ANG krisis sa edukasyon ng bansa ay nagsisimula bago pa man makapasok ang isang bata sa silid-aralan. Batay sa pinakahuling datos na nagpapakita ng pagtaas ng child stunting sa 25.3%, binigyang-diin ni Senadora Loren Legarda na walang reporma sa edukasyon ang ganap na magtatagumpay kung patuloy na magdurusa ang mga batang Pilipino sa malnutrisyon sa kanilang murang edad.

Ayon sa Department of Science and Technology – Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), na ipinunto ng Second Congressional Commission on Education (Edcom II), halos isa sa apat na batang Pilipino na wala pang limang taong gulang ay stunted, tumaas ng 1.7 porsyento mula 2023 at bumaligtad sa pagbaba ng trend mula pa noong 2015. Ang stunting, na dulot ng matagal na kakulangan sa nutrisyon, ay may pangmatagalang epekto sa paglaki ng katawan, pag-unlad ng utak, kakayahang matuto, at produktibidad sa hinaharap.
Mas mataas ang antas ng stunting sa kanayunan (27.8%) kumpara sa kalunsuran (23.2%), at pinakamabigat ang pasanin sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (36%), Zamboanga Peninsula (34.6%), Negros Island Region (30.9%), at Mimaropa (30.3%). Binanggit ni Legarda na ang mga pamilyang nasa pinakamalayong lugar ang pinakatinatamaan kaya’t dapat silang unahin sa pagtugon.
Hindi natatapos ang pinsala sa edad na lima. Natuklasan ng DOST-FNRI na nananatili ang stunting sa 18.9% ng mga batang edad 5–10, at sa 21.4% ng mga kabataang edad 10–19, na nangangahulugang dala ng maraming bata ang epekto ng malnutrisyon sa buong panahon ng kanilang pag-aaral.
“Kapag pinag-uusapan natin ang krisis sa edukasyon, madalas silid-aralan, guro, at mga aklat ang agad nating naiisip. Ngunit ang unang hadlang sa pagkatuto ay maaaring nagsimula bago pa man makapasok sa paaralan ang isang bata. Kung ang isang bata ay lumaking kulang sa nutrisyon, hindi lamang paglaki ang naaapektuhan. Pati kakayahang matuto, makaintindi, mangarap, at makaahon sa buhay ay nalalagay sa alanganin,” ani Legarda.
Binigyang-diin ng apat na terminong Senadora na ang laban sa learning poverty ay dapat magsimula sa pagbibigay ng sapat na nutrisyon mula sa pinakaunang yugto ng buhay.
“Ang unang 1,000 araw ng buhay ng isang bata, mula pagbubuntis hanggang sa edad na dalawa, ang naglalatag ng pundasyon para sa panghabambuhay na pagkatuto at pag-unlad. Kapag hindi natin nabigyan ng sapat na halaga ang panahong ito, mas mahirap nang habulin ang mga pagkakataong nawala. Ang laban sa stunting ay laban para sa kinabukasan ng bawat batang Pilipino,” diin ni Legarda.
Bilang may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11148 o Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act, itinulak ni Legarda ang pagpapatibay ng pambansang estratehiya para sa kalusugan at nutrisyon sa unang 1,000 araw ng buhay ng bata. Kaugnay nito, inihain din niya ang Senate Bill No. 1853 o K to 3 Foundational Learning and Nurturing Care Act, na layong palakasin ang literacy, numeracy, socio-emotional learning, at values formation mula Kindergarten hanggang Grade 3, habang sinisiguro na ang kalusugan, nutrisyon, at maayos na pag-aaruga ay bahagi ng paglalakbay sa pagkatuto ng bawat bata.
Sa kanyang mga taon sa Senado, patuloy na itinaguyod ni Legarda ang mas malaking pamumuhunan sa maternal at child health, school-based nutrition programs, food security, at dekalidad na edukasyon bilang magkakaugnay na haligi ng human development.
“Walang magulang ang gustong makitang nagugutom o napag-iiwanan ang kanilang anak. Araw-araw, milyon-milyong pamilyang Pilipino ang nagsisikap maitaguyod ang kanilang mga anak at maihain ang masustansyang pagkain sa kanilang hapag. Hindi natin sila dapat pabayaan na akuin ang laban na ito nang mag-isa. Ang pamumuhunan sa nutrisyon ng kabataan ay pamumuhunan sa lakas, talino, at kakayahan ng bawat pamilyang Pilipino,” ani Legarda.
Nanawagan si Legarda ng mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng pambansang pamahalaan, lokal na pamahalaan, paaralan, komunidad, at pribadong sektor upang ganap na maipatupad ang mga programa sa nutrisyon at early childhood development, mapalakas ang maternal healthcare, mapabuti ang access sa masustansyang pagkain, at matiyak na bawat pamilyang Pilipino ay makinabang sa proteksyong nakasaad sa First 1,000 Days Law.
“Ang gutom at kakulangan sa tamang nutrisyon ay hindi dapat maging unang balakid na haharapin ng isang batang Pilipino. Hindi dapat ito ang magdidikta ng kanyang kinabukasan,” pagtatapos ni Legarda.

