ANG maximum suggested retail price (MSRP) para sa imported na bigas ay nasa 45 kada kilo na, ayon sa Malacañang nitong Miyerkules, na binanggit na ang pagbaba ay dahil sa pandaigdigang presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Nasa 45 pesos kada kilo ang maximum suggested retail price or MSRP ng imported rice kasunod ng patuloy na pagbaba ng global rice prices,” ulat ni Presidential Communications Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro sa isang Malacañang briefing.
Sinipi ni Castro ang pahayag ng Department of Agriculture (DA) na mula nang ipatupad ang MSRP, nagkaroon ng bawas ng P19 mula sa presyo ng imported na bigas, na dating ibinebenta sa P64 kada kilo.
Aniya, nakikita ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang MSRP bilang isang malaking salik sa pagbaba ng presyo ng bigas at pagbagal ng inflation.
“Nakatulong din ang mas mababang presyo ng bigas sa pagbagal ng inflation rate nitong Pebrero sa 2.1 percent mula 2.9 percent noong Enero,” sabi ni Castro.
Ipinatupad ang MSRP matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbabawas ng rice tariffs mula 35 porsiyento hanggang 15 porsiyento noong Hulyo 2024. Halaw sa ulat ng Presidential News Desk