26.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 7, 2024

Humanda tayo sa mas agresibong kilos ng China

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

GAYA ng sapantaha natin mula noong mapilitan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. payagan ang Estados Unidos (US) gamitin ang siyam na base ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (Armed Forces of the Philippines sa Ingles), lalong tumitindi at dumadalas ang mga insidente sa pagitan ng mga barko at bangka natin at ng China sa West Philippine Sea (WPS) o Karagatang Kanlurang Pilipinas.

Ayon sa National Task Force on the West Philippine Sea, nagbanggaan ang mga sasakyang dagat ng China at Pilipinas dahil sa “mapanganib na panghaharang” ng Tanod Baybayin ng China (Chines Coast Guard sa Ingles) sa bangkang naghahatid ng pangangailangan sa mga sundalong Pilipino.

Ngayon, ayon sa National Task Force on the West Philippine Sea, nagbanggaan ang mga sasakyang dagat ng China at Pilipinas dahil sa “mapanganib na panghaharang” ng Tanod Baybayin ng China (Chines Coast Guard sa Ingles) sa bangkang naghahatid ng pangangailangan sa mga sundalong natin sa barkong isinadsad sa Ayungin Shoal bilang tandang teritoryo natin ang banlik o shoal na iyon.

Ito ang pinakamalubhang insidente sa pinagtatalunang karagatan, higit sa pag-iilaw ng laser at pagpapasirit ng kanyong tubig sa mga bangka ng Tanod Baybayin ng Pilipinas (Philippine Coast Guard sa Ingles). At baka mas bumagsik ang panghaharang ng CCG upang igiit ang pang-aangkin ng China sa halos lahat ng South China Sea.

Iwas-pusoy muna ang US?

Saan patungo itong girian ng Pilipinas at China?

Sana huminto muna ang mga insidente matapos itong banggaan ng mga sasakyang pandagat. Ibig ng China ipakita sa buong Asya na hindi makatutulong sa Pilipinas ang pagpasok ng Amerika, Australya, Hapon at iba pang kaalyadong bansa sa tunggalian natin sa teritoryo at karagatan. Maliwanag na itong mensahe ng China: Sa mga tumitinding insidente, wala pang malinaw na naitutulong ang mga kaalyado natin.

May binabalak na sabayang pagpapatrolya ng Pilipinas, Amerika at Australya sa WPS bago magtapos ang taon. Ibig din ng China magdalawang-isip tungkol dito ang AFP at si Kalihim Gilbert Teodoro ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa (Department of National Defense sa Ingles). Pihadong mas titindi pa ang girian sa dagat kung ituloy ang sabayang patrolya.

Hindi malayong mas agresibo ngayon ang China dahil din sa pagkaabala ng US sa digmaan ng Israel at Hamas. Matapos ilunsad ito ng Palestinong hukbo noong Oktubre 7, nagpadala ang Amerika ng dalawang barkong paliparan o aircraft carrier at iba pang barkong pandigma bilang babala sa iba pang bansa at hukbong Arabo, gayon din sa Iran, na huwag lumahok sa giyera.

Subalit may pangamba ang mga ekspertong militar na baka kapusin ang sandatahang lakas ng Amerika kung mapalaban ito hindi lamang sa Gitnang Silangan, kundi sa Europa rin. Mangyari, baka umigpaw ang digmaan sa Ukraine sa mga karatig-bansang kasapi ng alyansiyang North Atlantic Treaty Organization (NATO) na pinamumunuan ng US. Kung mangyari ito, obligado ang buong NATO na lumaban sa giyera.

Sa gayon, marahil naiisip ng China na hindi kakayanin ng Amerika makipagdigma sa Asya rin, bukod sa Europa at Gitnang Silangan. Sa katunayan, may gayong babala ang Center for Strategic and International Studies (CSIS), isa sa mga pangunahing institusyon sa seguridad sa Amerika kung saan nagtalumpati si Pangulong Marcos noong dalaw niya noong Mayo.

Ayon sa CSIS, kung magkadigma sa Taiwan, mauubusan ang US ng mga asintadong bomba, raket at balang kanyon sa loob ng isang linggo, at wala itong kakayahang mapunan ang mga sandatang mauubos o mawawasak.

Sa gayon, basta walang putukan, kahit maging mas agresibo ang China sa WPS, malamang umiwas ang US sa tahasang labanan. At mukhang hindi rin hinihiling ng Pilipinas ang tulong ng Amerika.

Sa kabila ng tumitinding mga insidente sa dagat, sinabi ni Kalihim Teodoro kamakailan na hindi pa kailangang pakilusin ang Mutual Defense Treaty, ang kasunduan ng US at Pilipinas noong 1951 upang ipagtanggol nila ang isa’t-isa kung atakihin sila.

At habang may digmaan sa Israel, baka magdahilan pa ang Pilipinas at Amerika upang ipagpaliban muna ang sabayang patrolya nang maiwasan ang peligro ng tagisan sa pagitan ng China at Amerika. Bagaman mahalaga ang siyam na base sa Pilipinas, di-hamak na mas matimbang sa US ang Israel — ang bansang tumatanggap ng pinakamalaking funding ayuda mula sa Amerika.

Agenda ng Amerika: EDCA 2034

Sa kabilang dako, malamang pabor pa nga sa pakay ng Amerika sa Pilipinas ang mas agresibong kilos ng China, sampo ng iba pang pagkilos laban sa atin, gaya ng atrasadong pautang, dahil sa mga base militar na bubuksan sa US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at balak nitong gamitin kung magkagiyera laban sa China.

Hangad ng Amerikang mapahaba ang EDCA at ang gamit sa mga paliparan at daungan, kung saan mahigit 60 proyekto ang isasagawa sa mga base para sa mga puwersang US at iba pang gamit.

At pangunahing kailangan upang magpatuloy ang mga base ang muling kasunduan o renewal ng EDCA sa Abril nang sampong taon pa. Kung hindi, mapapaso ito at mawawalan ng basehan ang pagamit sa mga base ng mga Amerikano.

Ngayon, kung lalala ang mga insidente sa WPS, lalong matatakot ang Pilipino at papayag ipagpatuloy ang EDCA hanggang 2034, sa kabila ng malubhang panganib kung atakihin ang mga base ng China, gaya ng babala maging ng mga ekspertong Amerikano.

Kaya humanda tayo sa higit pang kiskisan sa dagat.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -