29.2 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

7K sqm lot resettlement project para sa PCUP-accredited urban poor groups sa Bohol, pirmado na

- Advertisement -
- Advertisement -

ISANG makasaysayang hakbang tungo sa pagkakaloob ng disenteng tirahan sa maralitang sektor ang naisakatuparan sa bisa ng pormal na paglagda ng kasunduan para sa Tubigon Resettlement Project Phase 1 sa pagitan ng Tubigon-LGU at National Housing Authority (NHA) noong Mayo 21, 2025, sa Session Hall ng Tubigon, Bohol.

Mula sa kaliwa: si Atty. Abel Damalerio, kinatawan ng Tanggapan ni Congressman Chatto; sa gitna naman ay si Genesis Ceasar Manalili, OIC ng NHA Bohol District; at sa kanan, si Mayor William Jao ng Tubigon, Bohol.

Pinangunahan ni Tubigon Mayor William Jao ang seremonya, kasama ang mga kinatawan mula sa NHA, Presidential Commission for the Urban Poor – Field Operations Division for Visayas (PCUP-FODV) Area Coordinator Amabelle Canlas, at mga opisyal ng Tubigon Isles and Homeowners Association Inc. (TIMHOA).

Dumalo rin ang 322 miyembro mula sa pitong urban poor groups, una na rito ang Guiwanon Informal Settlers Association (GISA), Mahayahay Urban Settlers Association (MUSA), Bagongbanwa Island Settlers Association (BAGISA), Bilang-bilangan Island Neighborhood Association (BILINA), Isla Mocaboc Neighborhood Association (IMNA), Batasan Island Housing Association (BIHA) at Isla Pangapasan Settlers Association (IPSA).

Itatayo naman ang proyekto sa 7,842 sqm na lote sa Brgy. Genonocan, sa tulong ni Congressman Edgar Chatto. Mula sa P50M, tumaas sa P58.25M ang pondo para rito. Aabot naman sa 80 pamilyang benepisyaryo ang makatatanggap ng pabahay mula sa NHA. Sila ay inaasahang magbabayad ng P900 kada buwan para sa site development, alinsunod sa abot-kayang tuntunin sa relokasyon.

Nagpaabot naman ng kanyang mensahe si PCUP Chairperson at CEO Meynardo Sabili sa mga benepisyaryo at katuwang na ahensya, “Lubos ho, ang aking pasasalamat sa ating mga… kasama (partnered agencies) sa pagtulong sa ating kababayan. Ito naman eh… isang mithiin ng Komisyon at sa utos ng Pangulong Marcos na iangat ang antas ng pamumuhay ng bawat maralitang tagalungsod.”

Layunin ng proyekto na tiyakin na ang bawat pamilyang ililipat ay mabibigyan ng maayos, ligtas, at makataong tirahan, habang isinusulong ang makatarungang urban development sa rehiyon.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -