30.6 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

‘Panloloko at kontra-demokrasya ang Cha-cha’

LANGIT AT LUPA

- Advertisement -
- Advertisement -

PUMIRMA ka ba sa “people’s initiative” (PI), ang pagkuha ng milyun-milyong lagda upang amyendahan ang Saligang Batas?

Kung oo, baka nasangkot ka sa malawakang panlilinlang ng bayan at pagyurak ng ating demokrasya na ibinabala ng mga obispong Katoliko noong Enero 31. Wika ng pangkalahatang kapulungan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP):

“Mukhang itong People’s Initiative ibinunsod ng iilang lingkod-bayan at hindi talagang inisyatibo ng karaniwang mamamayan. Kung gayon nga, may bahid ito ng panloloko at pagbalewala sa tunay at malaya nating pakikisangkot sa prosesong demokratiko ng ating bansa. Mabuti ba iyon?”

Medyo nakapagdududa nga itong PI. Ayon sa mga nagsusulong nito, kabilang ang mga kongresista sumusuporta kay Kong. Ferdinand Martin Romualdez, ang namumunong Tagapangusap o Speaker ng Kamara de Representantes, mahigit 8 milyong pirma ang nakuha sa isang buwan lamang.

Sa bilis ng pirmahan, mahirap isiping may malalim na pag-unawa ang mga lumagda sa amyendang isinusulong: ang pagsasanib ng 24 senador at lampas 300 kongresista sa pagrebisa ng Konstitusyon o Charter change (Cha-cha). Para sa CBCP, “maliwanag na ang paglagda hindi bunga ng maingat na pag-aaral at talakayan.”


Hindi lang Cha-cha, EDCA rin

Mukhang nauntol ang PI sa ngayon. Inihinto ng Commission on Elections ang pagtanggap at pagsusuri ng mga lagdang nalikom. At bagaman tinanggap ng Senado ang panukala ng Kamara para sa amyendang pang-ekonomiya, hindi papayag ang mga senador bawasan ang kapangyarihan nila sa pagrebisa ng Saligang Batas.

Subalit hindi lang Cha-cha ang may panlilinlang sa tao at pagyurak sa demokrasya. Gayon din ang pagbubukas sa Amerika ng mga base militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at Amerika.

Sa tulak ng Estados Unidos (US), bumalikwas noong Pebrero 2023 ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa patakarang “neutral” o walang kinakampihang bansa. Pumayag siyang gamitin ng US ang siyam na kampong militar gayong hindi lingid sa kanya at sa AFP at Kagawaran ng Tanggulang Pambansa na aatakihin ang mga ito kung magkagiyera.

- Advertisement -

Alam din ito ng mga heneral, eksperto at media sa Amerika, subalit inilihim ng ating pamunuan at pahayagan sa Pilipino. Tahimik ang administrasyong Marcos at karamihan ng media natin tungkol sa banta ng atake bagaman palasak ito sa mga ulat at komentaryo sa US na pangunahing target kung magkadigma ang mga paliparan at daungang gagamitin ng Amerika.

Kaya naman nagtanong ang manunulat na ito sa Manila Times noong Agosto 20, 2023:

“Mahal na mga obispo ng CBCP … marapat ba o hindi ikubli ng mga pangunahing opisyal ng Amerika at Pilipinas ang mga panganib na nakaumang sa mga sumusunod na lugar at mga karatig na pamayanan kung magkadigma:

“Lal-lo Airport at Camilo Osias Naval Base sa Cagayan; Camp Melchor dela Cruz sa Isabela; Fort Magsaysay sa Nueva Ecija; Cesar Basa Air Base sa Pampanga; Antonio Bautista Air Base malapit sa Puerto Princesa, Islang Balabac sa katimugang Palawan; Benito Ebuen Air Base malapit sa Lungsod Cebu; and Lumbia Air Base makalabas ng Cagayan de Oro?”

Hinggil naman sa pagpapaalam sa apektadong pamayanan sa ilalim ng demokrasya, nagwika ang pitak natin noong Agosto:

“Itinalaga ang mga baseng EDCA nang walang sinasabi sa mga karatig na pamayanan tungkol sa peligro sa kanilang buhay, kaligtasan at kabuhayan kung magkagiyera, at lalong hindi humingi ng pahintulot. Sadyang kontra ito sa moralidad, demokrasya at karapatan” (“The immoral and undemocratic EDCA deception,” http://tinyurl.com/2e7a8zuf).

- Advertisement -

Hindi lamang mga bayang may baseng gagamitin ng Amerikano ang nanganganib, kundi ang buong Pilipinas. Tingnan na lamang ang nangyari sa mga bansang pumayag magpapasok ng hukbong kalaban ng dambuhalang bansang karatig.

Noong 1962 muntik nang magkadigmang atomika nang pumayag ang Cuba maglagay roon ng mga sandatang nuklear ang mga Ruso. Naiwasan ang giyera nang ihinto ng Rusya ang pagpapadala ng mga missile at inalis ng Amerika ang mga raket na nauna nitong inilagay sa Italya at Turkiya. Subalit pinatawan din ng US ang Cuba ng mahigpit na embargo sa negosyo hanggang ngayon.

Mas malagim ang nangyari sa Ukraina. Dinigma ito ng Rusya noong 2014 at 2022 dahil balak nitong sumapi sa alyansiyang North Atlantic Treaty Organization (NATO), pinamumunuan ng US. Nag-alma rin ang Rusya dahil sa salang trato sa mga Rusong komunidad na bahagi ng Ukraina.

Noong Marso 2022, ilang linggo lamang mula noong ikalawang atake ng Rusya, pumayag ang Ukraina huwag sumapi sa NATO kung hihinto sa paglusob ang Rusya at lalabas nang lubusan sa Ukraina.

Subalit binara ng Amerika at Britanya ang kasunduang pangkapayapaan. Sa halip, inarmasan at pinondohan ang Ukraina upang lumaban pa. Ang pakay, ayon kay Kalihim Lloyd Austin ng Tanggulang Pambansa ng US: “pahinain ang Rusya.”

Pero kabaligtaran ang nangyari: lalong lumakas ang militar at ekonomiyang Ruso, samantalang waldas ang Ukraina, kalahating milyon ang napatay, at milyun-milyon ang lumikas sa bansa.

Harinawa, magising si Pangulong Marcos at ang ibang pinuno. Iadya tayong ng Diyos sa mga peligro at abuso ng Cha-cha at EDCA.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -