28.8 C
Manila
Huwebes, Setyembre 12, 2024

Mayor Alice Guo: Di pasisiil

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

SINLAMIG ng kung gaano dapat ang totoong kalmante — Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Mariing tinanong ni Senador Risa Hontiveros si Mayor Guo kung bakit atubili siyang tukuyin kung sino ang kanyang ina, at sa pangalawang pagtatanong ay humugot ng hininga ang mayor at lakas loob na nagwika, “Medyo sensitive po kasi na aminin na anak po ako sa kasambahay ng father ko.”

Gaya ng makikita sa kanyang birth certificate, ang nanay niya ay nagngangalang Amelia Leal, isang Pilipino. Bilang inabandona ng ina sa kanyang pagsilang pa lamang, hindi siya nagkaroon ng anumang malapit na ugnayan sa nanay.

Sa anu’t-anuman, sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas, sa pagtuntong sa edad na pitong taon, ang isang anak na ang mga magulang ay may magkaibang nasyonalidad ay maaring pumili kung alin sa dalawa ang susundin.

Maliwanag na sa kaso ni Mayor Guo, pinili niya ang nasyonalidad ng ina.


Subalit wala pang anumang pahayag na ang ama ni Mayor Guo, na isang Chino, ay naging Pilipino sa pamamagitan ng naturalization. Kung ito ay naganap, alinsunod sa nakagawian nang proseso, ang naturalisadong Pilipino ay yayakapin ang apelyido ng ninong sa kanyang pangalawang binyag.

Kulob saan samakatuwid, alin kung sa bisa ng Konstitusyon o ng malawakan nang tanggap na kaugalian, si Mayor Alice Guo ay Pilipino.

Gaya ng kanyang sigaw na umalingawngaw sa bulwagan ng senado, “Ako ay Pilipino!”
Pinapayuhan ang mga mambabasa na pag-aralang mabuti ang maamo’t kalmanteng mukha ng mayor sa bawat minuto ng paggigisa sa kanya ng mga senador, na sa buong panahon, bilang kabaligtaran ni mayor, ay panay ang sabog sa emosyonal na pag-aalburuto.

“Kailangang kumbinsihin mo kami! (na matapat ka sa mga sinasabi mo),” halos pabulyaw na ni Senador Loren Legarda, halimbawa, samantalang patuloy si Mayor Guo sa kanyang animo’y maluwalhating pananahimik.

- Advertisement -

Sa silakbo ng kanyang emosyon, ipinakita ni Senador Legarda na sarado na ang isip ng mga inquisitor-senador na si Mayor Guo ay nagkasala at ang tanging lusot niya ay ang kumbinsihin sila na siya ay inosente.

Magkaganunman, dulot ng palasak na pagsabog ng timpla ng ulo ng mga senador at sa kanilang wala-sa-katwirang pagsangkalan sa awtoridad, sa katunayan itinakda nila ang mga sukatan ng kanilang pagkagapi sa mga pagtatalo.

Ang kinailangan na lamang na gawin ni Mayor Guo ay manahimik, na kung kaya wala ni kahit isang sesyon ng inquisition na si Mayor Guo ay nawala sa sarili.

Wala ni kapirasong kiber ng nerbiyos. Walang paghahagilap ng sasabihin. Wala ni kapirasong pahiwatig na siya ay nagsisinungaling.

Sa isang sandali, nag-alburoto si Senadora Legarda nang sagutin ni Mayor Guo sa tugmang paraan kung ano ang natatandaan niya mula sa kanyang pagsilang.

“Wala po akong matandaan dahil baby pa po ako,” saad ni Mayor Guo, sabay nulas ng kanyang mala-beybing ngiti.

- Advertisement -

Halatang pikon, patutsada ni Senadora Legarda, “Of course, obvious naman na wala kang maalaala dahil nga baby ka pa. Wag tayong pilosopo rito. I mean mula nang five years old ka halimbawa… paano ka lumaki…”

“Lumaki po ako sa farm…”

Mabilis ang putol ni Legarda, “Lumaki ako sa farm… Ayan ka na naman. Paulit-ulit… Tinuturuan ka ng abogado mo, ano?”

Hindi magawa ni Mayor Guo na magsawalang-modo rin, halimbawa ang sabihing, “Paulit-ulit din po kasi ang tanong nyo.”

Totoo nga, dapat na madaling makita ni Mayor Guo na ibig ng mga senador na sagot sa kanilang mga tanong ay kung ano ang gusto nilang marinig, hindi kung ano ang sasabihin ng tinanong.

May kapal ng hasang si Mayor Guo na barahin ang istratehiyang ito.

Anong bangis na di masiil!

At anong tayog ng inabot na may mga nagliliparang mga kulay.

Bago siya namaalam sa media noong nakaraang beses sa senado, pinag-alingawngaw niya ang huling bigwas: “Pilipino ako. Hindi espiya.”

Noon pa man ay makiling na ako na iproklama, kahit sa sarili man lang, na si Mayor Guo ang magwawagi sa laban na ito.

Tawagin nyong panghuhula. Intuition. Lakas ng hasang. Kapalmuks.

Subalit tila sa hanay ng sangkatauhan ay may isang unibersal at makapangyarihang pwersang bumibigkis sa mga may pagpapahalaga sa kadalisayan ng puso at pagmamahal sa katotohanan. Sa tunggalian sa Senado, dama ko ito kay Mayor Guo, ni katiting wala sa mga senador.

Una pa muna, kahit man lang bilang respeto sa kagandahang asal at wastong pakikisama, ang bagay na ito na kinatatayaan ng integridad ng buong burukrasya ng pamahalaan ay dapat na napangangasiwaan nang buong ingat at paghuhunosdili. Ang kakaunti kong kaalaman hinggil sa mga kaparaanang pang-seguridad ng bansa ay siguradong nakapagbunsod sa akin upang dalhin ito una muna sa atensyon ng Pangulo na siyang magtatakda ng mga hakbang na dapat gawin — labas sa sinag ng publisidad.

Nakataya ang seguridad ng bansa. Lalo na sa panahon ngayon na lumalala ang tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas bunga ng kanilang agawan sa teritoryo sa South China Sea.

Ang paghuhunosdili, lagi na, ay ang siyang mas maiging sangkap ng katapangan.

Subalit, hindi. Dahil sa walang pagsidlang pagkahayok sa kasikatan sa media, biglang-biglang nagmistulang mga umaatungal na mga halimaw sina Senadora Risa Hontiveros at Senador Sherwin Gatchalian et al, buong bangis na nanunuwag sa nabigla at walang kalaban-labang Mayor Alice Guo — at lahat ito tanging sa hinala na sangkot siya sa mga kabulastugang gawa ng niraid na pugad POGO sa isang compound na dating kabahaging pag-aari niya (subalit hindi na nang mangyari ang raid).

Napag-isip-isip man lang ba nina Hontiveros at Gatchalian et al na yinayanig nila ang mga pundasyon ng Republika?

Sa agarang pagbintang ng kasalanang espionage kay Mayor Guo, binuksan ng mga senador ang Pandora’s Box ng lahat ng klase ng mga kasalanan laban sa seguridad ng Pilipinas.

Kung ang diablo ng espionage ay totoo sa Bamban, samakatuwid totoo rin ito sa iba pang mga lokalidad na nakapaghalal bilang mga public official sa mga taong may mga pinagmulang Chino.

Batay sa mga panuntunang sinasang-ayunan nina Hontiveros at Gatchalian, ang saklaw ng kanilang lohika ng Chinese espionage ay totoong nakakalula. Mula Appari hanggang Jolo, ilang mayor na may pinagmulang Chino ang sa katunayan ay mga espiya ng Communist Party of China?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -