HABANG inaasahan ang pagbabalik-eskuwela nggayon, Hunyo 8, 2026, ng humigit-kumulang 28 milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa, nanawagan si Senate President Pro Tempore Win Gatchalian ng mas maigting na pagpapatupad ng mga programa upang sugpuin ang bullying at itaguyod ang mental health ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin ng senador na nananatiling seryosong suliranin ang bullying, kasabay ng patuloy na pagkilala sa Pilipinas bilang “bullying capital of the world.” Batay sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), isa sa bawat tatlong Pilipinong mag-aaral na 15-taong gulang ang nakaranas ng bullying ng isang beses kada linggo.
Binanggit din ni Gatchalian ang mga natuklasan ng EDCOM 2 na nagpapakitang ang bullying sa paaralan ay madalas nauuwi sa pisikal na karahasan at matinding pananakot, dahilan upang umiwas sa pagpasok sa klase ang ilang mag-aaral.
Sa ilalim ng 2026 national budget, P2.974 bilyon ang inilaan para sa School-Based Mental Health Program at sa pagtatatag ng Learner Wellness Division. Kaugnay ito ng pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na iniakda at isinulong ni Gatchalian.
“Habang patuloy nating tinutugunan ang krisis sa edukasyon, dapat din nating sugpuin ang bullying at palakasin ang suporta sa mental health eng ating mga mag-aaral. Nakasalalay dito ang kanilang kaligtasan, kapakanan, at kakayahang matuto nang maayos sa loob ng paaralan,” ani Gatchalian.



