NAIS ni Senate President Win Gatchalian na makatanggap ng discount o gawin nang libre ang pagkuha ng pre-employment documents ng mga ‘indigent’ o mahihirap na naghahanap ng trabaho.
Layon ng Senate Bill 638 o ang Kabalikat sa Hanapbuhay Act na gawing pantay ang pagbibigay ng oportunidad sa trabaho, habang isinasaalang-alang ang mga pangangailangan ng mga Pilipinong kapos-palad.
Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, bibigyan ng 20% discount ang mga mahihirap na naghahanap ng trabaho sa pagbabayad ng iba’t ibang kinukuhang dokumento tulad ng mga clearance at mga certificate mula sa gobyerno na kailangan sa mga aplikasyon sa trabaho. Layon din ng panukala na gawin nang libre ang bayad sa pagkuha ng transcript of records, transfer credentials, authenticated copy ng diploma, at certificate of good moral character mula sa mga state at local universities and colleges para sa mga mahihirap na aplikante.
“Hindi dapat napagkakaitan ng oportunidad sa trabaho ang mga mahihirap na naghahanapbuhay dahil lang hindi nila kayang bayaran ang mga requirement para sa pagkuha ng pre-employment documents mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno,” pahayag ni Gatchalian.
“Sa panahon ng mataas na presyo ng mga bilihin, dapat nating gawing mas madali, hindi mas mahal, ang paghahanap ng trabaho para sa ating mahihirap na kababayan,” dagdag pa niya.

