ang mga ebidensya ng magkabilang panig, pangangalanan ang kanya-kanyang mga testigo at lilinawin ang mga detalye ng pagsasagawa ng paglilitis.
Upang magawa ang conference, Sa Hunyo 18 pa lang ay dapat buo na ang Senado bilang Impeachment Trial Court.
Paanong mangyayari ito gayong nagpapatuloy ang away sa pagitan ng mga kampo nina Acting Senate President Sherwin Gatchalian at ideniklarang hindi na Senate President Alan Peter Cayetano?
Ang huling nabalitaan natin, nagpanukala si Cayetano ng power sharing kay Gatchalian: pareho silang Senate President, manunungkulan sa kanya-kanyang taning na panahon.
Tinanggihan ito ni Gatchalian.
Bakit nga naman ang hindi? Alam mo na nasa panig ka hindi lamang ng tama kundi kung ano ang sinasabi ng batas.
Sa opinyon ng marami, ang ideya ni Cayetano ay desperdong pag-ulit lamang ng pakanang power sharing para sa House Speakership na kanyang iminungkahi kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco noong 2020. Naging magulo ang kinahantungan ng power sharing na iyun dahil mismo sa mga maniobra ni Cayetano na labagin ang usapan.
Hanggang kinailangan mag-sesyon na ang Mababang Kapulungan sa pamumuno ni Velasco sa labas ng Batasang Pambansa.
Aayaw si Senador Gatchalian na maulit sa kanya ang pangit na insidente.
Nailabas na ng Acting Senate President ang notice para sa pre-trial conference sa Hunyo 18 at inaasahan na iyon na ang magpapasimula sa paggulong ng paglilitis kay Bise Presidente Sara.
Di nga kaya?
Mahalagang diinan ang puntong ito.
Sa simula pa lang, pinansin natin na ang gulo sa Senado ay malaki ang kinaalaman sa impeachment trial ni Sara. Kinailangang guluhin ang Senado sa paraan na malulusutan ni Sara ang impeachment trial gaya ng paglusot niya rito noong isang taon.
Sa antas pa lang ng pre-trial conference, maasahan lamang na si Sara ay tumatrabaho na.
Kamakailan lamang, nagpahayag si Sara na lahat sa paglilitis ay ipinauubaya niya sa kanyang mga abogado.
Wika niya, bagama’t siya ay abogado rin at may sariling diskarte ng paghawak sa kanyang kaso, mahalagang bigyan ng laya ang kanyang mga abogado kung paano paaandarin ang kanyang depensa.
Patuloy na nanghahawakan ang kolum na ito sa paniniwala na ang pinakamabisang depensa ni Sara ay ang huwag matuloy ang paglilitis. Alam niya na dahil sa paramihan ng kakamping senador, siya ay tiyak na maaabswelto. At tanggap na ito ng publiko. Ang talagang gusto lang na marinig ng mga tao ay kung anu-ano ang mga katiwaliang ibinibintang sa kanya at base sa mga ito, gumawa ng sariling desisyon.
Aayaw ni Sara na mangyari iyon.
Subalit iyon mismo ang pagpapasyahan sa pre-trial conference sa Biyernes: anu-anong mga ebidensya ang ihaharap, sinu-sinong mga testigo ang magpapatunay, anu-anong ebidensya ng kalaban ang tatanggapin, alin-alin ang tatanggihan, etc.
Maglalantaran na ng kartada kumbaga.
Kung si Sara ang masusunod, sa pre-trial conference pa lang ay mabalaho na ang kaso.
Laking pasalamat niya na closed door ang kumperensya, walang media. Kung hindi, doon pa lang, sumabog na ang lahat ng bahong dapat pagtakpan.
Ngayon, kung sa simula pa lang ay layunin na ni Sara na guluhin ang Senado upang huwag matuloy ang paglilitis sa kanya ng Impeachment Trial Court, at ang pre-trial conference ay lalo lamang magpapabilis sa pagsulong sa trial proper – na sa katunayan ay nakatakda na sa Hulyo 6 – di ba maaasahan lamang na sa pre-trial conference ay may mangyari upang pigilan na ang proseso?
Sa lohika, oo.
Ano?
Hindi tayo abogado, mahirap nang magsalita.
Pero maliwanag na hindi pa nagtatapos ang away sa pagitan ng mga kampo nina Senador Cayetano at Senador Gatchalian.
Paano kung kwestyunin ang ligalidad ng notice ni Gatchalian para sa pre-trial conference?
Hindi ba mapipigilan ang pagtrabaho nito?
At kung mapigilan, mauudlot ang natakda nang impeachment trial sa Hulyo 6?
Babalik at babalik tayo sa usapin ng pagresolba sa kwestyuon ng korum ng Senado noong Hunyo 3.
May dahilan ang kampo ni Cayetano kung bakit hindi pa nito dalhin ang sigalot sa Korte Suprema, ang walang dudang awtoridad na makapagpapasya rito.
Kung iyong petisyon nung Teacher Tayam ay agad na inaksyunan ng Korte Suprema, ano pa kung si Senador Cayetano na ang maghain ng ganung petisyon.
Pero, hindi.
Resulta, nagtutuloy-tuloy ang kontrobersya.
Sa ganyang kalagayan, maitatanong ng kolum na ito.
Maliwanag ang kaguluhan. Ganyang walang naghahain ng ligal na reklamo upang pigilan ito, hindi ba obligasyon na – ulit, obligasyon – ng Korte Suprema na sa sariling kusa ay makialam na?
Natatandaan natin ang ang pagkakatanggal sa puwesto kay Presidente Joseph Estrada noong 2001?
“The Constitution states that the Vice President may become President only in case of death, permanent disability, removal from office, or resignation of the President. Why then was I ousted, and Gloria Macapagal Arroyo (GMA) installed as President when, clearly, I have not died, have no permanent disability, have not been removed from office, and have not resigned?”
Sa sariling mga salita, iyon ang paglalahad ni Pangulo Estrada sa kanyang pagkakatanggal sa puwesto: hindi siya namatay, walang permanenteng kapansanan, hindi natanggal sa puwesto, hindi nag-resign, bakit siya pinapalitan kay Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo?
Pinanghawakan ni Chief Justice Hilario Davide, na nagpasumpa kay GMA bilang Presidente, ang isang balita sa diyaro na may karamdaman si Presidente Estrada at hindi makakaganap sa tungkulin.
Ang punto, may prerogatibo ang Korte Suprema na umakto sa sariling palo upang wakasan ang isang litaw na sigalot na naglalagay sa lipunan sa panganib.
Sabog na sabog na ang away sa Mataas na Kapulungan ng lehislatura.
Oras na upang sa sariling kusa ay mamagitan na ang Korte Suprema.

