PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Lunes ang pamamahagi ng bigas sa mga magsasaka at iba pang vulnerable sectors sa Roxas City, Capiz bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng administrasyon na tulungan ang mga komunidad na makayanan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng pagkain at langis.
Ang inisyatibang ito ay tugon sa direktiba ng Pangulo sa mga local government unit (LGU) na sulitin ang paggamit ng kanilang Local Government Support Fund (LGSF) at ilaan ang hanggang 100 porsiyento ng pondo para sa pamamahagi ng bigas sa kanilang mga nasasakupan.
Kabuuang 500 benepisyaryo ang tumanggap ng tig-10 kilong bigas sa isinagawang aktibidad sa covered gym ng Barangay Milibili.
Sa bilang na ito, 300 ay mga magsasaka mula sa Barangay Bolo, Bato, Bago, at Milibili, na pawang miyembro ng mga samahan ng magsasaka.
Samantala, ang natitirang 200 benepisyaryo ay mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang persons with disabilities (PWDs) at solo parents mula sa Barangay Milibili.
Sinamahan si Pangulong Marcos ni Unang Ginang Louise Araneta-Marcos sa naturang pamamahagi.
Nauna nang sinabi ng Pangulo na ang rice distribution program, na unang inilunsad sa Lungsod ng Maynila, ay isasagawa ng anim na beses sa loob ng taon.
Sa isang aktibidad sa Batangas kamakailan, inanunsyo rin ng Pangulo ang planong dagdagan ang pondo para sa LGSF, basta’t mahusay na mapangangasiwaan at magagamit nang tama ng mga lokal na opisyal ang alokasyon.
Ipinapakita ng pamamahagi ng bigas ang matibay na pagtutulungan ng national at lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga hamong sosyo-ekonomiko, upang maihatid ang agarang tulong sa mga komunidad nang mabilis at epektibo. | PND



