26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

Dapat ba akong mag-swipe sa credit card?

MGA KUWENTO NI PERANG (ESTE PARENG) JUAN

- Advertisement -
- Advertisement -

JUAN, nandito na bill mo sa credit card mo. Akala ko ba iniwasan mo na ang mag-swipe ng card?

Naku, uncle, di ko maiwasan. Daming sale. Sayang naman.

Ok lang yan kung kaya mong bayaran. Kaya mo naman siguro.

Hindi ko naman binabayaran ng buo yan, Uncle. Yung minimum payment lang.

Di ka ba natatakot sa interest na babayaran mo? Lumalaki yan habang may balanse  ka pa. Baka mabaon ka.


Hayaan mo, uncle, sa bonus ko, baka mabayaran ko na rin yan.

Ngayong taon na ito, tinaasan na ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ang pinapataw na interest rate kada buwan sa mga transaksyon sa credit card sa 3 porsiyento mula 2 porsiyento. Ito ay para matulungan ang mga bangko at mga providers ng credit card  sa kanilang mas mataas na gastos sa negosyo at mapangalagaan ang kanilang mas mahabang buhay sa industriya.

Ito ay nangangahulagan na kung ikaw ay may balanse sa credit card mo na sampung libong  piso, ikaw ay mapapatawan ng dagdag na tatlong daang piso kada buwan o tatlong libo’t anim na raang piso sa buong taon.

Ang pangungutang sa credit card ay tumaas ng 47 na porsiyento sa unang quarter ng taon o 410 bilyong piso, mula sa datos ng Credit Card Association of the Philippines. Bakit? Nag-revenge spending daw ang mga Pilipino mula sa pagkakapigil na gawa ng pandemya sa paggastos kaya umakyat ang pangungutang para sa mga bakasyon, online shopping at pagbili ng sasakyan. Mataas na rin ang mga presyo ng bilihin na nagpahina sa halaga ng piso kaya kinailangan ng mangutang sa credit card para makatulong sa mga gastusin.

- Advertisement -

Tama bang gumamit ng credit card?

Marami akong kilala na allergic sa credit card dahil hindi nila kayang labanan ang temptasiyon na gumastos beyond their means. Madali silang maenganyo ng mga sale, lalo na sa online, at yung mga nilalabas sa social media kung saan tinataas ang lebel ng inaasahan tungkol sa sarili kahit hindi kailangan. Maaring hindi rin nila maintindihan ang puwedeng maitulong ng credit card para mabuksan ang ibang opportunidad sa mas ikakaganda ng pamumuhay.

Mula sa World Bank, 8.1 porsiyento lang ng nagtratrabaho sa ating populasyon ang merong credit card. Napakaliit kumpara sa iba pang mga bansa sa Asya tulad ng Japan, Hong Kong, Souh Korea, Taiwan, o Singapore na lampas sa 50 porsiyento ang nagmay-aari ng credit card. Isa ito sa mga hamon sa misyon ng ating bansa na tumaas ang antas ng “financial inclusion” kung saan maraming Pilipino, lalo na sa mga mahihinang sektor ng lipunan, ang may kaalaman, may kapasidad at may kakayahang abutin ang mga financial na produkto’t serbisyo, kasama na dyan ang credit card, na makatutulong sa pag-angat ng kanilang buhay.

Sa mga kaibigan kong may credit card, sa kanilang karanasan, hindi sila nababahala na mamgutang at katunayan ay natutulungan silang magkaroon ng disiplina sa paggastos at pagbayad. Puede daw nilang imonitor ang kanilang gastos para mas makapagbudget mabuti. Sa mga biglaang gastos na di inaasahan, madali silang makakuha ng pondo. May mga “perks” silang nakukuha sa paggamit tulad ng diskwento, zero-percent interest na installment o puntos para makakuha ng libreng produkto, serbisyo o kahit sa pagbiyahe sa ibang bansa. May kaginhawaan din na dulot sa paggamit dahil hindi mo na kailangang magdala ng cash, lalo na ngayon na lumalaganap na ang digital na mga transaksyon patungo sa tinatawag na cashless society kung saan credit card o debit card lang ang tinatanggap bilang pambayad kesa pisikal na pera o barya.

Nakikita ko na ang pagkakaroon ng credit card ay may positibo at negatibong aspeto. Pero ang problema ay ikaw, Juan. Nasa kamay mo kung paano mo tratratuhin ang credit card bilang kaibigan o kaaway. Hindi masamang mangutang, lalo na kung ito ay talagang kailangan, may budget ka, kaya mong bayaran sa oras at handa ka na hindi lumihis sa disiplina at responsibilidad na katapat ng utang na hindi makakasira sa buhay.

Oo, ang credit card ay isang uri ng utang. Makapangyarihan siya kung hahayaan mo syang i-kontrol ang buhay mo. Maraming nalulong sa utang sa credit card at nauuwi sa maraming problema sa physical, emotional at mental health.

- Advertisement -

Sa ating bansa, ang card deliquency rate,  o iyong mga di nakakabayad o nakakabayad pero mababa pa sa minimum na dapat bayaran, ay umakyat sa 8.4 porsiyento sa kasagsagan ng pandemic noong 2021, pero bumaba na rin ito sa 4.0 porsiyento noong 2021 at sa 3.3 porsiyento nitong 2022.

Ito ay mabuting senyales sa gitna ng pagsisikap ng BSP at iba pang mga institusyon na palakasin ang financial literacy sa bansa, lalo na sa mga isyu tungkol sa pagiimpok, pagbubudget at pag-invest.

Paano ko ba gagawing kakampi ang credit card? Paano ba ako makakatulog ng matiwasay kahit ako ay may utang  sa credit card?

Dapat ko bang i-swipe ang credit card ko?

Puede, kung ganito ka mag-SWIPE:

S-aka na lang. Huwag mong pilitin kung wala kang budget at hindi mo naman talagang kailangan. Kung handa ka na, saka mo bilhin. Hindi  lahat ng nakita sa internet o social media na nang-aakit o nag bra-brainwash na kailangan mo ito ay dapat patulan. Talikuran ang lahat ng temptation na magdadala sa yo sa panganib ng patung-patong na utang.

W-ag magbayad ng minimum o mababa sa minimum. Dito ka maiipit sa taas ng interes na babayaran mo. Laging magbayad in full sa bawa’t billing mo at bago pa man ang due date kung maaari. Yung hawak mong budget ay ibayad kaagad. Huwag i-postpone ang pagbabayad lalo na kung aabot sa makakalimutan  mo ito. Tandaan na sa isang minuto lang na lumampas ka sa due date mo, automatic na may dagdag na late payment interest na yan sa susunod mong billing. Pag bayad ka in full at sa tamang oras, wala kang babayarang interest.

I-monitor mo ang lahat ng pinasok mo sa credit card. Kung puwede, mas magandang may maliit kang record book kung saan ililista mo ang lahat ng ginastos mo. Malalaman mo kung lumalampas ka na sa budget mo. Dagdag proteksyon mo na rin kung sakaling merong napasama sa billing mo na hindi mo naman talagang ginastos. Kaya maganda na sa credit card mo puedeng ipasok ang mga fixed expenses tulad ng groceries, gasolina, etc. kasi ito yung nababantayan mo kung sosobra sa budget mo.

P-lanuhin ang budget. Napagusapan na natin sng stratehiya tungkol sa tamang pagbubudget. Sa paggamit ng credit card, hindi puedeng parang “sky is the limit”, lalo na kung mataas ang credit limit.  Mas maganda kung ang credit limit mo ay katumbas lamang ng budget mo. Kalimitan na nangyayari ay pag mataas ang credit limit, sige lang ng sige sa pag-swipe at saka na lang iisipin kung paano ito babayaran.

E-nd your debts o gawing zero-debt ang layunin natin. Ang credit card ay isang kasangkapan sa pananalapi na mapapakinabangan mo kung alam mo paano ito gagamitin ng tama. Hindi mali ang mangutang. Pero ang utang ay dapat bayaran. Nabanggit ko na ang kawalan ng utang ay isa sa ating mga financial goals. Palakasin pa natin ang ating ginagawa tungkol sa pagtaas ng financial literacy sa ating bansa para maayos natin ang aspetong financial ng buhay ng bawa’t mamamayan.

Napagtanto ko tuloy na para di tayo maproblema sa mga utang na yan, mas isipin natin na “every day is a blessing.” Maging kontento sa kung anong meron tayo kesa sa maging mapaghanap sa mga bagay na wala tayo. Wala namang isyu kung meron tayong mga pangarap o aspirasyon na gustong makamit. Pero dapat gumawa tayo ng paraan para magawa natin ito, katulad ng pagbili ng magagandang gamit o pagta-travel. Magtrabaho ng mahusay at patuloy na maghanap ng mga oportunidad kung saan puwedeng tumaas ang ating kita at mabigyan ng pag-asa ang ating mga minimithing materyal sa buhay.

Juan, kaya mo bang mag-SWIPE? Suportahan kita dyan.

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -