26.7 C
Manila
Sabado, Hunyo 6, 2026

Imee: BSKE, ipagpaliban para lahat makaboto

- Advertisement -
- Advertisement -

DAHIL sa bantang maraming Pilipino ang maaaring hindi makaboto bunsod ng mataas na pamasahe at presyo ng krudo, inihain ni Senador Imee Marcos ang Senate Bill No. 2067 upang ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Nobyembre 2026 patungong Oktubre 2027.

Inalala rin ng senadora na kasunod lang ng Undas ang eleksyon, kung kailan inaasahang mas dadagsa ang biyahe at mas lalong magmamahal ang pamasahe.

“Mahalaga ang Undas sa mga Pilipino bilang panahon ng pag-alala sa ating mga yumao. Ngunit sa patuloy na pagtaas ng pamasahe, baka mapilitan ang iba na huwag nang umuwi at tuluyan na ring hindi makaboto,” giit ni Marcos.

Ayon sa kanya, bagama’t mahalaga ang halalang ito sa barangay, kailangan ding isaalang-alang ang kasalukuyang krisis sa langis at ang bigat ng gastusin ng publiko.

“Bawat boto ay mahalaga. Maraming botante na ang naghihikahos na mas pipiliin na lamang na huwag nang umuwi sa kanilang mga probinsya para bumoto,” aniya.

Dagdag pa ng senadora, kung ipagpapaliban ang halalan, magkakaroon ng sapat na oras ang mga botante na ilipat at i-update ang kanilang rehistro, kaya hindi na kailangang bumiyahe at gumastos ng malaki sa araw ng eleksyon.

Binanggit din niya na aabot sa ₱16 bilyon ang gagastusin para sa BSKE ayon sa COMELEC, bukod pa sa karagdagang gastos ng PNP, DepEd, at mga lokal na pamahalaan.

“Kung may bilyon-bilyon para sa eleksyon, mas mabuti siguro kung ilaan muna ito sa mas agarang pangangailangan tulad ng pagkain, krudo, at iba pang serbisyo,” pahayag ni Marcos.

Giit pa niya, kung maipagpapaliban ang halalan, tuloy-tuloy rin ang serbisyo ng mga opisyal ng barangay at mas matututukan nila ang pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga komunidad sa gitna ng krisis.

“Hayaan muna natin ang mga Pilipinong magdasal at alalahanin ang kanilang mga mahal sa buhay tuwing Nobyembre. Huwag na natin silang abalahin sa eleksyon at pamumulitika.”

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -