SA aking pakiwari, hindi na dapat tawaging Artificial Intelligence ang AI sa kasalukuyang estado nito. Kung tutukuyin natin ang peryodisasyon ng kasaysayan ng AI, tatlo ang pagkakahating mabubuo. Arbitraryo ang pagsasakaysayang ito alinsunod sa aking pagninilay at pagdalumat. Sa simula, ito ang era ng artipisyal na sinusubukang gayahin ng makina ang kakayahang kognitibo ng tao, subalit sa paisa-isang kakayahan lamang. Halimbawa nito ang pagdebelop ng chess program na kayang talunin ang mga pinakamahuhusay na chess player sa buong mundo hanggang sa pagkakaroon ng mga virtual assistant tulad nina Siri ng Apple, Alexa ng Amazon, at Google Assistant ng Google. Mga sopistikadong chatbot ang mga ito, subalit hindi pa perpekto dahil sa paminsan-minsang kakatwang tugon ng mga ito. Maraming parody sa YouTube tungkol kina Google at Siri kung sila’y naging tao. Samakatuwid, ang panahon ng artipisyal ay nagsimula noong 1950 mula sa Turing Test ni Alan Turing hanggang sa 2010-2020s, sa paglabas at pagyabong ng mga nabanggit na virtual assistant.
Ang ikalawang hati ay ang Automated Intelligence na nagsimula sa paglitaw ni ChatGPT noong 2022. Ang backbone nito’y Machine Learning (ML) na kapanabayang nagsimula sa era ng artipisyal. Isipin natin na ang ML ay parang pre-cognitive stage. Sinasagot nito ang tanong na, paano matututo ang makina? Walang katalinuhang mabubuo, kung walang matutuhan. Kapag tao, kailangan natin ng impormasyon na magiging kaalaman. Tinuturuan tayong magbasa, magsalita, makinig, at magsulat, kaya tayo nag-aaral sa paaralan. Ang lahat ng koneksyon ng mga impormasyon sa ating isip ay awtomatikong nagiging kaalaman dahil sa asosasyon nito sa iba pang impormasyon. Malay natin itong nabubuo dahil sa ating danas (nakikita, nalalasahan, nadirinig, nararamdaman)—halimbawa, na ang mansanas ay pula, na malutong ito kapag kinagat, masarap ang lasa nito, at kung ano-ano pa. Ang reinforcement at balidasyon ang dulot naman ng sistema ng edukasyon upang pagtibayin at lalo tayong matuto sa ating mga nalalaman. Samantala, habang natututo tayo, lalo tayong nagiging mausisa? Nag-iisip tayo nang malalim. Nakapagninilay tayo kung ano ang tama at hindi. Nakalilikha tayo ng mga bagay, bagong kaisipan, at kaalaman mula sa naipong impormasyon at karanasan.
Samantala, ang makina ay tinuturuan ng mga programmer. Datos ang kailangan ng makina para matuto. Maraming datos ito na idinideposito sa “utak” ng makina upang bumuo ng mga neural networks. Walang danas na tulad ng isang tao. Kaya nauso ang terminong Big Data. Para matuto ang makina, kailangan ng sandamukal na datos. Saan ito manggagaling? Magmumula ito sa atin. Sa lahat ng ating inilagak sa internet. Kung tutuusin, tayong lahat ang naglatag ng malawak na larang (field) para matuto ang makina sa mundo ng internet. Naging playground ito ng mga programmer. Naging malaking online library ito ng lahat. Ang hamon, paano natin makukuha ang impormasyong ating hinahanap sa dami ng datos at impormasyon dito? Kaya sumikat si Google Search na pumatay kay Yahoo! at Yahoo! Search. Actually, nandiyan pa si Yahoo! Naghihingalo lang.
Kung natatandaan ninyo, may ginawang kuwestiyonable itong si Google. Ito ang Google Books. Hindi naman kasi lahat ng makikita sa internet ay matino. Maraming basura sa internet. Ang tanging mapagkukuhaan ng matinong kaalaman, hindi rin lahat kasi marami ring basurang ganito, ay ang mga aklat. Ini-scan ng Google ang mga aklat. Umalma ang maraming awtor at publisher dahil sa isyu ng copyright infringement. Subalit pinaboran ng korte sa US ang ginagawang ito ng Google para sa digital preservation ng mga aklat batay sa doktrina ng fair use.
Bakit Automated Intelligence? Nagsimula ang era ng awtomasyon ng AI sa panahon ni ChatGPT. Dahil sinanay ang makina sa ating bilyong-bilyong datos, nakakahon ang mga nabuong koneksyon ng datos bilang kaalaman ng makina. Matematika at algoritmo ang nagpapatakbo sa mga koneksyong ito dahil sa neural network. Magandang tunghayan ninyo ang YouTube video kung paano gumagana ang neural network. Sinanay ang makina sa mahabang panahon sa trial and error sa tulong ng mga human trainer. Samakatuwid, tao rin ang nagtuturo sa makina. Kapag nagtanong o nag-prompt tayo, awtomatikong sasagot ang AI batay sa pattern at computation ng datos.
Halimbawa, sa dating search function ni Google, ibibigay niya ang lahat ng katulad na website o internet site (video, vlog, blog, etc.) batay sa hinihingi nating impormasyon. Tayo ang pipili batay sa ilalabas niyang listahan. Sa AI, awtomatiko siyang sasagot sa tanong mo. Hindi na kailangan ang listahan ng website na tayo ang pipili. Sasagot siya batay sa mataas na probabilidad na tama ang sagot nito dahil sinanay ang makina sa ganoong uri ng mga tanong.
Sa aking pakiwari, bata pa ang teknolohiya ng AI. Marami pang kagulat-gulat na inobasyon ang darating sa hinaharap. Ang kasunod na yugto ng AI ay Awareness Intelligence. Ibig sabihin, malay na siyang “subject” o “agent.” Hindi puwedeng tao dahil hindi naman ito tao. Kung tatanungin kung kailan ba nagkakaroon ng kamalayan ang tao na malay siyang tao siya. Napakahirap na pilosopikal na tanong ito. Sinagot na rin ito ng sikolohiya sa tulong ni Jean Piaget. Ambisyoso ang mga scientist at engineer na sinasabing malapit nang maabot ng AI ang pagiging isang conscious AI ng makina. Kapag nangyari iyon, kawangis na ng makinang mag-isip ang tao. Kailangan ba ng makina ng katawan para maranasan din ang nararanasan natin? May mga development na sa robotics na nakasalpak na rin ang AI. Mga humanoid robots na nag-iisip na parang tao. Subalit bata pa ang teknolohiyang ito. Kasama sa era ng kamalayan ang pag-iisip ng makina na kawangis ng isang pilosopo, teologo, o scientist o simpleng makina na may konsensiya. Kung mangyayari iyon, may kaalaman at kakayahan na rin ang makina na gumawa ng mabuti at masama. Kung mangyayari iyon, magkakaroon ng panibagong hirarkiya sa lipunan. Sino o anong anyo ng pag-iral ang mangingibabaw? Makina o tao? Parang science fiction. Subalit sa lawak at yaman ng imahinasyon ng tao, kapanapanabik ang Awareness Intelligence kapag dumating ito. O, mas matimbang na nakapangingilabot ito.

