29 C
Manila
Huwebes, Hunyo 18, 2026

Lacson, pinapaalalahanan ang kapwa senador sa tamang asal bilang posibleng senator-judges sa VP Impeachment Trial

- Advertisement -
- Advertisement -

PINAPAALALAHANAN ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Linggo ang kapwa niyang senador na pairalin ang tamang asal bilang mga posibleng senator-judges, sakaling maipasa sa Senado ang impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Binigyang-diin ni Lacson ang pangangailangang manatiling itinuturing na walang kinikilingan ang mga senador, at tiyaking ang kanilang mga salita at kilos ay hindi magbibigay ng impresyon na sila ay panig sa prosekusyon o depensa.

“Importanteng maunawaan namin na hindi kami lumalabas na parang prosecutor o kaya defense panel. Kailangan kami nakikinig lang kami sa tanong ng prosecution team at pag-cross-examine ng defense sa prosecution witness and vice versa, at nagta-take down kami ng notes para magkaroon ng informed decision,” aniya sa panayam sa DZBB radio.

“At kung meron kaming di maliwanagan dun lang kami papasok at magtatanong ng clarificatory questions. Hindi kami pwedeng mag-sound na parang member ng prosecution panel or defense panel kasi di magandang pangitain yan,” dagdag niya.

Inaasahang tatalakayin ng mga senador ang posibleng impeachment trial, kabilang ang iskedyul na kanyang iminungkahi upang maibalanse ang gawaing lehislatibo at ang posibleng paglilitis, ani Lacson.

Nagpahayag din siya ng simpatiya kay Senate President Vicente Sotto III, na inaasahang haharap sa mabigat na responsibilidad sa pagpreside ng posibleng impeachment trial.

“Ang mabigat na nakaatang sa balikat kay SP Sotto. I can only sympathize with him kasi siya magru-rule pag may issue. Halimbawa may pagtatalo ang prosecution at defense, ano ang susundin niya, isu-sustain niya ang tanong o io-overrule niya? Importante yan,” aniya.

Muling iginiit ni Lacson na ang ebidensiya lamang ang kanyang magiging batayan sa desisyon sakaling matuloy ang impeachment trial, at sinabing patuloy siyang nag-aaral ng mga proseso ng paglilitis sa korte.

“Magiging patas ako. Kaya ayoko mag-comment whatsoever. Kung anong lalabas na evidence at susundin ko kung anong nakapaloob sa aming rules of impeachment kung ano sa aking discretion bilang huwes ang magiging boto ko ibabase ko lamang doon. Walang ibang factor na titingnan,” aniya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -