Juan, nagpaalam na ba sa yo si Auntie mo?
Hindi pa, Uncle. Bakit saan sya pupunta?
Naku, babalik na muna daw sya sa UK para magtrabaho ulit.
Ha? Akala ko ba retired na siya at may pensyon na? Bakit babalik ulit sa trabaho?
Naku, yung Auntie mo hindi mapakali na walang ginagawa. At sayang naman daw ang kikitain pa n’ya. Naghihintay na daw ang papasukan n’ya dun.
Ganun, Uncle? Bakit kaya ganun? Mga retirees na dapat relax na lang, kumakayod pa rin? Normal ba yan?
Ayon sa isang huling report ng University of the Philippines Population Institute o UPPI, sa 9.2 milyong Pilipino na edad 60 years pataas, 46 porsiyento pa rin nito ang nagtratrabaho at nahihirapang tustusan ang pang-araw-araw na gastusin at pangangailangan sa pangkalusugan.
Sa 5,985 seniors na sinurvey ng UPPI, 57 porsiyento ay nakakaranas ng kahirapan sa mga household expenses at 14 porsiyento ang may matinding pagkagutom sa nakaraang tatlong buwan.
Mga 30 porsiyento din ng mga elderly na sinurvey ng UPPI ay hindi maganda ang kalusugan. At mga 86 porsiyento din sa kanila ang hindi na nagpapagamot sa doktor dahil sa kakulangan ng budget.
Sa mga nagtratrabahong senior citizens, 60.4 porsiyento ang nasa edad na 60-69 at 27.8 porsiyento naman ang nasa 70-79 na edad.
Ano ba ang motibasyon ng mga retirees kung bakit gusto nilang bumalik sa pagtratrabaho?
Ayon sa mga pag-aaral, ito ang mga dahilan ng mga retirees na nagdesisyon na magtrabaho muli:
- Gusto ng budget para sa mga “wants” katulad ng travel, dining, fashion at iba pang splurges.
- Para magkaroon ng purpose o meaning ang buhay.
- Ayaw ma-bore ng pangmatagalan.
- Kailangan ng pambayad sa mga essential expenses tulad ng pagkain at healthcare.
- Para mag-socialize at magkaroon ng bagong network.
- May matutunan na bagong skills o kaalaman at magkaroon ng kakaibang experiences.
- Para magkaroon ng access sa insurance benefits.
- Walang naipon na retirement income.
- Maganda ang pakiramdam ang may kinikita.
- Walang dahilan para tumigil sa pagtratrabaho.
Sa Pilipinas, mahirap talagang magretire kung hindi sapat ang naipon para sa isang retirement na wala ng pumapasok na income.
Hindi talaga kaya ng pensyon sa SSS ang ma-maintain ang lifestyle nung nagtratrabaho at may kita ka pa. Sa halagang P5,000 hanggang P15,000 kada buwan na pensyon, sadyang hindi kasya para masuportahan lahat ng basic na pangangailangan, na tumataas taon-taon ang presyo, lalo na kung magkaroon ka pa ng di-inaasahan na health emergency.
At kung may naipon ka man, masuwerte na kung hanggang sa iyong kamatayan na magkasya ang iyong naipon. Halimbawa kung may ipon kang P5,000,000, ikaw ay 60 years old, may monthly living expense kang P50,000 o P600,000 sa isang taon, kakasya ang ipon mo sa higit kumulang na 8-10 years (lalo na kung na-invest mo ito ng tama). Ang ibig sabihin ay kung pumanaw ka ng lampas ng 75 years, ubos na ang naipon mo, umaasa ka na sa ibang tao, at nabenta mo na rin ang ari-arian mo. Paano kung nagkasakit ka pa ng mas maaga at ang dumapo sa iyong sakit ay pangmatagalang gamutan?
Kaya marami sa mga retirees ang naghahanap pa rin ng oportunidad para kumita at madagdagan ang naipon para mas ma-enjoy ang sunset years.
Maganda ang gustong gawin ng gobyerno para matulungan ang mga retirees at senior citizens na nagnanais na magtrabaho pa rin.
May dalawang House Bills na magbibigay ng dagdag pribelihiyo sa senior citizens sa pamamagitan ng trabaho at income tax exemption.
House Bill No. 10985 o iyong “Employment Opportunities for Senior Citizens and Private Entities’ Incentives Act,” ay naglalayong magbigay ng access sa employment opportunities sa mga seniors na may kapasidad at interes pa na magtrabaho.
Ang mga posibleng trabaho ay clerical or secretarial work, consultancy, cleaning or janitorial services, event organizing, teaching, kitchen help, sales assistance, at business process outsourcing.
Ang isa naman ay iyong House Bill No. 10989 na naghahangad na magbigay ng income tax exemption sa mga senior citizens na nagtratrabaho pa.
Pag naisabatas ang mga panukalang ito, mas lalong magkakaroon ng kumpiyansa at lakas ng loob ang mga senior citizens at retirees na ipagpatuloy ang pagtratrabaho.
Tama ba yan? Imbes na magkaroon na ng buhay na walang stress o gulo, matahimik at kalma at ine-enjoy na lang ang natitira pang buhay na biyaya ng Diyos?
Wala namang tama o mali. Depende yan sa buhay na gusto ng may katawan at isip na retired o senior citizen. Kaya nga sabi ng ilan, wala naman talagang nag-reretire. Merong nagre-Rewire, Nagre-Reboot, Nagre-Rebranding, ng next chapter ng kanilang buhay.
Ikaw Juan, gusto mo pa bang magtrabaho pag retired ka na?