INILATAG ang dalawang bersiyon ng mga panukalang batas para sa propesyonalisasyon ng mga tagasalin sa bansa sa “Layag: Forum sa Pagsasalin” noong Mayo 18, 2024, Sabado, 8:00 n.u.-5:00 n.h. sa University of Asia and the Pacific, Pasig City na inorganisa ng Kasálin Network.
Ibinahagi ni John Enrico Torralba, hepe ng Sangay ng Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF-SS) ang unang bersiyon na nakatuon sa pagkilala sa karapatan ng mga tagasalin, pagtiyak sa kalidad ng mga tagasalin at registry ng mga tagasaling Pilipino na sinundan ng pangalawang bersiyon na iminumungkahi ni Dr. David Michael San Juan, puno ng Pambansang Lupon sa Wika at Salin ng Pambansang Komisyon sa Kultura at Sining (NCCA-NCLT). Ayon kay San Juan, magagabayan ng batas ang mabisang ugnayan ng mga stakeholder ng pagsasalin, mahihikayat ang pagbubuklod ng mga praktisyoner, at makapaglalatag ng mga pambansang pamantayan para sa kalipikasyon ng mg tagasalin para sa ikabubuti ng lahat ng mga stakeholder. Nagbigay naman ng reaksiyon si Atty. Nicolas Pichay, tagasalin at direktor ng Legislative Research Service ng Senado, sa mga inilatag na bersiyon nina Torralba at San Juan. Nagpokus siya sa mga konsiderasyong dapat tandaan ng mga tagasalin upang mabisang maisulong ang batas para sa propesyonalisasyon.
Inilunsad din sa forum ang Kasálin Network, isang consortium para sa pagsusulong ng propesyonalisasyon ng mga tagasaling Pilipino na binubuo ng mga kinatawan mula sa 18 institusyong pangwika at pagsasalin: KWF, UST Sentro sa Salin at Araling Salin, UA &P Kagawaran ng Filipino, Sentro ng Wikang Filipino ng UP Diliman (SWF-UPD), PNU Language Study Center, DLSU Salita (Sentro ng Pagsasalin, Intelektuwalisasyon, at Adbokasiya), PUP Sentro ng Pagsasalin, Ateneo de Manila- Senior High School, Biliran Province State University-SWK, Cebu Normal University Sentro ng Wika at Kultura –(CNU-SWK), Palompon Institute of Technology, Leyte, Filipinas Institute of Translation (FIT) , Magbikol Kita, NCCA-NCLT, Sanggunian sa Filipino (SangFil), Propesyonal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS) , Translators Association of the Philippines (TAP) at Bangsamoro Transition Authority Translation and Interpretation Division (BTA-TID) .
Hyflex ang forum na dinaluhan ng higit-kumulang na 200 tagasalin at tagapagtaguyod ng pagsasalin mula sa buong Pilipinas. Maaari itong muling mapanood sa Facebook page ng Komisyon sa Wikang Filipino at ng Kasálin Network. Bahagi ang Layag Forum ng serye ng mga talakayan para sa propesyonalisasyon ng mga tagasaling Pilipino na mangyayari sa mga susunod na buwan.
Para sa mga institusyon at indibidwal na interesadong maging bahagi ng Kasálin Network, mag-email sa [email protected].