27.7 C
Manila
Linggo, Hunyo 7, 2026

Paliwanag ni  Senate President Pro Tempore Loren Legarda tungkol sa pagpapalit ng Senate President

- Advertisement -
- Advertisement -

IPINALIWANAG ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda kung paano papalitan ang Senate President. Ito ang kanyang pahayag.

Sa mga kapwa ko Pilipino.

Malinaw ang nakasaad sa Konstitusyon.

Walang sinumang Senador ang maaaring lehitimong tumayo bilang Pangulo ng Senado batay lamang sa 12 boto. Ito ay pinagtibay sa ilalim ng 1987 Constitution. Sa Article VI, Section 16, Subsection 1 ng 1987 Constitution,

“The Senate shall elect its President by a majority vote of all its Members.”

Ang ibig pong sabihin, makakapag-halal lamang ng isang Senate President kung makakuha siya ng mayoryang boto ng lahat ng miyembro ng Senado.

Ayon sa Konstitusyon, 24 ang kabuuang bilang ng mga halal na Senador. Kaya naman 13 ang kinakailangan para magkaroon ng mayorya.

Nakalagay din sa Alituntunin ng Senado sa Rule II, Section 2, na “The officers of the Senate shall be elected by the majority vote of all its members.”

Ang mga opisyal po ng Senado ay ang Senate President, Senate President Pro Tempore, Senate Secretary at Sergeant-at-Arms.

Hango at nakabase po sa Konstitusyon ang mga Alituntunin ng Senado, kung kaya’t tulad sa Senate President, boto rin ng mayorya ng lahat ng miyembro ng Senado ang kinakailangan upang magtalaga ng Senate President Pro Tempore, Senate Secretary, at Sergeant-at-Arms.

Malinaw… 13 boto ang kailangan.

Sinabi din sa RULE XV, Section 44 ng Alituntunin ng Senado na “Except during the election of officers, a majority of the Senators shall constitute a quorum.

Simple lamang ang kahulugan nito: Iba ang bilang na kailangan para sa quorum at iba rin ang bilang na kailangan para sa eleksyon.

Kapag eleksyon ng mga opisyal ng Senado, kailangan ang mayoryang boto ng lahat ng miyembro ng Senado upang sila ay mahalal.

Kaya naman, sa kabila ng aking paggalang sa aking mga kasamahan, labag sa Konstitusyon at Alituntunin ng Senado ang nangyaring pagtatalaga ng Senate President Pro Tempore, Senate Secretary, at Sergeant-at-Arms dahil 12 Senador lamang ang nasa plenaryo na bumoto.

Kulang ng isang boto para masabing mayorya ng lahat ng miyembro ng Senado ang bumoto para sa pagbabago ng liderato.

Samantala, sa chairmanship naman ng mga komite ng Senado, malinaw din ang Saligang Batas, sa ilalim ng Article VI, Section 16, Subsection 2, kung saan sinabi na: “A majority of each House shall constitute a quorum to do business.”

Ibig sabihin, 13 senador din ang kinakailangan na kabilang sa Session ng Senado upang makagawa ng anumang opisyal na gawain. Kung kaya’t, labag din sa Konstitusyon ang naganap na pagdedeklarang bakante at pagtatalaga ng mga Chairperson sa ilang mga komite.

Madalas na binabanggit ng mga nasa minorya ang kasong Avelino v. Cuenco upang palabasing lehitimo ang naganap na takeover sa Senado. Pero hindi maaaring gawing shortcut ang Avelino upang pababain ang bilang ng mga Senador na kailangan para sa quorum, sa eleksyon, at para magkaroon ng re-organization sa Senado.

1949 pa ang kasong ito at naganap sa ilalim ng 1935 Constitution. Nagbago na ang Saligang Batas, 1987 Constitution na ang sumasaklaw sa atin. Dito, malinaw na 13 ang kinakailangang boto para maghalal ng pangulo ng Senado, at parehong bilang din ang kinakailangan para sa pagboto ng mga opisyal.

Hindi rin bago ang patakarang ito. Noon pa mang 1973 Constitution, malinaw na ring nakasaad na ang Speaker ng National Assembly ay dapat mahalal “sa pamamagitan ng mayoryang boto ng lahat ng miyembro.”

Kung tatanggapin natin na maaring basta-basta na lamang bawasan ang bilang ng mga senador na kinakailangan para sa eleksyon ng mga opisyal at pinuno ng mga Komite, malaki ang magiging epekto nito sa operasyon ng Mataas na Kapulungan.

Sa tuwing may mga senador na nagkakasakit, nasa abroad, pansamantalang wala sa session, naaresto, at iba pang kadahilanan, maaaring gamitin ang dahilan na ito para mag-reorganize ng Senado.

Kapag nangyari iyon, hindi na representasyon ng taumbayan, interes at isyu ng panahon ang magtatakda kung sino ang nasa mayorya at mga opisyal ng senado. Ang magiging labanan na lang ay kung sino ang makapagbawas ng pisikal na presensya ng kabilang panig sa bulwagan.

Dapat manatiling representasyon, interes ng nakararami, performance ng bawat isa, at isyu ng panahon ang batayan kung sino ang magiging mayorya at pinuno ng Senado.

Ang Konstitusyon ang gabay ng ating demokrasya. Ito ang dapat nating ipaglaban para sa Senado, para sa ating mga institusyon, at higit sa lahat, para sa bawat Pilipino.

Si Loren Legarda po. Ang inyong Senate President Pro Tempore. Maraming salamat.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -