30.2 C
Manila
Linggo, Setyembre 15, 2024

Mga benefit package para sa mga PWD ipinaliwanag ng PhilHealth

- Advertisement -
- Advertisement -

IPINALIWAG ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga benefit package na nakalaan para sa kapakinabangan ng mga Persons with Disabilities (PWDs).

Nakapaloob sa Batas Republika Bilang 11228 na ang lahat ng mga PWD na nakatala sa Philippine Registry for Persons with Disabilities (PRPWD) ng Department of Health (DoH) ay awtomatikong nakatala na bilang principal member sa PhilHealth.

Ayon kay Local Health Insurance Office (LHIO) Cabanatuan Marketing Coordinator Rea Balanquit, nakapaloob din sa batas na inaatasan ang PhilHealth na maglabas o mag-enhance ng mga benefit package para sa mga PWD.

Tulad aniya ang Z Benefits for Mobility, Orthosis, Rehabilitation, and Prosthesis Help Package na iniaalok sa mga health facility tulad sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center na matatagpuan sa lungsod ng Cabanatuan.

Nakapaloob sa naturang benefit package ang hanggang P135,000 para sa mga prosthesis.

Mayroon ding benefit package ang PhilHealth para naman sa mga Children with Developmental Disabilities na nagkakahalaga ng P3,626 hanggang P5,276 para sa assessment and plan, bukod pa ang rehabilitation therapy sessions at discharge assessment and plan.

Para naman sa mga PWD na dialysis patient ay sinasagot din ng PhilHealth ang P2,600 na gastusin sa kada session na magagamit hanggang 156 session na gamutan sa kada taon.

Ayon pa kay Balanquit, ito ay ibinase sa recommended treatment para sa dialysis patient na tatlong beses kada linggo, kaya covered na ang dialysis session nila sa buong taon.

Ipinaliwanag din niya ang benefit package para sa general mental health services na mayroong P9,000 coverage at ang P16,000 benefit package para sa specialty mental health services na maaaring magamit kada taon.

Bukod pa rito ay maaari ring maka-avail ang mga PWD tulad ng iba pang miyembro ng PhilHealth sa Primary Care Benefit na Konsultasyong Sulit at Tama Program, na kung saan kinakailangan lamang magparehistro sa isang Konsulta Provider para maka-avail ng kahit isang medical consultation kada taon.

“Sa konsulta package ay kasama na ang konsultasyon, mayroong 13 selected laboratories at 21 selected drugs and medicine na pwede nilang ma-avail nang walang babayaran,” dagdag na pahayag ni Balanquit.

Aniya, kung hindi pa naitatala ang PWD sa PRPWD ng DoH ay maaari pa rin ma-avail ang mga nabanggit na benefit package sa pamamagitan ng pagkuha ng assessment sa kanilang Local Social Welfare and Development Office para sila ay maitala sa ilalim ng financially incapable category habang isinasaayos ang kanilang PRPWD registration. (CLJD/CCN-PIA 3)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -