UNANG tumampok sa kamalayan ko si Atong Ang nang magkaroon siya ng sigalot kay noon ay General Manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Alexander Balutan. Sanhi ng alitan ang Small Town Lottery (STL), karagdagang palaro ng PCSO na umaagaw ng malaking kita ng jueteng na ayon sa mga sabi-sabi ay siyang “balon ng yaman” ni Atong.

Pagkaraan ng isang taong pamumuna sa media sa matuwid na heneral (si Balutan ang namuno sa pagwasak sa Camp Abubakar ng Moro Islamic Liberation Front, nanguna sa pagsiwalat sa Hello Garci case na muntik nang magpatalsik sa administrasyon ni Presidente Gloria Arroyo, at iba pang mga katiwalian sa gobyerno) nagtagumpay si Atong na papalitan ito bilang general manager ng PCSO.
Kung sinuman ang inihalili kay Balutan, hindi ko na inalam pa. Kung gawa ni Atong, walang ipag-iiba iyun kung hinirang mong general manager ng Blood Bank si Dracula.
Makaraan lamang ang ilang taon nang matapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte nang sa pagdinig ng Quadcom ng Kongreso sa digmaan kontra droga ni Duterte ay lumitaw ang isang nagngangalang Police Col. Royina Garma na inamin ni Senador Ronald “Bato” de la Rosa ay siyang nagparating sa kanya ng tokhang order ni Duterte.
Sino itong Police Col. Garma na ito? Ayon sa rekord, dati itong Police Chief ng Davao City
sa mahabang panahon, kung kaya naging “kaututang dila” ng dating pangulo; Police Chief siya ng Cebu City nang hirangin siya ni Presidente Duterte noong 2019 bilang kapalit ni General Balutan.
Ayon ang siste! sa loob-loob ko.
Ang isang pruwebadong diretsong heneral, subok sa maraming pagkakataon na hindi susuko sa anumang laban para sa hustisya, ay kailangang alisin sa landas upang bigyan daan ang kagahamanan.
Sa kaso ng mga nawawalang sabungero (hindi lamang 34 kundi ayon sa whistle blower na si Alyas Totoy ay mahigit 100) nandito na naman tayo kay Atong Ang — pinangalanan nang siyang mastermind sa pagpaslang sa mga sabungero na nahuling nagtitiyope sa kanyang online sabong.
Sa mga hindi pa nakaaalam, tiyope ang tawag sa manok na mukhang matikas subalit lihim na pinilayan upang matalo sa laban. Sa ganung paraan, tiyak na panalo ang may-ari ng tinyopeng panabong kung tataya siya sa kalaban.
Ang whistleblower ay nagpakilala na nagngangalang Julie “Dondon” Patidongan, dating pinuno ng security ng mga sabungan ni Atong Ang sa Laguna at sa Manila. Siya diumano ang nag-uulat kay Atong Ang ng mga sabungerong nahuhuli niyang nagtityope at nagsasagawa ng utos ni Atong Ang na “Iligpit na ang mga iyan.” Nilinaw ni Patidongan na ang pagtalima niya sa utos ni Atong Ang na “iligpit na ang mga sabungero” ay binubuo lamang ng pagpaparating ng atas sa mga sangkot na pulis, na siya nang magsasagawa ng mga pag-aresto at aktwal na “pagligpit” sa mga manyonyopeng sabungero.
Sa paglalahad ni Patidongan, totoong karumaldumal kung papaanong pinatay sa pamamagitan ng pagsakal (“garote” ang salitang ginamit ni Patidongan) hanggang sa malagutan ng hininga ang mga sabungero, saka aalisan ng mga laman loob upang huwag lumutang kapag itinapon na sa Taal Lake kasama ng isinakong buhangin.
Mangyari pa, todo tanggi si Atong Ang na may kinaalaman siya sa nangyari.
“Walang kriminal sa amin,” pahayag niya sa isang pagharap sa media. “Mga investor lang kami sa Pitmaster (ang kompanyang nagpapalakad sa online sabong).
Ibig sabihin, kung anuman ang nangyayari sa takbo ng negosyo ay responsibilidad na ni Patidongan.
Kaugnay nito, maitatanong: Bakit nang magsimula nang uminit ang isyu tungkol sa missing sabungeros at naharap na nga sa pagsasakdal si Patidongan at tatlong iba pa, bakit si Atong Ang, ayon sa whistleblower, siyang dali-daling nagpatakbo sa kanya palabas ng bansa upang magtago?
Masyadong masalimuot ang usapin. Gumulo pa ito nang mabulgar na nang nagdaang mid-term elections, tumakbong mayor si Patidongan sa Barobo, Surigao del Sur, na ayon sa Comelec ay muntik na niyang pagwagian. Sabi ni Atong Ang, nakapagbigay pa siya kay Patidongan ng halagang P12 milyon bilang panggastos sa kampanya.
Ganon pala, bakit humantong sa ganitong sigalot ang hidwaan ng dalawa?
Maraming katanungan na ang kasagutan ay depende kung sino ang nagsasalita.
Hayaang ang nagaganap na imbestigasyon ng pulisya ang magpalitaw sa katotohanan. Tiniyak ng tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na pangangalagaan nila si Patidongan.
Ang pahayag ng pulisya ay nagsisilbing paniguro na ang layunin ng pitak na ito na tuklasin ang pulitika sa likod ng “missing sabungeros” ay magkakatotoo.
Hindi na masyadong napag-uusapan, pero isa pang maalingasngas na kamalayan ang hindi pa nabibigyan ng hustisya: ang pagpaslang kay Percy Lapid. Umamin na ang salarin na ang nag-utos na patayin ang komentarista sa radyo ay si Heneral Gerald Bantag, isa pa ring appointee ni Presidente Duterte. Nang lumabas na ang arrest warrant kay Bantag ay bigla na itong nagtago at hanggang sa ngayon ay hindi pa nahuhuli.
Sa ngayon ay nahaharap ang bansa sa — maaaring hindi pa ito nagpagtatanto ng sambayan — pinakamapanganib na banta sa kanilang kapanatagan: ang lumilitaw nang napipintong pagpapawalang sala kay Bise Presidente Sara Duterte sa kanyang impeachment trial. Sanhi nito ang kanyang kalamangan sa bilang ng mga kakamping senador.
Sa usaping ito di maiiwasang siyang dapat na kalagyan ng kaso ni Atong Ang.
Ang Pilipino ba ay talagang sakbibi ng itim nà salamanka ng Duterte upang sukdulang nakakulong na nga ang Punong Salamankero ay patuloy pa ring namamayagpag ang kanyang mga alipures?
O tahimik lamang at walang kaabug-abog ang tiyak subalit epektibong mga repormang panlipunan ang pursigidong isinusulong ng pamahalaan ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Ang dating mapanghamon at mapagmataas na si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ay napasuko na at nakakulong, na agad ay sinundan ng makinis na pagkaaresto kay dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte, na kaagad ay inilipad upang ikulong sa The Hague, Netherland.
Ang ultimong hakbang kay Atong Ang ay hindi maaaring hindi maging sukatan kung patagumpay nga o hindi ang inisyatiba ni Bongbong tungo sa pagtatamo ng pambansang kapanatagan at hustisya sosyal.

