NAKIISA ang Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa Pamahalaang Bayan ng Lubao, Pampanga sa pagdiriwang ng ika-114 anibersaryo ng kapanganakan ni Pangulong Diosdado Macapagal sa NHCP Museo at Aklatan ni Diosdado Macapagal.
Ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Pangulong Macapagal ay pinangunahan nina Carminda Arevalo, Ehekutibong Tagapagpaganap ng NHCP, Cielo Macapagal-Salgado, Pangalawang Punong Bayan Jay Montemayor ng Lubao at mga kawani ng Bayan ng Lubao.
Nakilala si Pangulong Macapagal para sa kanyang mga patakaran tungkol sa ekonomiya at kultura, kabilang ang paglipat ng Araw ng Kalayaan mula Hulyo 4 pabalik ng Hunyo 12.
Ang NHCP ay pambansang sangay ng pamahalaan na naatasan sa pagtataguyod at pagpapanatili ng mga pambansang pamana sa pamamagitan ng saliksik, lathala, heraldiko, konserbasyon, pagtatakda sa mga makasaysayang pook at istruktura, at pangangasiwa ng mga pambansang dambana at museo.