32.3 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Pagsungkit ng Palanca: Ang ‘Palanca Awards’ at ang ‘Pulitzer Prize’

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikalawang bahagi

“Palanca Awards is like the Pulitzer Prize of America,” gayon ang binanggit ni Prof. Federico Macaranas, dating Undersecretary ng Department of Foreign Affairs at bantog na propesor sa Economics sa Asian Institute of Management (AIM), nang ipakilala niya ako sa isang kaibigan niyang Amerikano. Binanggit niya na isa ako sa mga naging awardees ng naturang literary contest. Ito marahil ang pinakamalapit na paghahalintulad niya sa kung ano ang halagahan ng Palanca Awards sa literary life ng ating bansa.

Ang Palanca Gold Medal na ipinagkakaloob sa mga nagwawagi ng Unang Gantimpala sa ano mang kategorya

Bakas sa mukha ni Prof Macaranas ang pagmamalaki. Naisip niyang ito ang pinamagandang paglalarawan niya ng Palanca Awards sa isang banyagang hindi pamilyar sa gawaing pampanitikan dito sa bansa. Si Prof Macaranas, na isa ring manunulat, book author, essayist, at kolumnista sa ilang pahayagang nasyonal, ay ilang ulit na ring naanyayahang maging hurado sa isang kategorya sa Palanca Awards.  “Seryoso kong binabasa ang bawat entry sa kategorya kung saan ako naimbitang maging hurado. Kay huhusay ng mga lahok! Pinakamahirap dito ang pagpili ng tatlong puwestong pararangalan,” kuwento niya. “Ilang ulit kong pinapasadahang basahin ang aking mga napiling akda bago pa magdesisyon sa Una, Ikalawa, at Ikatlong Gantimpala. Of course, kahit sinong hurado ay nais na maging fair and just sa pagpili ng mananalo. Alam ko ang ibinibigay na effort ng bawat manunulat na sumasali sa taunang Palanca Awards!”

Napapagitnaan si Gatmaitan nina Carlos Palanca IV (ang kasalukuyang Presidente ng Carlos Palanca Foundation) at Sylvia Palanca-Quirino (ang dating direktor-heneral ng Palanca Foundation) sa isang Palanca award ceremonies sa PICC

Sa pagkabanggit ni Prof Macaranas ng Pulitzer Prize, bumalik sa aking gunita ang unang Pilipino sa kasaysayan na tumanggap ng Pulitzer Prize: si Carlos P. Romulo at ito’y ang ‘Pulitzer Prize for Peace’ dahil sa kanyang pre-war evaluation ng military situation sa Pacific area noon. Kung waring nagtataka kayo sa pagbanggit ko sa Pulitzer Prize, nais kong ipaalala na ang naturang institusyon ay naggagawad din ng ‘Pulitzer Prize for Fiction.’ Hindi nakapagtatakang dito inihalintulad ni Prof Macaranas ang ating Palanca Award. Kilala ang Pulitzer sa pagpili ng pinakamahuhusay at pinakamagagaling na tao sa pamamahayag, hindi lamang sa larang ng Print Journalism (investigative reporting at public service) kundi maging sa panitikan (fiction, drama, history, biography, poetry, at non-fiction).

Kasama ng kolumnistang ito si Professor Federico Macaranas ng Asian Institute of Management, isa sa mga past judges ng Palanca Awards

Taong 1917 nang itinatag ang Pulitzer Prize upang parangalan ang mga taong may pambihirang achievement sa dyornalismo, panitikan, at musika sa Amerika. Ipinangalan ang naturang award sa newspaper publisher na si Joseph Pulitzer. Isinaad niya sa kanyang ‘will’ bago mamatay na ang kanyang kayamanan ay ilalagay sa itatatag na Pulitzer Prize. Ito ay ipinamahala niya sa Columbia University sa New York. Kamakailan nga, isang Pinay ang naparangalan ng Pulitzer para sa kanyang musical composition: si Susie Ibarra na isang composer at percussionist para sa kanyang ‘Sky Islands.’


Kasama ni Gatmaitan ang kapwa children’s book author (at kapwa Palanca awardee) na si Grace Chong, isa sa naging hurado ng Palanca Awards

Sa kabilang banda, ang Palanca Awards Foundation ay itinatag ng mga heirs ni Don Carlos Palanca Sr noong 1951. Kilala si Carlos Palanca Sr bilang isang pilantropo at negosyante. Siya ang nagtatag ng La Tondena, isang kilalang kumpanya ng mga alak sa bansa. Dati, nasa dakong Quiapo sa Maynila ang kanilang opisina. “Doon sa naturang opisina ginaganap ang mga naunang awarding ceremonies ng Palanca Awards for Literature,” pagbabahagi ni Nemie Bermejo, ang tumatayong manager ng Palanca Awards.

Nang pagkalooban ng ‘Gawad Dangal ng Lahi’ ang inyong lingkod matapos na maging Guest of Honor ng 71st Palanca Awards. Kasama sina Charles Palanca, Dang Cecilio-Palanca, at Nemie Bermejo.

Sa itinatag na foundation, ninais ng angkan ni Palanca Sr na ang panitikan ang kanilang pagtuunan ng pansin. Paminsan-minsan, may nagtatanong sa akin kung manunulat ba si Carlos Palanca. Kasi nga, kapag binanggit ang kanyang pangalan, nakaangkla agad dito ang ‘literary excellence.’ ‘Yun din ang isa sa mga tanong ko dati. Pero nalaman kong hindi siya isang manunulat  kundi isang negosyante na may malaking puso sa pagyabong ng panitikan sa bansa.

Si Alfred Nobel, isa pang kilalang negosyante, inhinyero, imbentor, at chemist, ay napabantog din dahil sa pagkakapangalan sa kanya ng isang award na may kaugnayan sa Panitikan. Gaya ni Carlos Palanca Sr., hindi rin naman manunulat si Alfred Nobel. Pero nang pumanaw siya, ibinigay niya ang kanyang kayamanan sa isang foundation na siyang mamamahala nang pagbibigay ng Nobel Prizes sa anim na larangan: Literatura, Medisina o Physiology, Physics, Chemistry, Economics, at Kapayapaan (ang Nobel Peace Prize). Bagama’t napabantog si Nobel sa kanyang imbensyon ng dinamita, minabuti niyang ang kanyang kayamanan ay magamit sa pagkakaloob ng Nobel Prizes. Hindi na nga halos naaalala ng mga tao na siya rin ang nag-imbento ng dinamita.

Dumalo ang ating Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio Almario (gitna) sa Palanca Awards. Mula sa kaliwa: Don Bermejo, Nemie Bermejo, Charles Palanca, Lyn Almario, Ani Almario, at ang inyong lingkod.

Ipinagpatuloy ng mga anak at inapo ang taon-taong paggagawad ng pagkilala sa mga katangi-tanging literary pieces. Ang dating direktor-heneral ng Carlos Palanca Foundation na si Sylvia Palanca-Quirino ay kanyang apo. Matagal na panahong pinamunuan ni Sylvia Quirino ang pagtataguyod ng patimpalak na ito. Tiniyak niya na ang legacy ng kanyang lolo ay magpapatuloy. Dati-rati, tuwing unang araw ng Setyembre (September 1) ginagawa ang awarding para sa mga nanalo ng Palanca. Ito’y sapagkat September 1 ang death anniversary ni Carlos Palanca Sr.

- Advertisement -

Ngayong taong ito (2025), nasa ika-73 taon na ang naturang awards. Ang apo sa tuhod ni Don Carlos Palanca Sr na si Carlos Palanca IV, kilala sa palayaw nitong Charles, ang tumatayong presidente ngayon ng Carlos Palanca Foundation. “Isang malaking responsabilidad ang nakaatang sa aking balikat upang ipagpatuloy ang noble aspirations ng aking lolo,” bahagi niya. “I believe that Palanca Awards will continue to be relevant for many years to come.”

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -