26.5 C
Manila
Miyerkules, Setyembre 18, 2024

Kampanya vs droga sa Camanava pinalakas ni Abalos; pulis sa barangay ikakalat

- Advertisement -
- Advertisement -

INAASAHANG magigiging mas maigting ang kampanya laban sa iligal na droga sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (Camanava) matapos iutos ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang paglalatag ng programang Revitalized Pulis sa Barangay (RPSB) sa nasabing area.



Ang programa na kaakibat ng Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) na flagship program ng pamahalaan, ay ikakasa sa hindi bababa sa 25 posyento ng mga barangay sa Camanava.

“Maglalagay tayo ng pulis sa mga barangay na kinakailangan. Pinalista ko at least 25% ng lahat ng mga barangay na tututukan natin,” ani Abalos kaharap ang 3,000 katao na lumahok sa Usapang BIDA sa Camanava nitong Sabado sa Caloocan City.

Idinagdag niya na sa pamamagitan ng RPSB ay mailalapit ang laban sa iligal na droga sa mga pamayanan, at mailalapit ang mga masisipag na pulis sa mga kabarangay.

Binigyang-diin din ni Abalos na hindi papayag ang pamahalaan na lumawak ang suliranin sa iligal na droga at ginagawa nila ang lahat upang sawatain ang iligal at masamang gawaing ito sa pamamagitan ng mga programang gaya ng RPSB at BIDA.

“Labanan natin ang droga at huwag kayong matakot, dahil kung matatakot tayo, walang mangyayari sa atin,” saad ni Abalos.

Kaygnay nito, 13 ang nagsipagtapos sa Community-Based Drug Rehabilitation Program ng Caloocan LGU at 10 estudyante mula sa University of Caloocan City ang kasabay ding ginawaran ng mga tablet, na magagamit nila sa inilatag na programa.

Samantala, pinangunahan din ni Abalos ang BIDA Ka sa Tamang Nutrisyon program kung saan 200 na mga ina at kanilang mga anak ang naging benepisyaryo ng feeding program.

Pinagkalooban sila ng mga food pack na handog ng Bureau of Fire Protection – Manila Fire District at San Miguel Corporation.

Sa pamamagitan ng programang ito, nais niyang masugpo ang stunting na kasalukuyang nakakaapekto sa isa sa bawat apat na kabataang Pilipino.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -