INAPRUBAHAN ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” Pangandaman ang paglikha ng kabuuang 175 plantilla positions para sa mga guro ng Mindanao State University (MSU) System, bilang pagtupad sa pangako ng gobyerno na palakasin ang edukasyon at human capital development sa Mindanao.
Sa 175 na bagong faculty positions na ito, 75 ang para sa Instructor I position bilang dagdag sa kinakailangang mga guro sa 12 secondary school sa loob ng MSU System. Ang Notice of Organization, Staffing, at Compensation Action (NOSCA) na nagbibigay pahintulot sa mga posisyong ito ay naipalabas na, na may tinatayang Personnel Services (PS) requirements na P39.217 million.
Binigyang-diin ni Secretary Pangandaman ang kahalagahan ng inisyatibang ito at tinukoy ang mga probisyon ng Republic Act No. 11504, na nagsasaad sa mandato ng gobyerno na patuloy na suportahan at palakasin ang MSU System.
“Nakasaad po sa batas natin, ‘The National Government shall continue to support, enhance, and strengthen the Mindanao State University System.’ Gusto po nating patatagin at lalo pang paigtingin ang edukasyon at human capital development, lalung-lalo na sa Mindanao. We are not only simply filling the staffing gaps in MSU, but elevating the quality of education across the region so that our students have access to top-tier learning opportunities,” pahayag ni Sec. Mina.
Ang mga bagong likhang Instructor I positions ay magbibigay ng oportunidad para sa mga nagnanais na maging guro sa iba’t ibang campus ng MSU. Mahalaga ang mga posisyon na ito sa pagtugon sa lumalaking pangangailangan para sa mga kwalipikadong faculty members sa rehiyon.
100 pantilla position para sa mga guro ng MSU-IIT
Dagdag pa rito, pinahintulutan din ng Kalihim ang paglikha ng 100 faculty plantilla positions, partikular na ang Assistant Professor IV, para sa MSU-Iligan Institute of Technology (ITT), na may tinatayang PS na P81.110 milyon.
Ang paglikha sa mga nasabing posisyon ay tutugon sa agarang pangangailangan ng mga qualified faculty sa antas na ito, dahil na rin sa malaking bilang ng pagtaas ng enrollment at academic programs ng Unibersidad.
Ang parehong NOSCA, na pinirmahan ni Sec. Pangandaman noong ika-17 ng Setyembre 2024, ay nagpapatibay sa pangako ng gobyerno na magbigay ng dekalidad na edukasyon sa mga rehiyon, lalo na sa mga underserved na lugar. Inaasahan na ang mga inisyatibong ito ay magpapalakas ng faculty development at capacity-building efforts sa MSU System, na nagtitiyak na mananatili itong pangunahing institusyon ng edukasyon sa Mindanao.