27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

May panganib bang magkaroon ng depresasyon ang US Dolyar?

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa kolum na ito noong Agosto 29, 2024 tinalakay natin ang planong pagbababa ng mga pinagbabatayang interest rate ng Federal Reserve (Fed) ayon kay Jerome Powell, Tagapangulo ng US Fed. Ang hindi natin tinalakay ay ang posibleng depresasyon ng US dolyar sa pagbaba ng mga pinagbabatayang interest rate. Mangyayari lamang ang pangambang ito kung may magaganap na malawakang paglilipat ng pondo ng US dolyar mula sa Estados Unidos patungo sa mga pangunahing ekonomiya ng mundo.

Suriin natin kung posibleng paglilipatan ang pondo sa European Union (EU), Japan, China at ibang pang ekonomiya. Sa EU ang interest rate ay nasa pagitan ng 4% at 4.75% na mas mababa pa rin sa 5.25% hanggang 5.5% sa Estados Unidos. Kahit na magbaba pa nang hanggang 50 basis points ang US Fed mas mataas pa rin ang interest rate sa Estados Unidos kaya’t malamang hindi makatwirang ilipat ng mga mamumuhuhan ang kanilang pondo sa European Union.

Lalong hindi atraktibong ilipat ang pondo sa Japan kung saan ang interest rate ay nasa pagitan  ng 0 hanggang 0.1 porsiyento. Napakababa ng interest rate sa Japan dahil nais nilang pasiglahin ang ekonomiya subalit ang patakarang pananalapi ay hindi gaanong epektibo dahil nakararanas sila ng liquidity trap. Ang ibig sabihin nito ay ang dagdag na salapi na nagbubunga mula sa mapagpalawak na patakarang pananalapi ay hindi ginagamit sa pagkonsumo at iba pang gugulin sa halip ay itinatago lamang ng mga mamimili at negosyante.

Mababa rin ang interest rate sa China na nasa 3.35% hanggang 3.85%. Kahit magbaba ang US Fed ng 50 basis points di hamak na mas mataas pa rin ang balik sa mga pondo sa Estados Unidos kaya’t walang saysay ang maglipat ng pondo patungong  China. Kahit ipagpalagay nating mas mataas ang interest rate sa China kaysa Estados Unidos may mahahalagang panganib ang paglalagak ng pondo sa China. Isa sa mga panganib ay nagmumula sa mga regulasyon sa pagpasok at paglabas ng dayuhang pondo. Ikalawa ang  pagtatakda ng palitan ng salapi ay isinasagawa ng Bank of China sa halip ng mekanismo ng bilihan.  Nakatuon ang Bank of China sa pananatiling mababa ang relatibong halaga ng CH yuan upang maging mura ang mga produktong Chino sa bilihang internasyonal. Ang pagtaas ng relatibong halaga ng CH yuan ay magpapatamlay sa sector ng pagluluwas at magdudulot ng malawakang desempleyo.

Kung sa Asean naman ililipat ang pondo, ang Indonesia na may 6.25% at Pilipinas na may 6.5% lamang ang may matataas na interest rate kaysa Estados Unidos.  Sa labas ng ASEAN ang Hong Kong at Macau ay may 5.75 porsiyento. Sa Gitnang Silangan, ang Oman at Saudi Arabia ay may 6%, Bahrain ay may 6.25% at ang India ay 6.5% ng interest rate.


Matataas ang mga interest rate ng mga bansang nabanggit ngunit magiging sanhi ba ito ng malawakang paglilipat at tuluyang depresasyon ng US dolyar? Sa aking palagay walang basehan ang pangamba. Una, maliliit lamang ang mga ekonomiyang nabanggit at hindi kaya ng kanilang makikitid na bilihang pananalapi ang napakalaking pondo mula sa Estados Unidos. Ikalawa, may sari saring panganib sa mga ekonomiyang nabanggit. Sa Gitnang Silangan ang panganib ay ang kasalukuyang sigalot sa pagitan ng Israel at Iran. Ang India kahit isang napakalaking ekonomiya ay hindi pa lubusang bukas sa dayuhang kalakalan at mababa rin ang antas ng kaunlaran sa pananalapi.

Sa harap ng ganitong kapaligiran ano ang alternatibo ng mga mamumuhunan sa paggamit ng kanilang pondo kung ibababa ng US Fed ang mga pinagbabatayang interest rate? Isa sa nalalabing alternatibo ay ang paghawak ng ginto. Ngunit ang paghawak ng ginto ay mapanganib din bilang alternatibong paglalagakan ng pondo. Una, may panganib sa bilihan ito dahil maaaring bumaba ang halaga ng gintong binili sa mataas na presyo. Ito ay bunga ng pabago bagong presyo ng ginto. Ikalawa, may panganib din sa mga humahawak ng sertipiko ng pagmamay-ari ng ginto na hindi matubos ang ginto  kung ang kompanyang nag-isyu ng sertipiko ay nagsara o nalugi. Ikatlo, ang pag-iimbak at seguro sa pag-iimbak ng ginto ay nagpapataas sa gastos sa paghawak ng ginto. Dahil sa mga panganib at gastos na ito, hindi rin atraktibo ang paghawak ng ginto.

Ang huling alternatibo ay ang paglalagay ng pondo sa bilihan ng mga stock sa Estados Unidos. Mabababa ang presyo ng mga stock sa kasalukuyan dahil matamlay ang bilihan ng stock. Marami ang nagsasabing ito ay bunga ng nagbabadyang resesyon. Ngunit may ibang pananaw na nagsasabing nagbabawas lamang ang mga kompanya ng mga biniling stock na pinondohan ng ng mga murang utang na hiniram sa Japan bunga ng mababang interest rate noon. Ngayong tumataas na ang interest rate sa Japan, ipinagbibili ng mga kompanyang ito ang mga stock upang mapaliit ang kanilang gastos sa pagbabayad ng mataas na interes. Kung ang pananaw na ito ay totoo, may pag-asang sumigla ang bilihan ng mga stock sa Estados Unidos sa hinaharap at ang pamimili ng murang stock ngayon ay makapagbibigay ng malaking tubo kapag tumaas ang presyo ng mga ito sa hinaharap.

Mahirap ang alokasyon ng mga yaman kasama na ang salapi dahil bawat alternatibo ay may kanya kanyang sakripisyo at panganib.

- Advertisement -

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -