25.8 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

Ang Propesor, Ikalawang Bahagi

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

(Salin ng Tuesdays with Morrie)

ANG Morrie na kilala ko, ang Morrie na kilala ng maraming iba pang mga tao, ay hindi magiging siya kung hindi sa mga taong inilagi niya sa pagtratrabaho sa isang mental hospital sa labas lang ng Washington, D.C., isang lugar na may nakalilinlang na tahimik na pangalang Chestnut Lodge. Isa ito sa mga unang trabaho ni Morrie pagkatapos ng kanyang master’s degree at Ph.D. mula sa University of Chicago. Pagkatapos talikuran ang medisina, abogasiya, at negosyo, nagdesisyon si Morrie na ang pananaliksik ang isang bagay na puwede niyang gawin na hindi siya mangloloko ng ibang tao.

Nakakuha si Morrie ng grant para mag-obserba sa mga pasyente sa mental hospital at i-record ang paggamot sa kanila. Ang ideyang ito ay kalat na ngayon, pero ito’y nagsisimula pa lamang noong mga unang taon ng dekada singkuwenta. Nakita ni Morrie ang mga pasyente na sumisigaw ng buong araw. Mga pasyente na umiiyak ng buong gabi. Mga pasyente na dumurumi sa kanilang mga underwear. Mga pasyenteng ayaw kumain, kailangang hawakan ang mga kamay, bigyan ng gamot, pakainin sa pamamagitan ng mga tubo.

Ang isa sa mga pasyente ay babaeng may-edad na. Lalabas ito sa kanyang kuwarto at hihiga lamang sa tile sa sahig, lalagi roon ng ilang oras, habang naglalakad sa palibot niya ang mga duktor at nars. Napatanga lang sa kanila si Morrie, kinikilabutan. Naglista siya ng mga obserbasyon, na siya namang dahilan kung bakit siya naroon. Araw-araw, ginawa ng babae ang ganito: lalabas sa kanyang kuwarto tuwing umaga, hihiga sa sahig, lalagi roon hanggang gumabi na, walang kausap, hindi pinapansin ninuman. Ikinalungkot ito ni Morrie. Nagsimula siyang tumabi sa sahig kasama nito, at humiga pa siya katabi nito, pinipilit itong ilayo sa kanyang paghihirap. Sa wakas, napaupo rin niya ito, at napabalik sa kanyang kuwarto. Ang gusto lang pala nito, nalaman ni Morrie, ay ang gusto rin ng maraming mga tao — ang isang taong makapapansin sa kanila.

Limang taong nagtrabaho si Morrie sa Chestnut Lodge. Kahit na hindi ito gusto ng establisimiyento, kinaibigan ni Morrie ang mga pasyente, kabilang na ang babae na nagbiro kay Morrie na suwerte siya dahil “mayroon akong mayamang asawang kaya akong patirahin dito. Maiisip mo ba na mapunta ako sa isa sa mga mumurahing mental hospital diyan?”

Ang isa pang babae — na dinuduraan ang kahit sino — ay gumaan ang loob kay Morrie at tinawag pa niya itong isang kaibigan. Lagi silang nag-uusap araw-araw, at ang staff ay natuwa dahil may nakapalagayang-loob na ang babaeng ito. Pero isang araw ay lumayas siya, at nagpatulong sila kay Morrie para maibalik ito. Nakita nila ang babae  sa isang tindahan malapit lang sa ospital, nagtatago sa may likuran, at nang dumating si Morrie, binato niya ito ng isang nakapapaso at galit na titig.

“At kasama ka rin pala nila,” singhal nito.

“Kasama nino?”

“Ng mga nagkukulong sa akin.”

Na-obserbahan ni Morrie na karamihan sa mga pasyente roon ay tinaggihan na at iniwan, ipinadama sa kanila na sila’y hindi nabubuhay. Hinahanap din nila ang pagkalinga—isang bagay na medaling maubos sa mga staff. At karamihan sa mga pasyenteng ito’y may-kaya, mula sa mga mayayamang pamilya, kaya’t ang kayamanan nila’y hindi nakapagbigay sa kanila ng kaligayahan o pagka-kontento sa buhay. Isa itong leksyon na hindi niya nalimutan.

***

Dati’y tinutukso ko si Morrie na hindi na siya nakatakas sa dekada sisenta. Ang sagot naman niya’y hindi naman daw masama amg dekada sisenta kumpara sa ating pamumuhay ngayon.

Lumipat siya sa Brandeis pagkatapos ng trabaho niya sa mental hospital, bago nagsimula ang naturang dekada. Sa loob lamang ng ilang taon, ang kampus ay naging sentro ng isang rebolusyong kultural. Droga, sex, rasa, mga protesta laban sa giyera sa Biyetnam. Nag-aral si Abbie Hoffman sa Brandeis. Gayundin sina Jerry Rubin at Angela Davis. Marami sa mga estudyanteng “radikal” ay nag-enrol sa mga klase ni Morrie.

Isang bahagi nito’y dahil ang mga titser sa Sociology, imbes na magturo lamang, ay nakilahok. Halimbawa, sila’y matapang na nagprotesta sa giyera. Nang malaman ng mga propesor na ang mga estudyanteng hindi maka-abot ng ilang grado sa kanilang average sa kolehiyo ay maaaring ipadala sa giyera, hindi sila nagbigay ng grado. Nang sinabi ng administrasyon, “Kapag hindi kayo nagbigay ng grado, lahat sila’y babagsak,” nagbigay ng solusyon si Morrie. “Bigyan natin sila lahat ng A.” At ‘yan nga ang kanilang ginawa.

Ang dekada sisenta ay nagbukas sa kampus, nagbukas din ito ng mga staff sa kagawaran ni Morrie, at nakasuot na sila ng maong at sandals kapag nagtratrabaho at tiningnan na nila ang klasrum bilang isang buhay at humihingang lugar. Pinili nila ang diskusyon kaysa sa lektyur, karanasan kaysa teoriya. Ipinadala nila ang mga estudyante sa Timog ng Amerika para sa proyekto sa mga civil rights. Ipinadala nila ang mga estudyante para sumama sa mga protesta at martsa sa Washington, D.C., at kadalasa’y kasama nila si Morrie sa mga bus na nagdala sa kanila roon. Sa isang biyahe, naaaliw niyang pinanood ang mga babaeng nakasuot ng mahahabang damit at mga love beads na naglalagay ng mga bulaklak sa mga baril ng mga sundalo, naupo sa damo, at sinubukang lumutang sa Pentagon.

“Hindi sila lumutang,” sabi ni Morrie kalaunan, “pero kahit na, sinubukan nila.”

Isang araw, may mga grupo ng estudyanteng itim na nagbarikada sa Ford Hall sa may kampus ng Brandeis, nilagyan ito ng banner na nakalagay ang mga salitang, Unibersidad ni Malcolm X. May mga laboratoryo ng Chemistry sa Ford Hall, at nag-aalala ang ilang mga opisyal ng administrasyon na baka gumagawa na ng bomba ang mga radikal na estudyante sa basement. Mas kilala ni Morrie ang mga estudyanteng ito. Nakita niya agad ang pinaka-sentro ng problema, ang pangangailangan ng mga tao na maramdamang mahalaga sila.

Nagtagal ng ilang linggo ang barikada. At mas magtatagal pa sana ito kung hindi isang araw ay naglalakad si Morrie sa may building at nakita siya ng isa sa mga nagpo-protesta. Paborito niyang titser si Morrie at tinawag niya itong pumasok sa pamamagitan ng isang bintana.

Makaraan ang isang oras, gumapang na si Morrie palabas ng bintana na may dalang listahan ng hiling ng mga nagpo-protesta. Dinala niya ang listahan sa pangulo ng unibersidad, at nabawasan ang tensyon.

Ang gusto lang lagi ni Morrie ay kapayapaan.

Sa Brandeis, nagturo siya ng mga klase sa social psychology, mental illness at kalusugan, at group process. Magaang sila sa tinatawag nating “career skills” pero mabigat naman sa “personal development.”

At dahil dito, maaaring tingnan si Morrie ng mga estudyante sa negosyo at batas bilang isang uto-uto sa kanyang kontribusyon. Ilan ang kinita ng kanyang mga estudyante? Ilang malalaking kaso ang kanilang naipanalo?

Pero sa kabilang banda, ilang mga estudyante sa negosyo at batas ang dumalaw muli sa kanilang mga propesor pag-alis nila sa unibersidad? Lagi itong ginagawa ng mga estudyante ni Morrie. At sa kanyang huling mga buwan, daan-daan ang dumalaw sa kanya, mula sa Boston, New York, California, London, at Switzerland; mula sa mga opisina sa korporasyon at mga eskwalahan sa loob ng mga lunsod. Tumawag sila. Sumulat sila. Nagmaneho sila nang daang-daang milya para sa isang pagbisita, salita, ngiti.

“Hindi na ako nagkaroon pa ng ibang titser na katulad mo,” ang sabi nilang lahat.

***

Habang nagpapatuloy ang pagbisita ko kay Morrie, nagsimula akong magbasa tungkol sa kamatayan, at kung paano tinitingnan ng iba’t ibang kultura ang huling paglalakbay. May isang tribo sa North American Arctic, halimbawa, na naniniwala na ang lahat ng mga bagay sa mundo’y may kaluluwa na nabubuhay sa anyo ng isang mas maliit na porma ng katawang naglalaman nito—kayat ang isang usa ay may maliit na usa sa loob nito, at ang isang lalaki’y may mas maliit na lalaki sa kanyang loob. Kapag namatay ang mas malaking usa, nagpapatuloy mabuhay ang maliit na usa. Maaari itong lumipat sa loob ng isang nabubuhay na malapit sa kanya, o maaari itong pumunta sa isang temporaryong pahingahan sa langit, sa tiyan ng isang malaking espiritung babae, kung saan ito maghihintay hanggang maibalik ito ng buwan sa lupa.

Minsan, ang sabi nila, ang atensyon ng buwa’y nakatuon sa mga bagong kaluluwa ng mundo kaya nawawala ito sa langit. Ito ang dahilan kaya nagkakaroon tayo ng mga gabing walang buwan. Pero sa bandang huli, ang buwa’y laging bumabalik, tulad din nating lahat.

Ito ang kanilang pinaniniwalaan.

Itutuloy

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -