NAGING makulay ang adbokasiya ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa isinagawa nitong Capability Building Training (CBT) sa Cebu City nito lamang ika-10 ng Abril taong kasalukuyan. Ibinida ng 70 lider mula sa maralitang tagalungsod ng Cebu City ang kanilang malikhaing interpretasyon ng karapatang pangkasarian at katarungang panlipunan sa pamamagitan ng mga likhang sining gaya ng paintings, drawings, at oil pastel artworks.
Pinangunahan ito ng PCUP – Field Operations Division for Visayas (PCUP-FODV) sa pakikipagtulungan sa Lumina ng UV Gullas Law School, KVP Cabahug, Amigo-Escobar & Partners Law, at Wagas & Estorgio Law Firm. Tinalakay rin sa pagsasanay ang mahahalagang batas gaya ng RA No. 11313 (Safe Spaces Act) at RA No. 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act).
Naging daan ang aktibidad upang mas maunawaan ng bawat lider-maralita ang kanilang karapatan sa kanilang komunidad. Ayon pa kay PCUP Chairperson at CEO, Hon. Meynardo Sabili, “Sa training na ito, nakita ko kung gaano ka-makapangyarihan ang sining bilang paraan ng pagpapahayag. Sa bawat obra ng ating mga lider-maralita, ramdam ko ang tapang, kwento, at paninindigan para sa karapatan, pagkakapantay-pantay, at ligtas na komunidad — at mas lalong tumibay ang paniniwala ko na may boses ang bawat isa sa atin… higit lalo ang boses ng maralitang tagalungsod.”
Ang naging produkto ng aktibidad ay hindi lamang basta mga obra, kundi masisilayan sa bawat piraso ang mga paninindigan laban sa karahasang batay sa kasarian, hindi pagkakapantay-pantay, at diskriminasyon. Bawat gawa ay kwento ng pakikibaka, pagbangon, at pag-asa — patunay na ang sining ay epektibong kasangkapan para sa adbokasiya at pagbibigay-lakas sa komunidad.
Isa lamang ito sa mithiin ng Komisyon na layong magsulong nang pantay-pantay na oportunidad para sa lahat ng kasarian sa pamamagitan ng iba’t ibang programang nakatuon sa mga isyung may kinalaman sa kasarian at karapatan ng bawat maralitang kababaihan.