27.3 C
Manila
Huwebes, Hunyo 18, 2026

Sa bagong liderato, napanatili ni Sen Bam Aquino ang pamumuno sa Committee on Basic Education

- Advertisement -
- Advertisement -

NAPANATILI ni Senador Bam  Aquino ang kanyang pamumuno sa Committee on Basic Education at nakuha ang chairmanship ng Committee on Science and Technology at Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship sa pinakabagong liderato ng Senado simula kahapon, Hunyo 17, 2026.

Bilang chairperson ng mga mahahalagang komiteng ito, nangako si Aquino na isusulong ang mga repormang tutugon sa krisis sa edukasyon, magpapalakas sa entrepreneurship at paglikha ng trabaho, magpapaganda sa kalagayan ng pagnenegosyo sa bansa, at magpapasigla sa pag-unlad ng agham at teknolohiya.

“Itutuon natin ang buong atensyon sa paghahanap ng solusyon sa ating education crisis, pagpapabuti sa sektor ng micro, small and medium enterprises, paglikha ng trabaho, at sa pagpapalago ng agham at teknolohiya,” dagdag pa niya.

Sa unang 10 buwan ng 20th Congress, pinamunuan ni Aquino ang Committee on Basic Education at Science and Technology bago siya napabilang sa minorya kasunod ng pagbabago sa liderato ng Senado.


Sa panahong iyon, isinulong ni Aquino ang makasaysayang P1.34 trilyong pondo para sa edukasyon sa ilalim ng 2026 national budget — ang pinakamalaking badyet para sa edukasyon sa kasaysayan ng bansa.

Kabilang sa pondong ito ang P67.9 bilyon para sa pagtatayo ng 25,000 silid-aralan upang makatulong na mabawasan ang classroom backlog na 166,000 sa bansa, P37 bilyon para sa pagpapatupad ng Free College Law (RA 10931), at P25.7 bilyon para sa pinalawak na School-Based Feeding Program.

Si Aquino rin ang tumayong sponsor ng Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) and Last Mile Schools Act at ng Curriculum Flexibility Act, na kapwa naghihintay na lamang ng lagda ng Pangulo upang maging ganap na batas.

Pinangunahan din niya ang pagpasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Class-Building Acceleration Program Act at Basic Education Voucher Program Act.

- Advertisement -

Sa kabuuan, naghain si Aquino ng 12 panukalang batas na may kaugnayan sa edukasyon, naging may-akda at co-author ng 22 panukalang batas, at nagsponsor at co-sponsor ng siyam na panukala. Nagsagawa rin siya ng maraming pagpupulong, pagdinig, sesyon, at iba pang aktibidad bilang co-chairperson ng EDCOM II.

Sa kanyang unang termino sa Senado, nagsilbi si Aquino bilang chairperson ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship at naging pangunahing tagapagtaguyod ng mahahalagang batas pang-ekonomiya gaya ng Go Negosyo Act, Philippine Competition Act, Microfinance NGOs Act, at Youth Entrepreneurship Act.

Ang Go Negosyo Law ay nagbibigay sa mga MSME ng mas malaking access sa merkado at financing, naglalaan ng mga training at capacity-building programs, at nagpapadali sa proseso ng pagpaparehistro ng negosyo para sa mga negosyanteng nagsisimula o nagpapalawak ng kanilang mga negosyo.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -