INILAGAY ng Department of Health (DOH) ang lahat ng pampublikong ospital at pasilidad sa kalusugan sa “Code White” alert para matiyak ang kanilang kahandaan, kasama ang kanilang mga tauhan, na tumugon sa anumang potensyal na emergency sa kalusugan, lalo na ang heatstroke, sa panahon ng Semana Santa.

Nagsimula ang status ng mataas na kahandaan noong Abril 13 at mananatili hanggang Linggo ng Pagkabuhay.
“Let me say that the Department of Health has declared Code White on all our hospitals. That means they are ready for all the incidents that can happen for people traveling for this Holy Week,” sabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa sa isang press briefing sa Malakanyang noong Martes.
“Our warnings for the effects of heat illness especially for people going to hot areas like the beaches. So, it’s very important, to stay protected,” dagdag pa ni Herbosa.
Batay sa mga color code ng DOH, ang Code White Alert ay tumutukoy sa kahandaan ng mga ospital, partikular na, general at orthopedic surgeon, anesthesiologist, internist, operating room nurses, ophthalmologists, at otorhinolaryngologists (eye, ear, nose, throat specialists) na tumugon sa mga emergency anumang oras.
Mariing pinayuhan ni Herbosa ang mga nasa labas na gumamit ng sunscreen, manatiling hydrated, at iwasan ang mahabang pagkakalantad sa araw at init.
Sinabi ni Health chief na ang mga indibidwal na nakakaranas ng sobrang mataas na temperatura ng katawan ay dapat lumamig kaagad. Aniya, ang mga sintomas ng sakit na nauugnay sa init ay kinabibilangan ng matinding pagkauhaw at malamig na pawis.
“Kapag hindi mo nakorek iyon, magko-collapse ka. So, it’s important early on na mag-cool down ka. If you’re thirsty, you drink plenty of water,” sabi ni Herbosa, at idiniin na ang mga nawawalan ng malay ay dapat na magamot kaagad.
“If you feel weak, fatigue… next step after thirst is iyong heat fatigue or heat weaknesses, (pumunta) ka na sa shade or mag-aircon ka,” payo niya.
Ang mga matatanda at bata ay madaling makaranas ng matinding init, sabi ni Herbosa.
Bilang pag-iingat laban sa pagkalunod, sinabi ni Herbosa na mahalagang bantayan ang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan, lalo na sa mga destinasyon ng bakasyon at pagpapahinga, habang sila ay nasa mga beach at swimming pool.
Binalaan din ni Herbosa ang publiko na huwag uminom ng alak at magmaneho, huwag mag-text at magmaneho, at palaging sumunod sa mga patakaran sa trapiko. Halaw sa ulat ng Presidential News Desk