30.2 C
Manila
Linggo, Setyembre 15, 2024

Gatchalian pinuri ang Moody’s sa magandang investment grade rating na binigay sa Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -

MALUGOD na tinanggap ni Senador Win Gatchalian ang investment grade Baa2 credit rating ng Moody’s Investors Service sa bansa sa gitna ng mga inaasahang mas malakas na paglago ng ekonomiya at mas matatag na fiscal position.

Ang rating na Baa2 ay mas mataas kaysa sa minimum investment grade na Baa3. Nananatili ring stable ang outlook para sa Pilipinas ng naturang credit rating agency.

Mahalaga ang pagbibigay ng mataas na marka ng credit rating agency sa isang bansa dahil ito ay nagpapakita ng tiwala ng mga financial institutions at investors sa kakayahan nitong bayaran ang mga utang, ayon sa senador. Dagdag niya, ito ay nagpapahiwatig na mababa ang panganib na hindi makabayad ang bansa ng utang, kaya’t mas maraming mamumuhunan ang handang magpahiram ng pondo o mamuhunan dito.

Bilang pangunahing may-akda ng panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (Create  More), isinusulong ni Gatchalian ang agarang pagpasa nito. Inaasahan kasing mas maraming foreign direct investment ang susuporta sa paglago ng ekonomiya.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang pagtaas ng foreign direct investment ay magdudulot ng paglikha ng trabaho, susuporta sa domestic consumption, at higit pang magpapabuti sa posisyon sa pananalapi ng bansa.

Sa inaasahang pagsasabatas ng CREATE MORE at iba pang mga hakbang na sumusuporta sa pag-unlad ng ekonomiya, umaasa si Gatchalian na makakamit ng bansa ang isa pang pagtaas sa investment rating nito. Ang CREATE MORE ay isang priority measure ng kasalukuyang administrasyon.

Samantala, kamakailan lang din ay itinaas ng Japan-based Rating and Investment Information, Inc. (R&I) ang Philippine sovereign credit rating ng Pilipinas sa ‘A-‘ na may kasamang stable outlook.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -