ANG isyu ng “war on drugs” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay patuloy na umaani ng atensyon sa mga mambabatas at mamamayan sa bansa. Naunang nagdaos ng hearing ang quad com ng mababang kapulungan, noong nakaraang lingo nagpahiwatig ang mga senadorsa pangangailangan na imbestigahan ang mga alegasyon ng extrajudicial killings (EJK) at iba pang paglabag sa karapatang pantao.

Ang imbestigasyon ng Senado
Nito lamang Oktubre 17, 2024, inihayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na ang komite ay magsasagawa ng motu proprio na pagsisiyasat tungkol sa war on drugs. Sinabi niyang “definitely” itong sisimulan bago ang regular na sesyon ng Senado sa Nobyembre 4, 2024.
Ayon sa kanya, “kahit nakabakasyon tayo, naka-break ang Senate. Dahil kung mag-start pa tayo sa pagbalik after ng Undas, puro na tayo budget hearing.”
Samantala, ang “motu proprio” ay tumutukoy sa mga hakbang o desisyon na ginagawa ng isang awtoridad, kadalasang isang pinuno o opisyal, nang walang anumang hinihinging mungkahi o rekomendasyon mula sa ibang tao.
Pag-anyaya kay Duterte
Sabi ni Dela Rosa, “Dahil mas komportable siya sa Senado kumpara sa House of Representatives, hindi ko iniisip na hindi siya a-attend kung ako ang mag-iimbita.”
Pananaw ng mga senador
Binigyang-diin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang kahalagahan ng testimonya ni Duterte upang matukoy ang katotohanan.
Sabi niya, “the testimony of the former president on the issue is crucial in uncovering the truth and ensuring that justice is served for all affected parties.”
Samantala, si Senador Risa Hontiveros ay nagmungkahi na ang imbestigasyon ay dapat isagawa ng Senate Committee of the Whole para masiguro ang walang kinikilingan na pagsisiyasat.
“It is very important for us to know the truth regarding the bloody war on drugs, especially for the families of the victims of EJK (extrajudicial killings),” ani Hontiveros.
“So, I will propose to the Senate leadership to have a Senate Committee of the Whole wherein the entire Senate will investigate the past administration’s war on drugs,” dagdag nito.
Pahayag ni Sen. Escudero
Sinabi ni Senate President Francis Escudero na ang pagkakaroon ng Committee of the Whole, gaya ng iminungkahi ni Senator Hontiveros, ay isang opsyon, ngunit isinasaalang-alang din niya ang iba pang mga komite para hawakan ang mga pagdinig.
Ayon kay Escudero, “nakipag-usap na ako kay Dela Rosa, sinabi ko sa dating PNP chief na mas mabuti kung hindi siya ang mamumuno sa mga pagdinig upang maiwasan ang mga alegasyon na hindi ito patas o walang kinikilingan.”
Habang nasa Sorsogon, kinumpirma ni Escudero na nakipagpalitan siya ng mensahe kay Dela Rosa.
“Okay lang sa kanya. Nakipagpalitan kami ng mensahe kagabi, ngunit gagawin ko itong pormal bukas. Pagkatapos kong matapos dito sa Sorsogon, makikita ko siya sa weekend pagbalik ko sa Manila,” aniya.
Idinagdag din niya na konsultahin ang iba pang mga senador tungkol sa mga pagdinig.
Maraming senador ang nagpahayag ng pagdududa sa kakayahan ni Dela Rosa na maging patas sa kanyang pamumuno ng imbestigasyon.
Si Trillanes ay nagsabi, “Dela Rosa and even Sen. Bong Go do not have moral authority to investigate an issue in which they are involved.”
Si Leila de Lima, sa kanyang pahayag, “Sen. Bato is very funny in his plan to call for a Senate investigation into Duterte’s drug war. He is like an accused who is also a judge in his own trial.
Senate Blue Ribbon Committee
Dahil tutol ang ilang mambabatas sa plano ni Dela Rosa, inanunsyo ni Senate President Chiz Escudero na ang Senate blue ribbon committee ay nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon sa “war on drugs” ng administrasyong Duterte na gaganapin ngayong linggo.
“Pangungunahan ng blue ribbon committee ang pagdinig na ‘yan,” sabi ni Escudero.
Ang komite ay napili dahil maaari itong magsagawa ng motu proprio na imbestigasyon habang naka-recess ang kongreso.
Ayon kay Escudero, sina Dela Rosa at Senador Bong Go ay sumang-ayon sa pagbuo ng imbestigasyon na isasagawa nang sabay sa House Quad Committee.
Si Senate Minority Leader Koko Pimentel ang malamang na mamuno sa imbestigasyon bilang chairman ng subkomite ng Committee on Accountability of Public Officers and Investigations (blue ribbon), dahil abala si Senator Pia Cayetano sa kanyang reelection bid.
Samantala, ang Senate Blue Ribbon Committee ay isang komite sa Senado ng Pilipinas na nakatutok sa mga imbestigasyon hinggil sa mga alegasyon ng katiwalian, maling paggamit ng pondo, at iba pang mga isyu na may kinalaman sa pampublikong serbisyo at mga opisyal ng gobyerno.
Ang layunin ng komiteng ito ay tuklasin ang katotohanan sa mga kontrobersyal na usapin at magmungkahi ng mga hakbang para sa pananagutan at reporma.
Ang komiteng ito ay may kapangyarihang magsagawa ng mga pagdinig, humingi ng mga dokumento, at mag-imbita ng mga testigo upang makuha ang kanilang testimonya. Karaniwang kinakatawan dito ang iba’t ibang senador, at maaaring tumutok ito sa mga tiyak na isyu o kasong may pambansang interes.
Mga alegasyon ng extrajudicial killings
Sa mga pagdinig, maraming resource persons ang nag-imbestiga sa mga pagpatay na may kinalaman sa droga. Isa sa mga pangunahing testigo ay si Royina Garma, isang dating police colonel, na umamin sa House Quad Committee na ang kanyang pagkakasangkot sa digmaan laban sa droga ay nagsimula sa isang tawag mula kay Duterte.
Sinabi ni Garma, “Throughout the hearings, I answered questions from the committee based on my personal knowledge; however, I did so with great apprehension, as I recognized that my statements on national television could significantly endanger my life, the safety of my family, and others close to me.”
Testimonya ni Royina Garma
Ipinahayag ni Garma na tumawag si Duterte sa kanya ng alas-5 ng umaga noong Mayo 2016.
“Duterte allegedly asked me to meet him at his residence in Doña Luisa, Davao, and instructed me to find a police officer who was a member of Iglesia Ni Cristo (INC),” aniya.
Sinabi pa niya, “Duterte wanted someone ‘capable of implementing the war on drugs on a national scale, replicating the Davao model.'”
Ayon kay Garma, “The Davao Model involves three levels of payments or rewards. First is the reward if the suspect is killed. Second is the funding of planned operations (COPLANS). Third is the refund of operational expenses.”
Sistema ng gantimpala
Sinabi ni Garma, “Once the task force became operational, I later learned that all COPLAN funds, refunds for operational expenses, and rewards for agents were processed through the bank accounts of Peter Parungo.”
Nagbigay siya ng detalye ukol sa mga halaga ng gantimpala, “May amount po from what I understand starting from P20,000 to P1,000,000 but I am not familiar sa bracketing.”
Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, “Kapag ang napatay ay isang pusher, iyon ang tinatawag na level 1 tapos P50,000 ang reward.”
Sinagot ito ni Garma na “I am not so familiar po sa specific amount but true, there is an amount po per level.”
Responsibilidad ng mga opisyal
Ayon kay Dela Rosa, “I have no fear. I am not directly involved except in my official capacity as the Chief PNP.” Gayunpaman, patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang House Quad Committee hinggil sa mga alegasyon ng mga extrajudicial killings.
Mga panawagan para sa hustisya
Ang mga senador tulad ni Imee Marcos ay nanawagan sa Department of Justice (DoJ) na magsampa ng mga kaso laban sa mga nakasangkot sa EJK. “It should be brought to court. It’s time that the Department of Justice (DoJ be ordered to file charges as necessary” aniya.