PINANGUNAHAN ng Department of Trade and Industry (DTI)-Palawan ang pagpili ng magiging nominado ng lalawigan para ilaban sa regional level ng Pamilihang Bayan ng Bidang Mamimili (PBBM) Award 2024.
Ayon kay DTI-Palawan Provincial Director Hazel DP Salvador, tatlong munisipyo lamang sa Palawan ang sumali para mapagpilian na maging nominado sa PBBM Award 2024 dahil ang ibang pamilihang bayan ay under renovation pa. Ang mga ito ay ang pamilihaang bayan ng Narra, Roxas at Bataraza.
Ayon kay Persival Narbonita, Information Officer ng DTI-Palawan, natapos na nila ang evaluation sa tatlong pamilihang bayan noong nakaraang linggo kung saan kasama sa provincial evaluation committee ang Department of Science and Technology (DoST), Provincial Economic Enterprise and Development Office (PEEDO) at ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA).
“Noong pag-start ng initial coordination with LGUs noong July ay mayroong anim na LGUs na nag-verbal confirmed na sasali sa patimpalak na ito. However, by end of August 2024 ay mayroon nalang tatlong LGUs na nag-confirm out of all Pamilihang Bayan ng mainland Palawan including Puerto Princesa City. Ito ‘yong Bataraza, Narra at Roxas,” pahayag ni Narbonita.
Dagdag pa ni Narbonita na kasali rin ang pamilihang bayan ng Roxas at Bataraza sa Search for Bidang Manininda ng ang Fish Section; Dry goods/Sundry Section; at Fruits and Vegetable Section.
Nakatakda namang gawaran ng DTI ng pagkilala sa Oktubre 1, 2024 ang mapipiling nominado ng lalawigan para sa nasabing patimpalak.
Tatanggap ng P5,000 worth of office supplies at plake ang mapipiling grand winner para sa provincial level ng Most Consumer Friendly-Pamilihang Bayan at ito na rin ang magiging kinatawan ng lalawigan para sa regional level.
Samantala, makakatanggap naman ng P3,000 cash prize at plake ang grand winners ng Bidang Manininda para sa tatlong kategorya, ang Fish Section; Dry goods/Sundry Section; at Fruits and Vegetable Section.
Ang PBBM Award ay naglalayong mas mapahusay pa ang kalidad ng mga serbisyo ng pamilihang bayan sa buong bansa, maging ng mga manininda dito. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Kuhang larawan ng DTI-Palawan