“Ha? Sa primetime pala ipalalabas ang Planet XP?” gulat na paglilinaw ko kay Mike Rivera, ang creator at headwriter ng Planet XP, ang pinakabagong child-friendly show na co-production ng GMA network at ng National Council for Children’s Television (NCCT). Sunod-sunod na tango ang isinagot niya sa akin ni Rivera. “Alas-sais y media ng gabi! Sa buong buwan ng Mayo!” dagdag pa niya. Sumikdo ang dibdib ko. Kapag binanggit ang ‘primetime’, ito ang time slot na inaasam-asam ng mga producers ng TV shows. Sa oras kasing ito naitatala na maraming nanonood ng telebisyon sa buong bansa. Hindi ko mapaniwalaan ang binanggit na ito ni Mike Rivera, na tumatayo ring creative consultant ng GMA Entertainment. Madalas kasi, ang mga programang pambata at makabata ay hindi napapabilang sa programming para sa primetime TV viewing.

Sa tingin ko, nakatulong sa pagkakaroon ng primetime slot ang presensiya ng sikat na Kapuso actor na si Miguel Tanfelix, na itinampok na solo host sa bagong travel-adventure show na mapapanood sa telebisyon. Si Tanfelix din ang hinirang na pinakabatang ambassador ng ‘Be Juan Tama’, ang kapuri-puring advocacy campaign na pinangunahan ng GMA Entertainment para sa mga makabata at pampamilyang panoorin. “Medyo na-pressure ako kasi ang huhusay ng mga hosts na susundan ko ang mga yapak. But I’m up for the challenge,” kuwento ni Tanfelix. Ang dating child actor ay nakahanda na para sa mga responsabilidad na maaatang sa kanyang balikat bilang ‘Be Juan Tama’ Ambassador.

Matatandaang ang mga naunang hinirang ng GMA network na maging ‘Be Juan Tama’ ambassadors ay sina Dindong Dantes (para sa show nito na ‘Amazing Earth’), Chris Tiu (para sa show na ‘I-Bilib’), at King of Talk Boy Abunda (para sa palabas nitong ‘Fast Talk with Boy Abunda’). Lahat ng ito’y mga palabas ng GMA Network. Hindi kataka-takang laging nabibigyan ng pagkilala ng National Council for Children’s Television ang GMA bilang isang ‘Child-Friendly TV Network.’ Higit pa sa hinihinging 15 porsyento ng kanilang maghapong programming ang inilalaan ng GMA Network sa mga child-friendly shows. May ipinatutupad kasing batas na ang bawat network ay maglalaan ng 15 porsyento para sa child-friendly shows sa kanilang maghapong programming.

Isinabay sa idinaos na ‘Be Juan Tama’ Talks kamakailan sa GMA Network ang paglulunsad ng bagong child-friendly show na ‘Planet XP.’ Naanyayahan akong makibahagi sa naturang forum bilang kinatawan at Tagapangulo ng NCCT (co-production ng GMA at NCCT ang Planet XP). Nakasama ko sa panel ang tumatayong host ng naturang palabas – ang isa sa pinakasikat na young actors ng henerasyong ito na si Miguel Tanfelix, na nananatiling wholesome ang image.

Sakto ang pagkapili kay Tanfelix bilang host ng Planet XP sapagkat madaling makaka-relate sa kanya ang mga bata’t kabataan. Kinikilala siyang youth role-model at naging recipient ng German Moreno Youth Achievement Award sa Famas noong 2015. Isa pa, may 11 milyong followers si Tanfelix sa kanyang social media channels. Pansamantalang feeling-Gen Z ako nang mga sandaling ‘yun! Paano naman, nakasama rin namin ni Tanfelix sa naturang ‘Be Juan Tama Talks’ ang mga piling estudyante ng kursong Broadcast Communications ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Sa naturang panel discussion, tinalakay namin ang kahalagahan ng active lifestyle na may tuon sa nature at outdoor activities. Nais kasing ipakita ng palabas na ‘there’s life beyond the gadgets.’ Sabi nga ni Tanfelix, hindi naging mahirap sa kanya ang maging host ng Planet XP sapagkat di malayo sa kanyang lifestyle ang ginagampanan niyang role sa palabas. Nalaman kong mahilig pala siyang magtungo sa gym, umakyat ng bundok, mag-hiking, at magbiyahe sa iba’t ibang lugar. Ayon pa sa kanya, praktikal daw siyang traveller at madalas ay backpacker siya. Sinang-ayunan ito ni Rivera at sinabing sobrang cool katrabaho ni Tanfelix. “Very cooperative siya at nagsa-suggest pa siya ng mga linyang sasabihin niya.”

May puntong tinanong ako ni Tanfelix kung bakit parang gumaganda ang kanyang mood at may nararamdaman siyang ‘high’ matapos ang isang physical activity. Sabi ko’y dahil ito sa paglalabas ng katawan ng mga ‘happy hormones’ sa mga sandaling aktibo o nag-eehersisyo tayo: mga hormonang gaya ng serotonin (na isang ‘mood stabilizer’) at dopamine (na isang ‘reward hormone’).
Pero ano nga ba ang Planet XP? At ano ang kaabang-abang dito? Ang Planet XP ay isang infotainment special series na inihahandog ng GMA. Binubuo ito ng limang (5) episodes. Ang ‘XP’ ay isang teminong ginagamit sa ‘gaming’ na nangangahulugang ‘Experience Points’ o mga score na iyong makukuha habang nagle-level up ka sa iyong kakayahan (skills) at kaalaman (knowledge). Sa palabas na ito, si Tanfelix, sampu ng mga kabataang manonood at kani-kanilang pamilya ay magiging XPlorers ng ating planet. Sabay-sabay nilang tutuklasin kung paano nakikiugnay ang iba’t ibang Pinoy communities sa kalikasan.

Dinayo nila ang iba’t ibang komunidad sa Pilipinas, gayon din ang mga pambihirang bagay o aktibidad na puwedeng gawin dito. Ayon pa kay Tanfelix, “nag-enjoy ako na napuntahan ko’t nakausap ang mga katutubong Dumagat at saka naaliw rin ako sa kung paano mamitas ng dahon ng pandan para sa gagawing sombrero.” Nakatampok ito sa segment na ‘Planet Xplorers’ kung saan kumu-connect siya sa iba’t ibang tao sa komunidad. Dahil mahilig naman talagang maglakbay si Tanfelix, lagi siyang excited sa bawat destinasyong ie-explore nila. “Experiential at immersive ang mga karanasang ito. Nagpunta kami sa Batangas, Laguna, Tarlac, Bulacan, at Pampanga!” Halata ang sigla at excitement ni Tanfelix at labis ang pasasalamat niya na siya ang napisil na maging host ng naturang show.

May espesyal ding segment ang Planet XP na kung tawagin ay ‘Xplore the Animal Kingdom’ na ihahatid sa atin ni ‘Tammy Tamaraw’, isang animated/cartoon character na kumakatawan sa ating mga ‘eternally curious at trivia-loving young Pinoy audience.’ Ang pagkakaroon ng isang cartoon character ay nakaaakit din sa mas nakabatatang audience upang tutukan ang palabas.

Heto ang iba’t ibang episodes na mapapanood natin ngayong Mayo sa PLANET XP:
- EPISODE 1, 02 May: The Hidden World of the Dumagat in Norzagaray, Bulacan. Itinatampok nito ang indigenous community ng mga Dumagat sa Angat River, at kung paanong na-sustain nito ang kanilang pamumuhay at nalinang ang kanilang kultura sa loob ng sanlibong taon.
- EPISODE 2, 09 May: The Women Weavers of Cavinti, Dito’y itinampok naman ang isang grupo ng mga nanay na lumilikha ng sambalilo, isang sombrero na yari sa pandan. Tinuruan ng komunidad si Tanfelix kung paanong mamitas ng matinik na dahon ng pandan. Tinahak din niya ang maputik na daan para marating ang kakaibang Balon-Balon Falls.
- EPISODE 3, 16 May: The Ayta-Mag Indi Farmers of Floridablanca, Pampanga. Itinampok naman dito ang mga katutubong magsasaka mula sa Nabuclod, isang barangay na nasa gilid ng bundok na halos ‘a thousand feet above sea level’ ang kinalalagyan.
- EPISODE 4, 23 May: The Mighty Mountaineers of San Jose, Tarlac. Dito’y sasamahan at gagabayan si Tanfelix ng isang ‘community of mountaineers’ sa kanyang pagtatangkang marating ang tuktok ng Mt. Ngile, na hindi masasabing madaling akyatin sapagkat kailangan pang daanan ang madawag na kagubatan.
- EPISODE 5, 30 May: The Champion Grassroots Windsurfers of Mabini, Batangas. Sa pinakahuling adventure ni Tanfelix, itatampok dito ang mga batang atleta ng Philippine Windsurfing Tuturuan nila si Tanfelix kung paano laruin at tantiyahin ang hangin sa gitna ng dagat sa Janao Bay.
Bakit mahalagang suportahan ang mga ganitong palabas na child-friendly? Siyempre, nais nating handugan ang mga bata’t Kabataan ng panooring maituturing na educational/informative, value-laden, at age-appropriate (o angkop sa edad). May isang pagkakataon na nasa Senado ako, kasama ang ilang piling staff, para sa taunang budget defense ng ahensiyang National Council for Children’s Television (NCCT). Nang maisalang na kami, kinumusta ng butihing senador na si Sherwin Gatchalian kung marami na raw ba kaming pinondohang TV shows na pambata o di kaya’y child-friendly.
Isa kasi sa mandato ng ahensyang pinaglilingkuran ko – ito ngang NCCT – ay ang pondohan ang pagde-develop ng mga child-friendly shows sa pamamagitan ng aming Endowment Fund (na kung tawagin ay ‘National Endowment Fund for Children’s Television’ o NEFCTV). Siyempre, binanggit kong isa-isa ang mga TV programs na makabata na na-produce sa tulong ng aming ahensiya (na napalabas din sa TV). Na ikinatuwa naman ng butihing senador. Nais niya kasing mas maraming child-friendly shows ang maipalabas sa TV.
Ngayong taong ito, natitiyak kong muling matutuwa si Senator Win at iba pang kasangga niya sa Senado at Kongreso kapag binanggit namin ang programang PLANET XP, na nilikhang may kalidad at sadyang maipagmamalaki. Ang produksiyon nito’y tumanggap ng Endowment Fund grant noong 2024. At ngayon nga’y handa nang ipalabas sa primetime! Nagpasasalamat din ako sa naging suporta sa Planet XP ng mga GMA executives na sina Cheryl Ching-Sy, OIC ng GMA Entertainment; at Janine Piad-Nacar, Vice-President of GMA Entertainment for comedy, reality, game, talk, and infotainment formats.
Nasisiguro kong magiging masaya ang pagsalubong natin sa buwan ng Mayo sapagkat mapapanood natin ang special series na PLANET XP tuwing Sabado ng gabi, sa buong buwan ng Mayo, ganap na 6:30, matapos ang “24 Oras Weekend” at ka-back-to-back ng “Pepito Manaloto.” Sasamahan tayo sa ating weekend family viewing ng ‘Timothee Chalamet’ ng Pilipinas na si Miguel Tanfelix.
“G na G na kami!” pagwawakas ni Mike Rivera patungkol sa pagpapalabas ng Planet XP.
Mabuhay ang mga tao sa likod ng mga child-friendly shows na hindi pinanghihinaan ng loob na itampok ang mga makabatang content sa telebisyon.

