26.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 7, 2024

Kutitap ng pag-asa: Masasalamin sa ‘Firefly’ at sa iba pang MMFF movies

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

TAON-TAON, kapag dumarating ang Metro Manila Film Festival (MMFF) ay naghahanap ako ng mga pelikulang de-kalidad, ‘yung sadyang pam-festival ang dating in terms of story, direction, acting, and cinematography. Sa ganitong film festival isinilang ang mga klasikong Pelikulang Pilipino gaya ng Himala, Atsay, Ang Tatay kong Nanay, Heneral Luna, Jose Rizal, at Muro Ami.  Pero may mga panahon din na mukhang mas ang box-office appeal ang binibigyang priority ng mga producers at filmmakers kaya maraming producers din ang naglalabas ng mga pelikulang comedy o katatawanan na pumapatok naman sa mga bata.

Luis P. Gatmaitan Aklat pambatang hinalaw ni Palanca awardee Augie Rivera mula sa screenplay ni Anj Atienza; iginuhit ni Aldy Aguirre.

Mapalad tayo na ngayong taong ito ay may mayamang ani tayo ng mga pelikulang magaganda. Sampung mahuhusay na pelikula ang itinatampok ng MMFF na itinataguyod ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) – Family of Two; Mallari; Gomburza; When I Met You in Tokyo; Penduko; Rewind; Becky and Badette; Kampon; Broken Heart’s Trip; at ang Firefly.

Ang MMDA ang ahensiyang nasa likod ng taunang MMFF. Idinadaos ang pagdiriwang ng Pelikulang Pilipino sa buong bansa. Sa loob ng isang linggo – mula Pasko hanggang Bagong Taon – ay puro Pinoy movies lamang ang mapapanuod natin sa mga sinehan. Kung may foreign films na kasalukuyang ipinapalabas, ito’y pansamantalang itinitigil upang magbigay-daan sa mga lokal na pelikula sa naturang festival. Tanging ang IMAX at 3D cinemas lang ang hindi kasali sa pagpapalabas ng mga pelikulang lokal.

Nagsisimula ang filmfest sa pamamagitan ng isang float parade. Bawat pelikula ay may isang float na sinasakyan ng miyembro ng cast ng pelikula. Pinaghahandaan ding mabuti ang disenyo ng mga naturang float sapagkat may pinipiling ‘best float’ ang naturang festival.  Taon-taon mula noong 2017, halinhinang nagho-host ng float parade ang 17 local government units ng National Capital Region (NCR). Noong Disyembre 16, ang lungsod ng Valenzuela ang naging host ng Parade of Stars. Matagumpay itong naisagawa sa kabila ng mga report na unti-unti na namang dumarami ang kaso ng Covid-19 infection sa buong bansa.  Kitang-kita rin na nasabik ang mga tao na makita ang kanilang hinahangaang artista sa float parade.

Kasama ni Dr Gatmaitan sina Direk Zig Dulay at screenwriter Anj Atienza sa premiere night ng Firefly

Kamakailan, naanyayahan akong dumalo sa advance movie screening ng Firefly, isang pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival na hatid ng GMA Pictures. Napansin ko na naging kapartner ng GMA Picture ang GMA Public Affairs sa pagpo-produce ng naturang pelikula. Isang magandang collaboration ito ng dalawang entity ng GMA. Nakita ko rin na all-out ang suporta ng mga taga-GMA Public Affairs sa pelikulang ito. Dumalo sa premiere night ang mga batikang broadcast journalists mula sa GMA na sina Jessica Soho, Kara David, Howie Severino, at Atom Araullo.  Tamang-tama dahil itinampok din sa pelikula ang isang journalist (ginagampanan ni Max Collins) na nag-i-interview sa lead character ng pelikula na ginampanan naman ni Dingdong Dantes nang ang batang bidang si Euwenn Mikaell (sa papel na Tonton) ay lumaki na. Nakita ko si Kara David na halos mugto ang mata sa pag-iyak nang magliwanag na ang sinehan.

Kasama sina Kara David at Direk Zig Dulay.

Kung naghahanap tayo ng pelikulang may kalidad sa taunang pista ng pelikulang Pilipino na magbubukas ngayong Pasko, ito na marahil ‘yun: ang FIREFLY. Alam kong marami ang magagandang pelikula sa listahan ng mga nakasali sa MMFF. Nakakatuwa rin na maraming malalaking artista ang bumida. Ngayong taong ito, nais kong mapanuod ang iba pang mga pelikulang lahok sa festival. Pati na ang aking Nanay na nagbalikbayan mula sa Amerika ay desidido ring mapanuod ang mga pelikula sa MMFF. “Parang kay gaganda ng mga pelikula ngayong taong ito. Kaiba sa mga nagdaang taon na mapipili mo lang ang magandang panuorin,” gayon ang sabi niya.

Iyong ibang manunuod ay hinihintay muna ang resulta ng Gabi ng Parangal ng MMFF bago panuorin ang ilang pelikula sa MMFF. Sa MMFF ko lang yata nakikita na nagkakaloob sila ng Best Picture, 2nd Best Picture, at 3rd Best Picture. Nagiging game-changer din ang resulta ng awards night. Naniniguro na rin kasi ang maraming moviegoers sa pelikulang panonoorin dahil hindi naman ganoon kamura ang bawat tiket sa pelikula.

Nakakataba ng puso na may isang pelikulang pampamilya na maaari n’yong mapanuod ngayong Kapaskuhan gaya nitong Firefly. Pihadong kukurot sa puso n’yo ang kuwento ng mag-inang Elay (ginampanan ni Alessanda de Rossi) at Tonton (ginampanan ni Euwell Mikael) na kinayang tawirin ang mga pagsubok sa buhay upang makarating sa sinasabing ‘isla ng mg alitaptap.’ Ano ba’ng mayroon sa sinasabing mythical island na madalas ilarawan ng inang si Elay sa kanyang anak na si Tonton habang nagkukuwento ito bago matulog? Bakit ninanais ni Elay na madala roon ang anak niyang si Tonton?

Kung mapapansin, madalas ay sa buwan, bituin, o mga bulalakaw natin nakikita na humihiling ang mga tao upang matupad ang kani-kanilang panalangin at pangarap. Pero sa pelikulang Firefly, pinaniwalaan ng batang bida na ang katuparan ng kanyang kahilingan ay nakasalalay sa pagkakakita ng mga aliptaptap sa isla ng Ticao. Kapag nakakita ka raw ng alitaptap at humiling ka rito, matutupad ito. Kaya ganun na lang kasidhi ang pagnanais ng bata na makita ang islang binabanggit ng kaniyang ina sa mga gabing sila’y nagkukuwentuhan.

Maganda ang road movie ito na itinampok ang kagandahan ng Bicolandia sa kabuuan ng pelikula. Nandoon ang pamosong Bulkang Mayon na kilala sa perpekto nitong hugis. Nagpakita rin ng mga eksena sa Sorsogon (Bulusan Volcano) at sa Ticao Island ng Masbate. Masasabing isang magandang road movie ang Firefly. Magtatagpo ang landas ng mga tauhan sa isang bus na may iisang destinasyon!

Kapansin-pansing maganda ang cinematography ng pelikula na inilapat sa magandang screenplay ni Anj Atienza. Lumutang ang mga imaheng kuha ni Neil Daza, isa sa pinakamahuhusay na cinematographers ng ating panahon. Kapuri-puri rin ang direksiyon at maingat na paghawak ni Direk Zig Madamba Dulay sa materyal na ito. Matatandaan na ang award-winning director ng pelikulang ‘Black Rainbow’ sa Cinemalaya ay siya ring direktor na nasa likod ng mga dating popular na GMA teleserye – ang Maria Clara at Ibarra, Sahaya, at Legal Wives. Ito ang unang pagkakataon na sinubukan niyang magdirek ng isang mainstream na pelikula sa ilalim ng GMA Pictures-GMA Public Affairs. “Kaya nagpapasalamat ako sa laki ng tiwalang ibinigay sa akin ng GMA dito sa pelikulang Firefly.”

Ang papel ng batang si Tonton (Anthony ‘Tonton’ Alvaro; na halinhinang ginampanan nina Euwell Mikaelat Dindong Dantes) ay isang sikat na awtor ng kuwentong pambata. Hindi kataka-takang magkaroon ng totoong aklat pambata na hinalaw sa movie script ni Anj Atienza. Ang kilalang children’s book author na si Augie Rivera ang gumawa ng aktuwal na librong pambata mula sa pelikula. ‘Firefly’ din ang pamagat ng kanyang aklat pambata na nilapatan naman ni Aldy Aguirre ng napakagandang ilustrasyon. Ngayon pa lang, marami na ang interesadong magkaroon ng kopya ng aklat. Hindi pa alam kung magkakaroon ng komersiyal na pagbebenta ng aklat.

Mangungumpisal na rin po ang inyong lingkod. Panuorin n’yo ang Firefly at may cameo role po tayo sa dakong dulo ng pelikula. Ninais kasi ni Direk Zig Dulay na kunwa’y isang children’s literature industry event ang paglulunsad ng aklat ng pangunahing karakter sa pelikula.

Magkikita-kita tayo sa mga sinehan matapos makapamasko!

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -