NAKILAHOK ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa high-level engagement sa Vientiane, Laos sa pagbuo ng Asean Socio-Cultural Community (ASSC) Post-2025 Strategic Plan na magpapalakas sa socio-cultural sector ng rehiyon para sa susunod na sampu at dalawampung taon.
Kinatawan ni Undersecretary Carmela Torres si DoLE Secretary Bienvenido Laguesma bilang tagapangulo ng Asean Labor Ministers Meeting (ALMM), gayundin sa Asean Senior Labor Officials Meeting (SLOM) sa ASCC Council Interface with Ministers of ASCC Sectoral Bodies noong Agosto 13.
Sa kanyang partisipasyon bilang kinatawan ng ALMM, binigyang-diin ni Undersecretary Torres ang pangangailangan na tiyakin ang disenteng trabaho para sa lahat upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan, seguridad, katatagan, at napapanatili at inklusibong pag-unlad sa Asean.
Nanawagan din siya para sa kolektibong pagbibigay-prayoridad sa kakayahang makapagtrabaho ng mga kabataan, oportunidad sa trabaho, inklusibong proteksyong panlipunan, at proteksyon para sa mga cross-border migrant worker sa gitna ng mga pagbabago sa mundo ng paggawa at pagkakaiba-iba sa rehiyon.
Sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya na nagtutulak sa mga makabuluhang pagbabago sa mundo ng paggawa, sinabi ng opisyal na “nangangailangan ang Asean ng isang mahusay na balangkas ng patakaran upang ganap na magamit ang mga benepisyo ng mga teknolohiyang ito habang nililimitaan ang mga negatibong
epekto tulad ng hindi pagkakapantay-pantay, paglilipat sa trabaho, at kahirapan.”
Binanggit din ang panlipunang dayalogo, pagtutulungan ng rehiyon, at kolektibong posisyon bilang mga pangunahing prinsipyo para sa epektibong pagpapatupad ng ASSC Post-2025 Strategic Plan at mapanatili ang pagkakakilanlan at sentralidad ng Asean.
“Upang matiyak na ang mga susunod na henerasyon ng mga manggagawa sa rehiyon ay mapapaunlad ng samahan, integrasyong pang-ekonomiya at panlipunang pagkakaisa ng Asean, ang pagpapalitan ng mga kabataan ay dapat palakasin sa pamamagitan ng cross-country scholarship, training, internship, immersion at
cultural exchange na suportado ng regional learning network and institutions,” pahayag ng Undersecretary.
Kasama sa kanyang nabanggit ay ang tumataas na pagkilala sa kahalagahan ng sama-samang pagsisikap na tugunan ang pagbabago ng klima at ang epekto nito sa trabaho, gayundin ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa pangangalaga sa kapaligiran, proteksyon at pagpapahusay ng mga manggagawa, at
panlipunang dayalogo para sa napapanatiling pag-unlad.
Kasama ng opisyal sina Philippine Ambassador to Lao PDR, H.E. Deena Joy Amatong bilang pinuno ng delegasyon ng Pilipinas; Vice Consul Michael Joseph Ostique; Deputy Executive Director Mary Grace Riguer-Teodosio ng DoLE; at Mike Mohen Padilla ng Department of Social Welfare and Development.
Bukod sa high-level interface na dinaluhan ng mga kinatawan ng Asean, kabilang din sa konsultasyon para sa ASSC plan ang talakayan sa pribadong sektor, civil society organizations, academe, think tanks, youth organizations, grupo ng mga kababaihan, at iba pang mga kinauukulan na stakeholders.