29.9 C
Manila
Martes, Hulyo 8, 2025

Take two para kay Kyrie Ramos

- Advertisement -
- Advertisement -

MULI minarapat nating bigyan pansin ang nagpapatuloy na paglago  ng kinang ng batang bituin na si Kyrie Ramos. Kabilang ang sampung taon gulang na bituin sa mga piling talento ng Talents Academy ng IBC 13 na pinamumunuan ni Direktor Jun Miguel.

Sa isang nakaraang kolum, pinansin natin ang pambihirang katangian ng bata. Sa murang gulang ay naparangalan na ng mga gantimpala sa pagganap na may pangmundong saklaw.

International award kumbaga.

Unang napagwagian ni Kyrie ang Emerging Female Child Performer for TV and Movie sa Southeast Asian Achievement Awards sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Oktubre 12 ng nakaraang taon. Ilang araw makaraan iyun, noong Oktubre 21, tinanghal naman si Kyrie bilang Most Promising TV  Child Performer sa International Golden Globe Awards na ginanap sa Winford Manila. At pinangatluhan ito ng parangal bilang namumukod na batang artista sa Vietnam International Achievers Award na ginanap sa Melia Hanoi Hotel, Hanoi, Vietnam noong Disyembre 6, 2024.


Nawika natin sa nagdaang kolum na iyun: “Mangyari pa, maganda siya. Subalit ang agad na kamamanghaan mo tungkol sa kanya ay ang ismarting pagdadala sa sarili na kakikitaan ng kumpiyansa, na sa haba ng panahon ko ng pagsusulat at pagdidirihe ng pelikula ay naobserbahan kong tatak ng matatagumpay na mga artista.”

At di tayo nagkamali.

Nito lamang na nagdaang Abril, isa na namang parangal ang ipinagkaloob sa kanya sa Singapore, ang Best Brand and Leadership Award. Walang humpay na pagkilala sa kahusayan sa sining ng pagganap kahima’t sa murang edad pa lamang.

Wala pang isang taon, apat nang prestihiyosong international award ang tinanggap ni Kyrie. Alin kung sa pag-arte, pagsayaw o pagkanta, mga larangang nagpatampok sa sarili bilang namumukod tanging alagad ng sining. Kaya nga totoong nakapagpapataba ng puso ang makita siyang kabilang sa mga ginantimpalaan ng pagkilala’t papuri sa Gintong Parangal Award na ginanap sa Great Eastern Hotel noong Hunyo 14, 2025.

- Advertisement -

Sabi nga ng Talents Academy, “Kyrie’s talent continues to blossom and inspire. At such a young age, she is proving that hard work, determination, and a love for the craft can open doors beyond borders. She is not only a star in the making—she’s already shining bright and standing tall among the best.

“Kyrie, your journey is a beautiful reminder that dreams know no age. Keep going, keep growing, and never stop sharing your light with the world. We’re so proud of you and can’t wait to see where your talents take you next!”

(Ang talento ni Kyrie ay patuloy sa pamumukadkad at pagbibigay-inspirasyon. Sa kanyang murang gulang, pinatunayan niya na ang pagpupunyagi, determinasyon at pagmamahal sa sining ay nakapagbubukas ng mga pinto lampas sa mga hangganan. Hindi na lang siya isang namimintong bituin – maliwanag na ang kanyang pagsinag, matayog sa pagtindig sa hanay ng mga dakila’t piling-pili.

(Kyrie, ang iyong paglalakbay ay isang magandang paalaala na ang mga pangarap ay walang kinikilalang edad. Magpatuloy ka, lumaki at lumago, at huwag huminto sa pagbahagi ng iyong liwanag sa mundo. Lubos ka naming ipinagkakapuri at hindi na kami makapaghintay na makita kung saan ka pa dadalhin ng iyong talento!)

Sa ganang kolum na ito, ang liwanag ni Kyrie ay lumusot na sa mga dinding ng showbiz at entertainment. Ang kabuluhan nito ay lampas-lampasan sa mga hangganan ng entablado, tumatagos na sa mga himaymay ng mga ugnayang panlipunan.

Kung ang isang paslit ay may dignidad sa pagsalunga sa mga rekisitos ng kanyang sining, bakit hindi iyun magawa ng mga may tahid nang mga pulitiko na kung di man lahat ay karamihan mga tiwali’t mga mambabastardo sa serbisyo publiko?

- Advertisement -

Pahapyaw na halimbawa ang ginawa ng 18 senador sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte. Maliwanag ang mandato ng saligang batas na sa sandaling matanggap ng senado ang articles of impeachment, agad itong diringin at pagpapasyahan. Pero hindi. Ultima ora na nang buoin ng senado ang sarili bilang impeachment court – hindi upang dinigin ang impeachment kundi upang ibalik lamang ito sa Kamara.

Kung ang 18 senador ay may pusong kasingbusilak ng kay Kyrie na matapat sa pagpupursige sa mga naitakdang pamantayan, hindi nila ililigaw ang landas upang papanaigin ang mga likong layunin.

Wala man kahit sa hinuha ni Kyrie, ang patuloy niyang pag-ani ng parangal sa larangan ng kanyang sining ay hindi maaaring hindi magsilbing huwaran ng dakilang pagpupunyagi ng sambayanan na matamo ang hustisya sosyal.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -