27 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Jinggoy hinikayat ang Senado na imbestigahan ang pananambang sa 4 na sundalo sa Maguindanao del Sur

- Advertisement -
- Advertisement -

HINILING ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na imbestigahan ng Senado ang nangyaring pananambang sa apat na sundalo noong Marso 17 sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur upang suriin ang kasalukuyang estado ng seguridad at kaayusan sa katimugang rehiyon ng bansa.

“Sa kabila ng paglalaan ng malaking pondo ng gobyerno at pagsusumikap na makamit ang kapayapaan at masolusyunan ang ugat ng rebelyon, maging ang karahasan ng mga extremist groups sa mga nakaraang taon, sa pamamagitan ng whole-of-nation approach, nananatili pa rin ang mga nagbabanta sa seguridad at katiwasayan sa lugar,” sabi ni Estrada, chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security.

Bagama’t nakagawa ng mga kahanga-hanga at matagumpay na military operations sa pagbuwag sa mga network ng terorista at extremist groups sa buong bansa, sinabi ng beteranong mambabatas na may mga bago at naglilitawan na grupo mula sa natitirang puwersa na nagiging hamon sa pambansang seguridad.

Sa kanyang inihaing Resolution No. 984, hiniling ni Estrada sa liderato ng Senado na atasan ang nararapat na komite na gampanan ang oversight function ng mataas na kapulungan at suriin ang pagganap ng military at mga ahensyang nagpapatupad ng batas upang matiyak na ang mga hakbang na kinakailangan para masiguro ang kaayusan ng bansa ay naisasakatuparan.

Bilang tagapagtanggol ng mga mamamayan at ng bansa, sinabi ni Estrada na dapat suportahan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpuksa sa mga elementong nasa likod ng terorismo, kaguluhan, karahasan, naghahasik ng takot at nilalagay sa panganib ang publiko.

“Sa harap ng banta ng pagpapatuloy ng mga atake, dapat masiguro sa publiko na ang militar at ang mga tagapagpatupad ng batas ay kontrolado ang sitwasyon. Ang pagpapanatili at pagtataguyod ng pang-matagalang kapayapaan ay pangunahing interes ng Estado dahil ito ay naglalayong makamit ang pangkalahatang pag-unlad at paglago ng ekonomiya,” ani Estrada.

Naka civilian clothing at lulan ng isang sibilyang sasakyan ang apat na biktima ng pag-atake noong Marso 17. Pabalik na ang mga ito sa patrol base pagkatapos bumili ng pagkain para sa “Iftar” para sa Muslim community sa lugar. Sila ay tinambangan habang binabaybay ang Tuayan 1 road sa Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao.

Sa pahayag ni Brig. Gen. Oriel Pangcog, 601st Brigade Commander, pinaghihinalaan na ang lokal na teroristang grupo na Daulah Islamiyah (DI) ang nasa likod ng pag-atake at ito ay bilang paghihiganti diumano sa nakaraang mga military operations kung saan ang ilan sa kanilang mga miyembro at lider ay napatay.

“Ang brutal na insidente na nangyari sa panahon ng pinakamahalaga at sagradong okasyon para sa komunidad ng Islam ay nagpapamalas na hindi pa natin kontrolado ang seguridad sa lugar,” giit ni Estrada.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -