NAALARMA si Senador Win Gatchalian sa mga naiuulat kamakailan na mga insidente ng karahasang kinasasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang mga away na nauwi sa saksakan. Aniya, binibigyang diin ng mga naturang insidente ang pangangailangan para sa mas matatag na mga programa para sa anti-bullying, mental health, at guidance at counseling sa mga paaralan.
Pinuna ni Gatchalian ang mga insidenteng naiulat ngayong buwan. Sa Rizal High School sa Pasig City, may dalawang mag-aaral, isang Grade 7 at isang Grade 10, ang nasaksak sa gitna ng isang awayan sa labas ng paaralan. Sa Iloilo City naman, dalawang mga mag-aaral ang nasaksak din sa isang awayang kinasangkutan ng mga mag-aaral na may edad 13 hanggang 17. Ibinahagi rin ng senador ang ulat na natanggap ng kanyang opisina kung saan dalawang babaeng menor de edad ang nasaksak sa kanilang mga mukha habang nasa loob ng kanilang paaralan sa Marikina.
Hinimok ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education ang Department of Education (DepEd), law enforcement agencies, at mga local government units na magtulungan upang mapatatag ang mga intervention na tutugon sa ugat ng mga mararahas na insidenteng ito. Hinimok din ng mambabatas ang mga magulang at mga komunidad na maging mapagmatyag at maging aktibo sa paggabay sa mga kabataan.
“Dumadami na ang mga insidente ng ganitong pananaksak na mismong mga menor de edad ang sangkot. Mahalagang meron mga security measures, mga guidance programs, at support systems ang mga mag-aaral upang maiwasan ang paglala ng ganitong mga insidente,” ani Gatchalian.
“Sinasalamin ng mga karahasang ito ang mas malalim pang mga suliranin sa ating lipunan, at dapat nating tugunan ang mga ito upang maprotektahan ang ating mga kabataan. Ang pagpapaaral sa ating mga kabataan ay hindi lamang para sa pag-angat ng kanilang kahusayan. Tungkol din ito sa paghubog sa kanilang pagkatao at mga values na dapat nilang isabuhay sa labas ng paaralan,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.
Ang Pilipinas ay tinaguriang ‘bullying capital of the world’ batay sa mga resulta ng international large-scale assessments. Hinimok ni Gatchalian ang ganap na pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na kanyang isinulong.
Matatandaan namang isinumite ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) ang mga panukala nitong rebisyon sa Implementing Rules and Regulations ng Anti-Bullying Act of 2013 (Republic Act No. 10627). Kabilang sa mga isinusulong na rebisyon ang pagkakaroon ng mga localized anti-bullying policies sa bawat pampubliko at pribadong paaralan sa elementarya at high school. Isinusulong din ang pagkakaroon ng discipline officers na magiging responsable sa pagpapatupad ng mga school policies at pagbantay sa student behavior.