Higit sa dalawang milyong turista ang naitalang bumisita at namasyal sa lalawigan ng Batangas noong nakaraang Semana Santa.
Ayon kay Mary Stephanie Landicho-Ona, OIC ng Provincial Tourism Cultural Affairs Office (PTCAO), maraming isinagawang paghahanda ang kanilang tanggapan noong Semana Santa upang masiguro na maging maayos at maaliwalas ang karanasan ng lahat ng bibisita sa lalawigan.
Nauna rito, nagsagawa ang PTCAO ng monitoring at inspeksyon sa mga tourist attractions sa lalawigan tulad ng mga beach resort, inland resorts, hotels, simbahan, pati na rin sa mga terminal at pamilihan.
“Ang isinagawang monitoring ng aming tanggapan ay regular naming ginagawa kahit hindi panahon ng Semana Santa, ngunit mas pinag-ibayo para makapagbigay ng ginhawa sa mga turista at manlalakbay. Isang paraan ito upang maibahagi nila ang gandang ipinagmamalaki ng ating lalawigan sa kanilang mga kapamilya, kaibigan, at iba pang nakakasalamuha,” ani Ona.
Kabilang sa mga ikinokonsidera sa monitoring ang pagtukoy sa kahandaan ng mga establisimyento, partikular sa emergency preparedness tulad ng pagkakaroon ng lifeguard sa mga beach resorts at swimming pools, pati na rin ang pagkakaroon ng mga pasilidad na magbibigay sa mga turista ng dahilan upang muling bumisita.
Bilang bahagi ng paghahanda para sa Semana Santa, nagkaloob din ng seminar o pagsasanay sa 252 parish guides upang maituro sa kanila ang tamang pagtanggap sa mga pilgrims na pumupunta para sa Visita Iglesia sa mga simbahan.
Mayroon ding isinagawang fire safety awareness seminar para sa mga resort owners at kanilang mga tauhan upang matiyak na alam nila ang tamang gagawin sakaling magkaroon ng insidente ng sunog sa kanilang mga pasilidad.
Patuloy din ang isinasagawang promotion sa pamamagitan ng social media kung saan naglalabas ang PTCAO ng mga gabay sa mga dapat at hindi dapat gawin kapag bumibisita sa lalawigan. Naglabas din ng summer campaign ang pamahalaang panlalawigan na nakatuon sa apat na kategorya: “Fun, Food, Place, and People.”
Nagtalaga ng 15 roving teams mula sa PTCAO upang magsagawa ng pag-ikot at pagbisita sa mga pangunahing lugar na dinadagsa ng mga turista sa lalawigan.
Ayon pa kay Ona, batay sa kanilang assessment, may ilang mga challenges pa rin na nakita tulad ng unti-unting pagdami ng mga turista at pilgrims na dumarating, kakulangan ng directional signages, accessibility para sa mga senior citizens at Persons with Disabilities (PWDs) tulad ng mga ramps, at pagdami ng mga manininda na nagiging sagabal sa mga dinaraanan sa tabing kalsada.
Binigyang-diin pa nito na sa mga pantalan, partikular sa Batangas City at Mabini, ay mataas ang bilang ng mga dumarating, bagama’t nananatiling maayos ang sitwasyon maliban sa mahabang pila sa pagpasok at paglabas.
Sa mga resorts naman, may ilang mga insidente ng pagkahilo at isang kaso ng pagkalunod na naitala, gayundin ang mga ulat ukol sa pagkalat ng mga scammers na nag-aalok ng online booking partikular sa bahagi ng San Juan sa pamamagitan ng mga Facebook accounts.
Kaugnay nito, patuloy ang panawagan ng PTCAO, katuwang ang mga Tourism Officers ng iba’t ibang bayan, na maging maingat at ugaliing suriin ang mga pages na kanilang ini-explore upang hindi maging biktima ng panloloko.
Simula Enero 2025 hanggang noong Semana Santa, nakapagtala ng mahigit apat na milyong turista sa lalawigan ng Batangas, at inaasahang mas tataas pa ito dahil may ilang mga lokal na pamahalaan pa ang hinihintay ang mga ulat kaugnay sa bilang ng mga turistang dumagsa sa kanilang mga lugar. (MPDC, PIA Batangas