29.4 C
Manila
Huwebes, Mayo 1, 2025

Puwang sa pagpapatupad ng magaang patakarang pananalapi?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

AYON sa balitang inilabas ng Philippine Statistical Authority (PSA) noong Abril 4, 2025  ang pangkalahatang inflation rate ng Pilipinas ay bumagal sa 1.8% noong Marso 2025 mula sa naitalang 2.1% inflation rate noong Febrero 2025. Ang mabagal na pagtaas ng inflation rate ay mababa pa sa target na inflation rate na itinakda ng Bangko Sentral na Pilipinas (BSP) sa pagitan ng 2% hanggang 4% para sa kasalukuyang taon.

Dahil sa mababa pa sa target ang naitalang inflation rate, may ilang ekonomista mula sa World Bank (WB), Asian Development Bank (ADB) at BSP ang naniniwala na ito ay nagbibigay ng maluwag na kapaligiran upang maipatupad ng BSP ang isang magaang patatakarang pananalapi.  Tunay na inaasahang tataas ang presyo ng mga bilihin kapag itinaas ng BSP ang suplay ng salapi ngunit ang inaasahang inflation rate ay katanggaptanggap pa rin batay sa kasalukuyang inflation rate na mababa pa rin sa target na inflation rate na itinakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Maraming benepisyo ang magaan na patakarang pananalapi kasama na ang pagpapalawak ng iba’t ibang gugulin na nagpapabilis sa paglaki ng ekonomiya. Sa pagpapatupad ng mapagpalawak na patakarang pananalapi maaaring pataasin ng BSP ang suplay ng salapi o ibaba ang interest rate. Kung ipatutupad ng BSP ang unang alternatibo magkakaroon ng labis na suplay ng salapi sa umiiral na interest rate samantalang magkakaroon ng labis na demand sa mga bonds o panagot. Ang labis na demand sa mga bond ay magpapataas sa presyo ng mga bond. Dahil tumaas ang presyo ng mga bond, ang balik sa mga lumang bonds na nakabatay sa kasalukuyang interest rate ay bababa upang maging kompetitibo sa mga bagong bonds na may matataas na presyo.

Dahil bumaba ang porsiyento ng balik sa mga lumang bond bababa rin ang interest rate o presyo ng salapi. Dahil dito ang  demand sa salapi ay tataas. Maraming negosyante na maghahangad na dagdagan ang kanilang pangungutang upang magamit ang pondo sa pagpapapalawak ng kanilang istak ng kagamitang kapital. Ang mababang interest rate ay nagbibigay rin ng insentibo sa mga mamimili na taasan ang kanilang guguling pagkonsumo ng mga produkto at serbisyo. Ang dagdag na pangangapital at guguling pagkonsumo ay nagpapasigla sa ekonomiya na susi sa paglaki ng ekonomiya ng Pilipias. Ganoon din ang nangyayari sa gugulin ng pamahalaan. Dahil sa murang interest rate o malawak na suplay ng pondo, hindi na makipagsisiksikan ang sector ng pamahalaan sa pribadong sector sa panghihiram ng pondo.Ang kapaligirang ito ay magpapalawak ng pambansang kita.

Samantala, may mga sakripisyo rin ang magaan na pagpapalawak ng salapi ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Una, ang pagtaas ng iba’t ibang gugulin ay maaaring magpataas sa presyo ng mga bilihin lalo na kung mabagal ang pagdaragdag ng suplay ng mga produkto at serbisyo. Ngunit, tulad nang nabanggit hindi ito nakababahala dahil ang inaasahang inflation rate ay katanggap tanggap pa rin dahil pasok ito sa target na inflation rate na itinakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas.


Ikalawa, sa pagtaas ng pagkonsumo, pangangapital at gugulin pampamahalaan bunga ng mababang interest rate ay maaaring sabayan ito ng pagtaas ng demand sa mga produktong inaangkat. Ito ay dahil hindi lahat ng demand ng iba’t ibang sector ng ekonomiya ay natutugunan ng mga produktong gawa sa Pilipinas; malaking bahagi nito ay inaangkat. Ang mabilis na pagtaas ng ating inaangkat sa harap na mabagal na pagtaas ng ating eksports ay maaaring mauwi sa BOP deficit. Ang problema sa lumalaking BOP deficit ay ang mga kaakibat na sakripisyo sa pagpopondo ng BOP deficit kasama na ang depresasyon ng PH piso.

Ang depresasyon ng PH piso ay maaari ding mangyari hindi lamang sa paglawak ng BOP deficit ngunit dahil sa pagbaba ng interest rate bunga ng mapagpalawak na patakarang pananalapi. Dahil bumababa ang balik sa mga pondo tulad ng mga bond sa Pilipinas sa pagbaba ng interest rate maaaring ilipat ng mga humahawak ng pondo sa Pilipinas ang kanilang yamang pananalapi at ilagay ang mga ito sa Estados Unidos o ibang bansa na may matataas na interest rate. Sa paglagas ng dayuhang pondo sa Pilipinas patungong ibang bansa, ito ay mauuwi sa depresasyon ng PH piso.

Samakatuwid, ang paggaan sa pagpapalawak ng patakarang pananalapi bunga ng mababang inflation rate ay makapag-aambag sa paglawak ng iba’t ibang gugulin na makapag-aambag sa paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas. Ngunit, dapat ding isaalang alang ang mga sakripisyo na kaakibat ng magaan na patakarang pananalapi. Ang pinakatampok na sakripisyo ay ang potensiyal na depresasyon ng PH piso. Ito ay nakaugat sa dalawang mahahalagang dahilan: ang paglawak ng BOP deficit sa paglawak ng inaangkat sa pagtaas ng iba’t ibang gugulin at ang paglilipat ng pondo sa Pilipinas tungo sa ibang bansa. Kung sa mga nanunungkulan sa BSP ay pinahahalagahan ang paglaki ng ekonomiya kaysa masasamang epekto ng depresasyon ng PH piso, marapat lamang na isulong nila ang magaan ng patakarang pananalapi.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -