30.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 6, 2024

Wala na bang magawa ang mga pinuno natin?

LANGIT AT LUPA

- Advertisement -
- Advertisement -

SA dinami-rami ng problema nina Juan at Juana de la Cruz, mula pagtaas ng presyo at pagtindi ng tagtuyot hanggang kapos-koryente sa Panay at baha at guho sa Davao, bakit kung anu-anong inaatupag ng mga pinuno ng bansa?

Gustong amyendahan ang Saligang Batas at ihiwalay ang Mindanao sa bansa. Nagturuan ang pangulo noon at presidente ngayon na nagdodroga raw ang isa’t-isa. Ang daming problema ng bansa. Awat na!

Ito ba ang sukli sa taong bayan matapos ihalal ang mga pambansang opisyal, lalo na ang mga mambabatas, at pondohan ng daan-daang bilyong piso sa badyet?

Sa halip na magtalo para sa higit pang kapangyarihan at katanyagan, hindi kaya mas makabubuti sa sambayanan kung tuunan ng pansin at agad aksiyunan ang mga pabigat at banta sa bansa? Para na ninyong awa!

Kailangan pa bang bumaha?


Pangunahin sa dapat pag-abalahan ang kalamidad sa Davao, kung saan hindi lamang binaha ang libu-libong tao, kundi gumuho pa ang ilang bundok. Mahigit 20 ang nasawi, kabilang ang anim na namatay sa guho. Mga 14,000 pamilya ang tinatayang napinsala.

Salamat at nagpalabas na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng P265 milyon pondo pangkalamidad, at kapwa dumalo sa pag-uulat tungkol sa baha sina Presidente Marcos at Bise-Presidente Sara Duterte.

Ito ang dapat gawin ng mga pinuno natin: magkaisa at magtulungan upang saklolohan at ayudahan ang mga Pilipinong nalalagay sa panganib, pinsala at pangangailangan. Kailangan pa bang sabihin ito sa mga politiko at dapat pa bang bumaha?

Sunod na pabigat sa Pilipino ang El Niño, panahon ng tagtuyot na maaring tumagal hanggang Abril o Mayo. Sa gayon, malamang mabawasan ang ani ng bigas, gulay at iba pang pananim, at maging ang mga manukan, babuyan, palaisdaan at bakahan, baka mabawasan ang produksiyon.

- Advertisement -

Magandang balita na bumagal na ang pagtaas ng presyo ng bilihin noong Enero, pumalo ng 2.8 porsiyento kompara sa 3.9 noong Disyembre. Pero kung hihina ang produksiyon ng pagkain, at tataas din ang presyo sa pangdaigdigan merkado dahil na rin sa epekto ng El Niño sa buong Asya, baka sumipa na naman ang inflation o pag-akyat ng gastusin.

Mabuti’t kinausap na ni Pangulong Marcos ang Vietnam tungkol sa pag-angkat ng bigas pagdalaw niya roon noong Enero. At lalong mabuting itinalaga niya bilang Kalihim ng Pagsasaka ang negosyante ng pangingisdang si Francisco Tiu Laurel Jr. noong Nobrembre matapos pamunuan ang Department of Agriculture (DA) nang halos isa’t kalahating taon.

Ito ang isa sa pinakamalaking pagkakamali ni Marcos. Dahil sadyang hindi niya masubaybayan ang DA nang masusi sa dami ng pinagkakaabalahan niya bilang pangulo, hindi agad naaksiyunan ang pagmahal at pagkukulang ng bigas, asukal, bawang at iba pang kakanin. Tuloy, tumaas ang inflation at pati ang interes sa pautang na nakapipigil sa paglago ng negosyo at paglikha ng trabaho.

Pero dahil Nobyembre lamang nahirang si Kalihim Laurel, huli na upang aksyunan niya nang ganap ang El Niñong nagsimula noon pang 2023, bagaman may pagkilos nang binalangkas ang DA. Ngayon, kailangang masusing subaybayan ang presyo at merkado ng bigas at iba pang pangunahing pagkain. Kung hindi, sisigla na naman ang inflation at hindi agad maibababa ang interes upang umangat ang ekonomiya.

Walang awat sa pulitika

Ngayon, ang tanong: Magagawa ba ng magkatunggaling kampo huminto muna sa tagisan at magkapit-bisig para sa bayan? Noong dalaw ni Pangulong Marcos sa Davao, si VP Sara lamang ang dumalo sa mga Duterte. Maging ang alkalde ng Davao, si Sebastian “Baste” Duterte, hindi sumipot, at wala rin ang dating pangulong Rodrigo Duterte.

- Advertisement -

At paano naman ang kampo ni Marcos, lalo na ang mga tagasuporta ng pinsan niyiang si Kong. Ferdinand Martin Romualdaz, ang Speaker na namumuno sa Kamara de Representantes ng Kongreso?

Sila ang nagsimula ng away nang alisin nila bilang senior deputy speaker ng Kamara si dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo, ang pangunahing tagasuporta at tagapayo ni VP Sara. Tuloy, kumalas sa partidong Lakas ng Bayan-Christian and Muslim Democrats (Lakas-CMD) ang Bise-Presidente dahil sa “nakasusukang away-politika.”

Tinuligsa rin si VP Sara sa pondong lihim at paniktik (confidential and intelligence funds o CIF) at nagkaroon pa ang alingasngas ng planong pagtiwalag o impeachment. Sa katunayan, mas malaki ang sala ni Presidente Marcos sa pagbibigay ng CIF sa mga tanggapan ni Sara, pero hindi siya binatikos. Ang Bise-Presidente ang target.

At ang amyendang isinusulong ng mga kaalyado ni Speaker Romualdez mukhang may pakay iluklok siya bilang pinuno sunod kay Marcos. Ito ang komentaryo ni Rigoberto Tiglao sa The Manila Times (https://rigobertotiglao.com/2024/01/29/pirma-a-plot-to-make-romualdez-our-leader-after-marcos/).

Mangyari, sadyang hirap makahabol si Romualdez kay Sara sa mga tanong-publiko o survey ng mga posibleng kandidato sa pagkapangulo, sa kabila ng walang-hintong pagtuligsa sa VP. Ni hindi pumangalawa ang Speaker; si Senador Rafael Tulfo ang nakasunod kay Sara.

Kaya hindi magpapaawat ang mga pulitiko, lalo na ang kampo ni Romualdez, bagaman nagkakasundo ang Pangulo at Pangalawang Pangulo. At may isa pang mas makapangyarihang kontra-Sara na hindi hihinto: Ayaw ng Amerikang makabalik ang mga Duterte sa Malakanyang.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -