27.9 C
Manila
Linggo, Abril 27, 2025

Imee pinagpapaliwanag ang mga opisyal ng gobyerno sa ‘pag-traydor’ sa kapwa Pilipino

- Advertisement -
- Advertisement -

MATINDING banat ang pinakawalan ni Senadora Imee Marcos sa Senate Committee on Foreign Relations hearing nitong Huwebes, Marso 20, kaugnay ng kontrobersyal na papel ng International Criminal Court (ICC), Interpol, at ilang ahensya ng gobyerno sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“Bakit natin isinuko ang isang kapwa Pilipino?” matapang na tanong ng senadora sa mga nasa likod ng hakbang laban kay Former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD).

Kung ang iyong kapatid ay inuusig, ipapasa mo ba siya sa kamay ng iba? Kung ang iyong ama, o ‘di kaya ang lolo mo pa, matanda na at may sakit, kinakaladkad palabas ng inyong tahanan, manonood ka ba na parang wala lang?

Ganito ang nangyayari ngayon. Isinuko natin si Rodrigo Roa Duterte sa dayuhan na para bang wala siyang sariling bayan, na para bang hindi na natin kayang humusga sa sarili nating tahanan.

Here we are, watching as a fellow Filipino — a leader, a father, a grandfather, a man who served this country — is  taken, not by his own people, but by outsiders who claim the right to judge him.

Kaninong batas? Sa kanila o sa atin?

Mariin niyang kinondena ang tila pagsuko ng Pilipinas sa dayuhang hukuman. “Sabi nila, batas ang dapat manaig. Tama! Pero kaninong batas? Batas natin o batas ng mga dayuhan?”

Nagbabala rin si Marcos sa posibleng epekto nito sa bawat Pilipino, lalo na sa mga OFW. “Kung nagawa nila ito sa isang dating pangulo, sino na lang ang susunod? May maipapangako pa ba tayong proteksyon sa mga OFW nating naghahanapbuhay sa ibang bansa?”

Kabilang sa mga hakbang na isusulong ng Senado ang pagbusisi sa nangyari at ang pagpapasa ng panukalang batas para tiyaking hindi na mauulit ang ganitong klaseng panggigipit mula sa mga dayuhan.

“Hindi tayo papayag na yurakan ang dangal ng Pilipino sa sarili nating bayan!” giit ng senadora.

Pilipinas, probinsya ng The Hague?

Nitong ika-11 ng Marso 2025, isang batalyon ng kapulisan ang sumalubong kay dating Pangulong Duterte sa NAIA. Walang red notice at hindi man lang inimprenta ang warrant of arrest, na para bang nagmamadali silang posasan ang 80-taong-gulang na minsang naging pinakamataas na opisyal ng Pilipinas. Sa parehong araw din, sapilitang ‘hinila’ si FPRRD sa korte — hindi  ng ating bansa kundi korte ng dayuhan.

Nagmistulang probinsya ng The Hague ang Pilipinas — ganito  inilarawan ni Senadora Imee ang naging epekto ng pagdakip ng ICC kay dating Pangulong Duterte.

“Kailan pa naging probinsya ng The Hague ang Pilipinas?” mariing ipinahayag ng senador sa kanyang panimulang pahayag sa imbestigasyon ng Komite ng Foreign Relations ng Senado nitong Huwebes, Marso 20.

Sa ginanap na pagdinig, muling ipinalabas ang mga naunang pahayag ni PBBM kung saan iginiit niyang walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas at hinding-hindi siya makikipagtulungan dito. Isa sa kanyang matitinding pahayag ay: “Uulitin ko ito sa ika-isandaang pagkakataon: Hindi ko kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas. Hindi kikilos ni katiting ang pamahalaang Pilipino upang tumulong sa anumang imbestigasyong isasagawa ng ICC.”

Sa kabila ng mariing paninindigan ng pangulo, nagpatuloy ang pagdakip kay Duterte — isang hakbang na itinuturing ni Senador Imee bilang tahasang paglapastangan hindi lamang sa dating pangulo kundi sa buong bansa.

“Ilang beses na nating sinabing hindi tayo kasapi ng ICC. Hindi tayo sakop ng kanilang batas. Ngunit ngayon, hinayaan nating pumasok sila sa ating tahanan at dukutin ang isa sa atin. Kung nagawa nila ito sa isang dating Pangulo, sino ang susunod? Kung kaya nilang pumasok sa ating bansa at kunin ang isa sa atin, ano ang pumipigil sa kanila na gawin ito muli–sa iyo, sa akin, sa ating lahat?”

Iginiit ni Senador Imee na ang usaping ito ay higit pa kay Duterte. Aniya, ito ay usapin ng dangal ng Pilipino at ng ating soberanya bilang isang malayang bansa.

“Hindi lang ito laban ni Duterte. Laban ito ng bawat Pilipino.” Halaw sa pabalita ng Senate of the Philippines

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -