PINANGUNAHAN ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) IV-A ang tatlong araw na pagsasanay ng Localized Kilos-Unlad Training (LOKUT) para sa mga miyembro ng Batangas City Advisory Council ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program(4P’s) noong ika-15 hanggang 17 ng Mayo, 2024.
Ang Kilos-Unlad ay isang social case management strategy na naglalayong gabayan ang mga sambahayan o bawat pamilya upang maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay at matiyak na maiahon sila sa kahirapan.
Nakasaad sa programa ang mga panuntunan na siyang magtatakda ng proseso sa pag-exit ng mga benepisyaryo sa 4Ps.
Kabilang sa mga tinalakay sa LOKUT ang Kilos-Unlad Seven-Year Social Case Management Strategy, Walkthrough of KU Phase-in Tools, 4P’s Update on Household Status, Compliance Rate to the Programs Conditions, at Finance (Cash Grants) Management System.
Binigyan-diin din ng DSWD na upang maging matagumpay ang 4Ps ay kailangan ang kooperasyon ng bawat lokal na pamahalaan, pakikipagtulungan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor, pagsasagawa ng stakeholder analysis at ang pag-buo ng Comprehensive Development Plan (CDP) Social Sector.
Nagkaroon din ng presentasyon hinggil sa Social Welfare and Development Indicators (SWDI) results na ginagamit na batayan upang malaman kung ang estado ng buhay ng mga benepisyaryo ay nasa survival, subsistence, o self-sufficient level na at pwede nang alisin bilang benepisyaryo ng 4Ps.
Sa pamamagitan nito, maaaring malaman kung ano ang kakayahan ng mga benepisaryo at anong uri ng tulong ang maaaring maibigay o maipagkaloob ng DSWD at iba pang ahensya ng gobyerno upang maiahon ang bawat pamilya mula sa kahirapan. (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas/may ulat mula sa PIO Batangas City)