27.5 C
Manila
Huwebes, Mayo 1, 2025

Gatchalian: Kaalaman ng mga bata sa artificial intelligence mahalaga sa kahandaan sa trabaho

- Advertisement -
- Advertisement -

UPANG mapaigting ang kahandaan ng mga mag-aaral para sa mga ‘jobs of the future’ o mga trabahong kakailanganin ng bansa sa hinaharap, hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na iangat ang kaalaman at kahandaan ng mga mag-aaral pagdating sa artificial intelligence (AI).

Ibinahagi ni Gatchalian ang isa sa mga resulta ng 2023 World Economic Forum (WEF) Report, kung saan lumabas na 60% ng mga na-survey na Pilipinong kompanya ang nagsasabing ‘AI at Big Data’ ang kanilang prayoridad sa upskilling at reskilling sa susunod na limang taon.

“Kakailanganin ng mga trabaho sa hinaharap ang kasanayan sa AI, at dapat maging handa ang ating mga mag-aaral. Ang mga trabahong darating ay nangangailangan ng bagong kasanayan—at kung hindi natin ihahanda ang ating mga mag-aaral ngayon, maaaring mahuli tayo sa takbo ng pandaigdigang ekonomiya,” ani Gatchalian sa paglulunsad ng Education Center for AI Research (E-CAIR).

“Kailangang maging bahagi ang AI sa paglikha ng mga inobasyon at mga solusyon, mga policy intervention, at mga estratehiya upang maging angkop ang kapaligiran ng mga mag-aaral sa kanilang pagkatuto, upang itaguyod ang kapakanan ng ating mga guro at mag-aaral, tiyakin ang mabisang pag-aaral, at tiyakin ang kahandaan ng ating workforce sa hinaharap,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.

Ngunit ayon sa mambabatas, kailangang tugunan ang hamong dulot ng digital divide upang mapakinabangan ng lahat ng mga mag-aaral ang AI. Batay kasi sa datos noong Mayo 2023, 63% lamang ng mga elementary schools, 71% ng mga junior high schools, at 68% ng mga senior high schools ang may internet.

Ayon pa sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), anim sa sampung mag-aaral ang pumapasok sa mga paaralan kung saan iniulat ng punong-guro ang kawalan ng digital resources (63%), pati na rin ang kakulangan ng mga dekalidad na digital resources (63%), kabilang ang desktop o laptop computers, internet access, learning management systems, o school learning platforms.

Upang tugunan ang mga hamong ito, inihain ni Gatchalian ang Digital Transformation in Basic Education Act (Senate Bill No. 383). Sa ilalim ng naturang panukala, makikipagtulungan ang DepEd sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa Department of Science and Technology (DOST) upang tiyakin ang paggamit ng digital technology sa paghahatid ng edukasyon at ang digital transformation ng sistema ng edukasyon.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -