Juan, kamusta ang biyahe nyo?
Mabuti naman, Uncle. First time ko sa China at talaga palang maraming tao dun.
Ang China ang isa sa pinakamalaking bansa sa buong mundo na may 1.4 billion na population. Kaya kailangan talaga na may malakas silang ekonomiya para masuportahan ang ganitong karaming tao.
Kaya nga, Uncle, ang dami kong nakitang mga negosyo dun. Ang lalaki ng mga tindahan. At sa tingin ko, marami ring mayayaman sa bansang iyon.
Juan, ang China ay pangalawa, kasunod ng Estados Unidos, sa pinakamalaking ekonomiya ng mundo. Ang kanilang gross domestic product o GDP ay halos 20 porsiyento ng GDP ng buong mundo. Ang tawag nga sa kanila ay “world’s factory” dahil nga sa dami ng mga nag-iinvest sa manufacturing at teknolohiya sa China dahil mababa daw ang halaga ng production cost dun gawa ng mababa ding halaga ng labor.
Ang national gross savings rate ng China ay halos 45 porsiyento nung 2023. Ito ay 40-45 porsiyento ng kanilang GDP at mataas Ito kumpara sa global average savings rate na 25 porsiyento. Kaya ang kanilang mataas na savings ang nagpapalakas din ng kanilang mga capital investments.
Kaya, Juan, marami ka ring matutunang financial lessons sa mga pag-uugali at pananaw ng mga Tsino tungkol sa pananalapi.
Bakit kaya ang mga Tsino ay mahusay mag-ipon? Sadya ba ang kanilang pagiging negosyante? Kuripot ba sila? Bakit karamihan sa mga Tsino, tulad na lang ng mga nangungunang mga pamilyang Tsino ng nagpapatakbo ng mga malalaking negosyo sa ating bansa, ay mayayaman?
Ano bang sikreto nila? Ano ba yung mga estratehiya nila sa pag-iipon na puwede nating tularan o di kaya gawing motibasyon para makapagplanong mabuti para sa magandang kinabukasan?
Sa aking palagay, humi-HINDI sila sa mga bagay na sumusunod:
Una, HINDI sila gumagastos sa mga hindi talaga kailangan o walang katuturan. Ang laging tanong ay, “kailangan ko ba ito o gusto ko lang sya? Pinagbibigyan rin nila ang luho nila kung kaya na nilang bilhin.
Pangalawa, HINDI nila hinuhuli ang ipon sa kanilang pagba-budget. Sinusundan nila ang formula na: Kita – Ipon = Gastos. Mas mahalaga sa kanila ang mag-ipon kesa gumastos.
Pangatlo, HINDI nila pinapatulog ang pera nila sa mga bagay na wala silang pakinabangan at hindi magbibigay ng matibay na pundasyon para mapalago nila ang kanilang kayamanan. Kaya nag-iinvest sila sa iba’t ibang assets, tulad ng real estate, na may mataas na potensyal na lumago at makapagbigay ng maginhawang buhay .
Pang-apat, HINDI nila winawalang bahala ang kahalagahan ng pamilya at ang tulong na mabibigay nila sa pagsuporta sa financial responsibilities. Iniiwasan nila ang pagdadala ng mga obligasyon sa kanilang mga balikat lalo na kung alam nilang hindi nila talaga kaya o di kaya’y puwede naman magtulong-tulong o maghati-hati ang pamilya sa mga obligasyon tulad ng pabahay, pagkain at iba pa.
At panglima, HINDI nila sinasayang ang oportunidad na magkaroon ng financial education para tumaas ang antas ng kanilang financial literacy. Importante ang patuloy na pagaaral sa kanila para madagdagan ang kanilang kaalaman at kapasidad tungkol sa mga aspetong pinansyal, katulad ng mga paraan kung paano nila maiiwasan ang mga pagkakataon na makakapaglihis sa kanilang financial goals.
Juan, kaya mo ba ang hinihindian ng mga Tsino?